Ang K’wento ni T’nalie*
Para sa mga nakipanuluyan sa akin, isa lamang akong silungan — isang kahon na may bubong, pinto at bintana. Lahat sila’y nagdaan lang na parang hangin. Kaybilis… ni wala akong pagkakataong sila’y kilalanin.
Pero, kahit mabilis silang nagdaan sa aking silong, kayrami ko namang naobserbahan sa kanila. Aba, di n’yo naitatanong, mahilig ako sa k’wento. Totoo! Kung may mapagkukw’entuhan lang ako ng mga nalalaman ko, di sana, may dahilan ako para manatili sila kahit sandali lang. Sigurado akong maraming makikipagk’wentuhan sa akin.
Ayaw n’yong maniwala?
Sa dami ng nalalaman kong k’wento, ang pinakapaborito ko’y kay Natalie – magdadalawang taong gulang na batang babae at kahuli-hulihang batang nakilala ko.
Setyembre noong nang lumipat dito ang mag-inang walang ibang bitbit kung hindi ang damit na kanilang suot at isang malaking bag. ‘Yung nanay ni Natalie ay bata pa – parang hindi lalampas sa 19, 20 taon. Dahil estudyante sa paaralan d’yan sa malapit, sa akin sila lumipat para makatipid. Kayang kayang lakarin kung tutuusin.
Dahil wala silang gamit, umaalingawngaw ang kaloob-looban ko tuwing papalahaw ng iyak si Natalie, lalo sa madaling araw. Parang gusto kong magtakip ng tenga, kaso, wala nga pala akong tenga at wala rin akong kamay. Sa oras na ito, paulit-ulit na kakantahan si Natalie ng nanay niya ng parang ganito:
Tulog na, o, bunso ko
Kumot mo’y pag-ibig ko…
Sabay papalitan ng nanay ‘yung kanta kapag ayaw pa ring pumikit ng bata.
Lagi mo sanang tatandaan,
Ang yakap mo ang aking tahanan.
Magkalayo ma’y nararamdaman
Ang yakap mo ang aking tahanan…
In fairness, maganda ang boses ng nanay ni Natalie. Parang malamig na hangin sa tagbanas. O kaya’y patak ng ambon sa aking bubungan. Kapag ‘yung ikalawang kanta na ang ihinihimig niya, kahit ako’y nakakatulog din. Nalilimutan ko ang mga pangyayari sa paligid.
Sa umaga, dalawang biskwit lang ang kinakain ng magnanay. Paiinumin lang ng gatas ang bata, at sambasong tubig naman sa nanay. Tapos, puro libro’t papel na ang kaharap ng nanay habang parang kinakausap ang sarili. Si Natalie, palakad-lakad, pakendeng-kendeng, patakbo-takbo, at patambling-tambling. Kapag nagsawa sa kalilikot, pupunta sa kandungan ng nanay para mangulit. Magkikilitian at magtatawanan saglit. Tapos, bibigyan si Natalie ng kanyang nanay ng isang papel at isang lapis at guguhit na ng kung ano-ano.
Ay, may isa pa akong hindi naikuk’wento sa inyo.
Di kayo maniniwala.
Alam n’yo, kapag aalis ang nanay, may ginagawa ito kay Natalie.
Gusto n’yong malaman? Nahihiya ako, e. Baka kung ano ang isipin n’yo.
Sige na nga, pero sa atin-atin lang muna, ha?
Ganito kasi… ‘yung nanay ni Natalie, itinatali siya sa baywang ng manipis na lubid. Iiwanan lang siya ng bote ng gatas, ilang laruan, tapos ay aalis at ikakandado ang bahay.
O, wag manghusga agad! Hindi siya masamang tao. May dahilan siya.
Narinig ko ‘yung nanay na nagpapaliwanag sa anak.
“Sorry, anak. Wala akong mapag-iwanan sa ‘yo. Kung p’wede lang kitang dalhin, hindi kita itatali. Kailangan lang makapagtapos ni nanay. Babalik din ako agad…”
Parang nararamdaman ng batang iiwan siya kaya papalahaw siya nang napakalakas.
WAAAAAAAAAH!
Muli, magpapaliwanag ang nanay:
“Pagbigyan mo na ako. Kapag may trabaho na ako’t may sumus’weldo, ikaw naman ang papasok sa magandang school. Pagsusuotin pa kita ng magandang uniporme!”
Tapos, hahalikan n’ya si Natalie nang paulit-ulit. Ang sarap nga pakinggan ng tunog ng halik. Parang huni ng maliliit na ibon sa paligid ng kapitbahayan dito. Kapag ayaw pa ring tumahimik, tatapikin niya sa hita ang anak at kakanta nang ganito:
Lagi mo sanang tatandaan,
Ang yakap mo ang aking tahanan.
Magkalayo ma’y nararamdaman
Ang yakap mo ang aking tahanan…
Malamyos talaga ang tinig ng nanay ni Natalie. Muntik akong makatulog sa uyaying iyon!
Kapag nakapikit na si Natalie, marahang tatalilis ang kanyang nanay. Tapos, magbibilin sa akin bago umalis.
“Ikaw na muna ang bahala kay Natalie, ha?”
Walang araw na hindi umiiyak ang nanay ni Natalie bago umalis. Halos panay ang balik para tingnan ang bata. Pero kahit nag-aalangan, aalis pa rin siya.
Ibang klase rin ang nanay ni Natalie. Kahit nanay na sa murang gulang, gusto pa ring mag-aral kahit kinakapos sa buhay. Pinagkakasya ang maliit na badyet para makakain silang magnanay at mabayaran ang upa sa akin. Wala silang ibang luho – sapat na ang isa’t isa. Samantalang ‘yung huling tumira sa akin, kahit may pera, ayaw namang mag-aral.
Sa loob ng ilang buwan na palihim na iniiwan ng nanay sa akin si Natalie, walang nakaalam na may bata sa loob ko. Bihirang umiyak si Natalie; napakabait. Pramis! May sikreto kasi kami para palipasin ang oras.
Gusto n’yo malaman?
Sa mga oras na wala ang nanay ni Natalie, hindi nauubusan ng pagkakalibangan ang bata. Minsan, gustong umakyat sa mga bakanteng estante. Mabuti’t may bigkis sa baywang, hindi niya abot. Kung nagkataon, baka napaano na siya.
Kapansin-pansin ang hilig ni Natalie sa pagsayaw. Kahit mga tunog lang ng sasakyan sa labas ay sinasayawan niya. Ang gagawin ko: patutugtugin ko pinto ng tokador. Ang mga tunog nito ang gagamitin ni Natalie para sumayaw na parang bibi.
Kumakanta rin ang batang ito, kung alam n’yo lang. Pero sa bandang ito, kailangan pa niya ng maraming ensayo.
Kapag gusto niya, bubulalas siya ng awit na katulad ng uyayi ng kanyang nanay.
Ang ka-kap mo na naming ta-na-nan…
(Ang yakap mo ang aking tahanan…)
Mapapangiti lang ako sa kanta niya. Bata pa naman siya; marami pang pagkakataong pagandahin ang kanyang boses.
Isa pang napansin ko ay ang hilig ni Natalie sa pagsusulat. Hindi sapat ang isang papel para kay Natalie. Akalain mong ginuhitan niya ang mapuputi kong dingding! Bagong pintura pa man din ito bago sila lumipat. Pero paano ko mapagagalitan, e parang langit kanyang mga ngiti.
Ano pa ba ang magagawa ko? Pinagbigyan ko na rin siyang guhitan ang aking dingding.
Paborito kong isinusulat niya sa aking dingding ay mga guhit na kung titingnan ko ay parang hitsurang bahay. May tatsulok sa ibabaw at hindi magkakapantay na anggulo ng parisukat. Hindi magkakapatong ang tatsulok at parisukat. Mayroon ding mga hitsurang tao at ibon. Tapos kung ano-anong linyang pahaba’t pabilog. May linyang madiin at magaan.
S’yempre, pagkatapos ng kalikutan at kakulitan, magugutom ang bata. Mabuti at nag-iiwan ng timpladong gatas ang kanyang nanay. Kung hindi, malaking problema kapag umiyak ito at mag-usisa ang kapitbahayan!
Pero hindi unlimited ang ligaya namin. Walang pasabi ang pagdating ng problema. Isang tanghali ng Marso, isang sunog ang nagsimula aking katabing bahay.
Galit na galit ang apoy! Wala pang labinlimang minuto pagkaalis ng nanay ni Natalie, sumiklab na ang sunog. Nagkagulo ang mga tao sa labas. May tumatawag ng bumbero, may tumatawag ng pulis.
Naku po! Ano ang gagawin ko? Paano kung maabutan ako ng apoy, e nakakandado ang pinto. Isa pa, may bigkis na lubid si Natalie. Hindi siya makakalabas kung sakali.
Ang higit ko pang ikinatakot: paano kung marinig ng mga tao ang pag-iyak ni Natalie? Baka hulihin ng pulis ang nanay ng bata!
Napadasal akong sana’y bumalik na ang nanay ni Natalie.
Nagsimulang pumasok ang usok sa mga siwang ng aking mga bintana at pinto. Bilis-bilis kong ikinampay ang mga pinto ng tokador upang ilayo ang usok kay Natalie. Dahil nagtutunugan ang mga ito, akala ni Natalie ay pinasasayaw ko siya. Nagsasayaw naman ang bata.
Wala pa rin ang bumbero. Lalong kumakapal ang nag-uusyosong tao at lumilipad na usok. Samantala, naramdaman ko ang mainit na dila ng apoy sa aking likuran. Hayan na ang sunog!
Lalo kong pinabilis ang palakpakan ng mga pinto ng tokador. Kahit pinto ng banyo ay pinatunog ko na upang hindi mahalata ni Natalie ang kaguluhan sa labas. Akala tuloy niya, pinakakanta ko siya.
Ang ka-kap mo na naming ta-na-nan…
(Ang yakap mo ang aking tahanan…)
Sabay tatawanan ang sariling kanta.
Hindi ko na matiis ang init sa aking likuran.
Wala pa ba ang nanay ni Natalie?
At doon nga, isang pamilyar na boses ang narinig kong sumisigaw sa labas. Nakikipagtalo ito sa mga dumating na opsiyal ng barangay at bumbero. Hindi nagpapatalo, hindi nagpapaawat.
Dumating na ang nanay ni Natalie!
Sa isang ubos-lakas na sipa, binuksan niya ang pinto. Dali-dali niyang kinalagan si Natalie sa pagkakabigkis sa lubid, kinuha ang bag at tumakbo palabas.
At doon din, bumagsak ang bubungan ng aking likurang bahagi bago tuluyang tumawid ang apoy sa kabilang bahay. Salamat at nakalabas ang dalawa nang ligtas!
Hindi sa pagmamayabang, pero narinig ko si Natalie na bumigkas ng isang salita habang siya ay hinahalik-halikan ng kanyang nanay. Totoo! Papunta sa direksyon ko, itinuro ako ni Natalie sabay sabing, “Tahanan!”
Sabi nila, sambuong pamayanan ang nagpapalaki sa isang bata. Pero sa tahanan sumisibol ang kanilang kamalayan, at mga unang alaala. S’werte ako na sa akin nagkaroon ng unang alaala si Natalie. Maalala pa kaya niya ako paglaki niya? Sana, ik’wento ako ng kanyang nanay pagdating ng araw.
At sa iyo, salamat sa pakikinig, ha? Sa makal’wa kasi ay gigibain na ako. Medyo malaki ang pinsalang inabot ko. Mabuti na lamang at ligtas ang mag-ina.
Ganoon pa man, masasabi kong may naging kabuluhan ang buhay ko. Alam kong hindi ako matatawag na bahay lang. Dahil sa kanila, ako’y naging isang tahanan.
*Nagwagi ng Unang Karangalan sa 2024 Saranggola Awards, Kategoryang Kuwentong Pambata
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022