Kapirasong Buto

Kapirasong Buto

Kapirasong buto: iyan ang turing sa aking

sa iyong tadyang nanggaling

Bulaklak sa hardin ng Eden

palamuti ang gandang angkin.

 

Walang ibang sadya kundi maging kapares

ng iyong gilas at kisig

Maging laman sa iyong bisig

at larawan ng iyong titig.

 

Kapirasong buto na ‘di tatayo mag-isa

at mabubuhay nang kanya

kung wala ang pasya

ng dakilang kapareha.

 

Binansagang Maganda;

kay Malakas isinama

pagkat itinadhana ng simbahang

maging ina ng sangkatauhan

bilang mahigpit na kabayaran

sa nagawang mortal na kasalanan.

Maganda, dahil wala raw lakas

kaya walang naiiwang anumang bakas.

 

Di ba’t ako ang nagsisilang

ng mga magigiting na pangalan?

Di ba’t sa akin nagmumula

ang mga pinunong dakila?

Di ba’t ako ang ina ng Kristong

tumubos sa kasalanan ng paraiso?

 

Ngunit bakit ako’y pirming nasa laylayan

ng anino ng iyong kadakilaan at tagumpay?

Bakit nananatiling tagatahi lamang

ng iyong banderang winawagayway?

Ako na laging kasangkapan sa tahanan

ngunit walang sariling kapangyarihan

At itinuturing na tanging kakayahan

ay husay sa paggamit ng apoy ng kalan.

Ngunit bakit kung maglalaro ng sariling apoy

ay itinuturing na Magdalena ng buong sibilisasyon?

 

Ang kasaysayan sa akin ay hindi naging mabait

at sa bawat Ebang kabaro at kapatid;

Kami ay binansagan at sinunog bilang mangkukulam

pagkat bawal magkamit ng anumang karunungan

Kaya ako ay napilitang maging estribo

sa libong taóng kasaysayan ng mga bansa at tao.

 

A… hindi ito ang katuturan

at kabuluhan ng aking kabuuan.

 

Ayaw ko nang maging damang palamuti’t tropeo

sa estante ng kagitingan ng mga kabalyero.

 

Ako ay kapirasong buto

na magbabangon sa mundo

magbabalikwas sa kaalipinan

ng kasaysayan at kalikasan.

Papandayin ko na ang mga tabak

na wawakas sa pagkakasadlak

ng bawat Magdalenang

pampainit sa nanlalamig na kama.

Ikakasa ko na ang mga baril

na papaslang at kikitil

sa mga pamantayang mapang-api

at mapanghusga sa kapwa ko’t sarili.

 

Kung kinakailangan, ako’y muling kakagat sa mansanas

makamit ko lamang ang minimithing katubusan

At ang bawat hiwagang aking mamamalas

ay ‘di na matatakpan ng dahon ng kahihiyan.

 

Ako na ang guguhit ng sarili kong palad

ngayon, bukas at maging sa hinaharap.

 

Ako ay kapirasong butong hihiwalay

sa laman ng lalaking katuwang at patnubay.

 

Ako ay babangon at titindig

at aawit ng mga himig gamit ang sariling tinig.

 

Ako ay magbubuntis ng ilang libong pangarap

at manganganak ng pag-asa’t kalayaang ganap.

 

Creative Commons Image by jill111
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply