Ang Pangarap ni Pipoy Piso
Ito ay isang revised version ng kwentong “Ang Paglalakbay ni Pipoy Piso”, na nanalo ng Unang Gantimpala para Maikling Kwentong Pambata sa 2013 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Nagising si Pipoy Piso sa ingay ng kanyang mga katabi. Kumakalansing sa tuwa ang kapwa nya piso, mga limang piso at sampung piso. Sila ay mga bagong limbag na barya galing sa Banko Sentral ng Pilipinas.
“Simula na ng ating paglalakbay!” hiyaw nila.
Nasabik si Pipoy Piso. Ano nga kaya ang kahihinatnan nilang lahat? Sino-sinong mga tao kaya ang gagamit sa kanila? Anong buhay kaya ang mababago nila? Iyon ang pangarap ni Pipoy Piso: ang makita ang mundo at maramdaman ang pagpapahalaga ng tao.
Bumukas ang lalagyan ng barya at inilipat silang lahat sa isang bagong kaha. Pinagmasdang mabuti ni Pipoy Piso ang kanyang paligid. Nasa isang mamahaling restawran sila! Maliwanag ang ilaw at mabango ang amoy ng nilulutong pagkain. Nasabik si Pipoy Piso.
Nang mailipat sila ng husto ay nakita ni Pipoy Piso ang ibang mga lumang barya, at ang mga perang de papel.
“Magandang umaga!” bati nya sa mga kapwa pera. Ngunit walang bumati sa kanya. Ang mga perang papel ay umismid lamang nang nginitian nya, habang ang mga lumang barya naman ay hindi sya pinapansin.
“Bata, walang papansin sayo dito.” Isang lumang limang piso ang nagsalita.
“Ang mga perang papel ay masyadong mayayabang pagkat alam nila na mas malaki ang halaga nila kaysa sa atin. Ang ibang barya naman ay sawa na sa ganitong buhay kaya’t wala na silang sigla.”
“Bakit ho? Dapat ho tayong maging masaya dahil tayo ay maglalakbay sa palad ng iba’t ibang tao! Magagawa natin ang tungkuling inilaan para sa atin!” ani Pipoy Piso.
“Hmp! Malalaman mo rin ang sinasabi ko!” Masungit na sagot ng limang piso. Tumalikod na ito.
Maya-maya lamang ay binuksan ng isang kahera ang kaha. Kumuha siya ng ilang perang papel, pagkatapos ay kumuha rin ng ilang barya. Kasama sa mapalad na nakuha ay si Pipoy Piso. Nasabik si Pipoy Piso. Ito na ang simula ng aking paglalakbay, isip nya.
Dinala ng isang weyter ang sukli sa lamesa ng isang mayamang pamilya. Kinuha ng matandang lalake ang perang de papel at pagkatapos ay hindi na pinansin ang mga barya.
Hindi nawalan ng pag-asa si Pipoy. Pinilit niyang pinakinang pa ang sarili upang pansinin siya. Nagbunga naman ang pagpapakinang niya dahil napansin siya ng anak na babae. Nakangiting kukunin sana ng batang babae ang mga barya nang mapansin siya ng kanyang ama.
“Huwag mo nang kunin ‘yan. Paglalaruan mo na naman at magiging kalat lang ‘yan sa bahay,” saway nito sa anak.
“But Papa, it’s so shiny and new!” sagot ng batang babae.
Saglit na nalungkot si Pipoy Piso sa kanyang narinig. Laruan lang pala ang tingin sa kanya ng batang babae. Ngunit hindi pa rin siya nawalan ng loob, baka sakaling kapag nakuha na siya ng bata ay magbago ang pagtingin nito sa mga barya.
“I said no,” sagot ng ama. Hindi na nagpumilit pa ang bata.
Kahit anong kinang ni Pipoy Piso ay binalewala na siya ng batang babae. Hanggang sa umalis na ang pamilya. Naiwan si Pipoy Piso kasama ng ilang barya.
“Sabi ko sa’yo ay ‘wag ka nang umasa!” masungit na saad ng limang pisong kasama pala niya.
Malungkot na hindi umimik si Pipoy. Dumating muli ang tagasilbi, inimis ang lamesa at dinala ang pera sa lalagyan ng tip. Ilang oras ang lumipas na nasa loob lang ng lalagyan ng tip si Pipoy, tahimik sa isang sulok. Gabi na nang buksan ang lalagyan. Marami na ang nadagdag simula nang mapasama si Pipoy Piso. Isa sa mga kahera ang nagbilang ng pera at hinati-hati ito para sa lahat ng tauhan sa restawran.
Napapunta si Pipoy Piso sa isang dalagang nagte-treyning sa eksklusibong kainan na iyon. Basta na lamang inilagay ng dalaga ang pera sa kanyang bag at umalis na ito para umuwi. Napahalo si Pipoy Piso sa iba pang pera at kagamitan ng dalaga.
Dumukot sa kanyang bag ang dalaga upang magbayad sa taksing kanyang sinakyan. Nabuhayan ng loob si Pipoy. Maaaring maibayad na ako at mapunta sa ibang lugar, isip niya. Ngunit kahit nahawakan na siya ng babae ay hindi siya kinuha, bagkus ay kinuha nito ang mga buong pera.
Kinabukasan, dinalang muli ng babae ang kanyang bag. Buong araw na iyon, sa tuwing siya ay magbabayad, nadadagdagan ang mga kasamang barya ni Pipoy Piso. Hindi pa rin pinapansin ng babae ang mga barya.
“Ganyan talaga siya,” sabi ng isang lumang pisong barya kay Pipoy Piso nang magtanong siya. “Magtatagal pa tayo dito ng mahabang panahon dahil hindi niya ginagamit ang mga perang maliliit ang halaga na tulad natin.”
Hindi umimik si Pipoy. Sa madilim na lugar na iyon na ba magtatapos ang kanyang paglalakbay? Wala ba siyang kakayahang bumago ng buhay ng isang tao?
Bumukas ang bag at naghagilap ang kamay ng dalaga.
“Nasaan na ba yung mga barya na ‘yun?” saad nito.
Biglang nabuhayan ng loob si Pipoy Piso at ang iba pang mga barya. Pagkakataon na nilang magamit!
Sa wakas ay nakakuha ng barya ang dalaga. Ito ay ang lumang pisong kanina ay kausap ni Pipoy Piso. Kahit hindi siya ang nakuha ay natuwa si Pipoy para sa kapwa niya piso.
“Paalam kaibigan! Maitutuloy mo na ulit ang iyong paglalakbay!” Kaway ni Pipoy sa kapwa piso na masayang masaya din sa pagkakapili sa kanya.
Sa sobrang tuwa ay hindi napigilan ni Pipoy Piso at iba pang mga barya ang dumungaw sa gilid ng bag ng dalaga upang makita kung saan gagastusin ang nakuhang piso. Nagtaka sila sapagkat wala namang binibili ang babae. Nakatayo lamang ito sa gilid ng isang fountain sa isang park. Nakita ni Pipoy na hawak pa rin ng babae ang piso sa kanyang kamay habang nakapikit ang mga mata. Nang magmulat ng mata ang babae ay agad niyang ihinagis ang barya sa fountain. Nagulat si Pipoy Piso sa nakita.
“Anong nangyayari? Bakit niya ihinagis sa tubig ang kapwa natin barya?” naguguluhang tanong ni Pipoy sa iba pang mga barya. Ngunit maging sila ay naguguluhan din. Isang sampung piso na hindi umalis sa kanyang kinalalagyan kanina ang biglang umimik.
“Humiling siya,” saad nito. “Nakita ko nang ginagawa ‘yan ng mga tao. Hihiling sila pagkatapos ay magtatapon ng barya bilang kabayaran sa hiling.”
“Ano pong nangyayari sa mga perang itinapon sa tubig? Magagamit pa po ba sila?” tanong ng isa pang limang piso.
“Mananatili sila doon hanggang sa lumutin na sila. Walang kumukuha sa mga baryang nasa fountain.”
Ah! Ganoon pala! Magkahalong gulat at takot ang naramdaman ni Pipoy Piso. Paano na kung siya ay ihagis din doon? Ano ang mas nakakatakot, ang manatili sa loob ng bag na iyon ng habang panahon o ang ihagis at lumutin sa tubig ng fountain?
Binuksan ng dalaga ang bag at hinagilap ang kanyang panyo. Halo-halo ang kanyang gamit kaya’t hindi niya ito agad mahanap. Nang sa wakas ay makita niya ang panyo ay agad niya itong kinuha. Sa pagkakabunot niyang iyon ay may lumaglag na barya sa kalsada. Si Pipoy Piso! Napasiksik pala siya sa tupi ng panyo.
“Aaaah!” sigaw ni Pipoy Piso.
Bumagsak sya sa gilid ng kalsada, pagkatapos ay nagpagulong-gulong. Agad namang hinabol ng babae ang piso.
“Sayang!” narinig ni Pipoy Piso na sabi nito. Natuwa siya. Kahit papaano’y may kabuluhan pala siya sa babaeng ito.
Patuloy ang paggulong ni Pipoy Piso hanggang mapunta siya sa putikan. Malamig ngunit mabaho at madumi dito, naisip ni Pipoy. Hindi bale, papunta na ang babae at pupulutin niya ako. Ngunit nang makalapit ang babae ay tinitigan lamang nito si Pipoy Piso at pinag-isipan kung dapat pa bang pulutin ang barya. Tumaas ang kilay ng babae kapagkuwa’y tumalikod na ito.
Nalungkot si Pipoy Piso.
“Bakit ganun? Dahil madumi na ako at mabaho ay ayaw na niya sa akin? Kapag ganito ba ay wala na akong kabuluhan?” sabi nya sa sarili.
Nanatiling nakatingin sa langit si Pipoy Piso. Marami na ang nagdaan sa paligid niya, ngunit walang pumapansin sa pisong nasa putikan. Habang tumatagal ay nawawalan na ng pag-asa si Pipoy Piso na maipagpapatuloy niya ang kanyang paglalakbay.
Malapit nang magdilim nang may isang kamay ang pumulot kay Pipoy Piso. Katulad ni Pipoy Piso, madumi at mabaho rin ang batang nakapulot sa kanya.
Pinunasan ng batang lalaki si Pipoy Piso gamit ang kanyang damit. Pinunasan niya itong mabuti hanggang sa magbalik ang kinang at nagmukha muling bago ang pera. Pagkatapos ay mahigpit nitong hinawakan si Pipoy Piso, na para bang nakasalalay ang kanyang buhay sa pisong hawak.
Tuwang tuwa si Pipoy. Sa wakas, mayroon na ring nagpahalaga sa kanya.
Nagtungo ang pulubi sa isang malapit na panaderya.
“Pabili po ng tinapay,” sigaw ng bata. Ang ibang mga bumibili sa panaderya ay lumayo sa bata, takot na mahawahan ng dumi at baho nito. Pilit inaabot ng bata ang piso sa isa sa mga nagtitinda. “Pabili po ng isang tinapay.”
“Alis! Umalis ka dito at naglalayuan ang mga suki ko!” mataray na sigaw ng tindera.
“Bibili lamang po ako ng tinapay! Eto po ang pera ko!” Inilahad ng bata ang kamay at pinakita ang makinang na pisong kanyang dala.
“Walang mabibili ang piso mo dito,” sagot ng tindera. “Dalawang piso ang pinakamurang tinapay dito. Kaya umalis ka na, alis!”
Naglakad palayo ang bata, kipkip sa kanyang dibdib ang tanging pisong kanyang pagmamay-ari. Nalungkot naman si Pipoy Piso sa sinapit ng bata. Ganoon ba kaliit ang kanyang halaga upang hindi man lamang makabili ng pagkain ang batang ito? Narinig ni Pipoy Piso ang pagkulo ng tiyan ng bata. Kung sana’y mas malaki ang kanyang halaga, isip ni Pipoy Piso .
Napadaan ang bata sa tapat ng isang botika. Narinig ni Pipoy Piso ang pag-uusap ng isang matandang babae at ng babaeng nagtitinda sa botika.
“Sige na, ito na lamang talaga ang pera ko. Kailangang-kailangan ko na ng gamot,” pagsusumamo ng matanda.
“Hindi ho pwede. Kulang kayo ng piso. Kung lahat ng bumibili dito ay kulang ng piso, malulugi ang botika namin!” sagot ng tindera.
Nakikinig din pala ang bata sa usapan. Tiningnan niya si Pipoy Piso. Ito ang kanyang nag-iisang pera, ngunit hindi niya ito maibili ng tinapay. Ang matandang babae ay nangangailangan ng piso upang makabili ng gamot. Bumuntong-hininga ang bata, pagkatapos ay lumapit sa matanda.
“Eto po, may piso ho ako, inyo na po.” Inabot ng bata si Pipoy Piso. Nagulat ang matanda. Pati si Pipoy Piso ay nagulat sa inasal ng bata.
“Salamat iho,” Naluluhang tinanggap ng matanda ang piso.
“Wala pong anuman,” pagkasabi niyon ay lumakad na palayo ang bata. Nalungkot si Pipoy Piso sa nangyari ngunit natuwa naman siya sa kabutihan ng puso ng batang iyon.
Mula sa kung saan ay may lumapit na magandang babae sa matanda.
“Ako na ho ang magbabayad sa gamot ninyo. Kung maaari ho ay hihingin ko na lang yung pisong ibinigay noong bata.”
Nagtataka man ang matanda ay pumayag ito at agad na tinanggap ang perang bigay ng magandang babae kapalit ni Pipoy Piso. Hawak-hawak ng magandang babae si Pipoy Piso habang naglalakad. Hinahanap niya ang batang pulubi na siyang nagbigay ng piso sa matanda. Maya-maya lamang ay nakita niya itong nakaupo sa isang gilid ng kalye. Nilapitan ng babae ang bata at kinausap.
“Bata, nakita kita doon sa panaderya, kakausapin sana kita pero bigla kang nawala. Nakita rin kita doon sa botika.” Saad nito.
“Bakit po, ano pong kailangan niyo sa’kin?” nagtatakang tanong ng pulubi.
Naupo ang magandang babae sa tabi ng bata. “Alam mo, hindi kasi ako pinalad na magkaroon ng anak, kaya’t mahilig ako sa bata. Natuwa ako sa ginawa mo kanina, nung ibinigay mo yung nag-iisa mong piso sa matanda.”
Hindi umimik ang bata, bagkus ay tumingin lamang sa malayo.
“Nasaan ang mga magulang mo? Saan ka nakatira?” tanong ng babae.
“Wala na ho akong mga magulang. Dito ho ako nakatira sa kalyeng ito,” sagot ng bata.
Tumango-tango ang babae. “Pero papaano na ‘yan? Binigay mo sa matanda yung pera mo, wala ka nang pambili ng tinapay.”
Tumingin ang bata sa ale. “Hindi naman ho talaga ako nagugutom,” sagot ng pulubi. Kasunod nito ay ang malakas na pagkulo ng kanyang tiyan. Agad hinawakan ng bata ang kanyang tiyan, na para bang pinatitigil iyon sa pagkulo.
Natawa ang babae. Mula sa kanyang bulsa ay inilabas niya si Pipoy Piso.
“Alam mo, sa lahat ng baryang nakita ko, itong pisong galing sa’yo ang pinaka-kakaiba.” Itinaas niya si Pipoy Piso na para bang sinisipat sa langit. Napatingala ang bata sa piso at tinitigan ang mukha ni Rizal na nakaukit dito.
“Ang lahat ng barya sa Pilipinas ay may dalawang panig. Isang may mukha ng bayani, at isang may selyo ng Republika ng Pilipinas.” Pagpapatuloy ng babae.
Binaligtad ng babae si Pipoy Piso. Napakunot ng noo ang bata sa kanyang nakita. Mukha ulit ni Rizal ang nakaukit dito!
“Bakit ho ganun? May dal’wang mukha ang pisong yan! Peke ho ba ‘yan?” tanong ng bata.
Peke? Isa ba akong peke? Isip ni Pipoy Piso.
“Tunay ‘yan. Nagkaroon lang ng problema sa pagkakalimbag. Dahil doon, naging kakaiba ito. At naging mas higit pa ang halaga.” Ibinigay ng babae ang piso sa bata. “Dapat mong itabi ‘yan. Sa’yo talaga iyan.” Dugtong ng babae.
Tiningnan ng bata ng matiim si Pipoy Piso. “Pwede niyo ho ba akong bigyan ng isa pang piso? Bibili po ako ng tinapay,” bigla niyang tanong sa babae.
Tiningnang mabuti ng magandang babae ang bata, pagkatapos ay ngumiti ito.
“Kung gusto mo ay sumama ka na lang sa bahay namin. Pwede kang kumain ng kahit gaano kadami. At pwede ka ring makapag-aral.”
Nanlaki ang mata ng bata. “Talaga po???” hindi makapaniwalang tanong nito. Kahit si Pipoy Piso ay hindi makapaniwala sa kanyang narinig.
Nakangiting tumango ang babae. Tumayo ito at inilahad ang kamay, inaanyayahan ang batang sumama sa kanya. Kumapit ang pulubi sa kamay ng babae.
“Sa inyo na po ito,” masayang saad ng pulubi habang inaabot si Pipoy Piso sa babae.
Umiling ang babae. “Sa iyo na ‘yan. Kahit gaano man ‘yan kaliit ay pinahalagahan mong mabuti at ginamit mo sa mabuting paraan. Wala nang iba pang mas magpapahalaga d’yan kaysa sa taong nakakaintindi ng tunay na kabuluhan nito.”
Napangiti ang bata. Natuwa naman si Pipoy Piso sa kanyang narinig.
Ibinuka ng bata ang kanyang mga palad at tinitigang mabuti si Pipoy Piso. Ang pisong higit pa sa anuman ang halaga.
Image by author.
- Bulong ng mga Diwata - March 1, 2024
- Tahanan - November 27, 2021
- Separation Anxiety: A Mother and Child Story - October 3, 2021
Magandang hapon po! Ako po ay isang mag-aaral ng BSEd Filipino, 3rd year. Nais po sana naming hingin ang inyo pong pahintulot para gamitin po ang kopya ng Maikling Kuwentong Pambata “Ang Paglalakbay ni Pipoy Piso” para po sa pananaliksik namin na isa sa requirements namin bilang isang 3rd year student. Sisipatin po namin ito sa Dulog Arkitaypal. Magiging malaking tulong po ito para sa amin. Malugod po naming hihintayin ang inyong tugon, salamat po at magandang buhay!
Sige lang 🙂 Pwede kayong bumili ng e-book or hardbound copy dito: https://shopee.ph/product/156726984/8226458946/
Pwede niyo rin akong ma-contact sa instagram @jairene01 for orders.
Padayon!
Magandang hapon po! Ako po ay isang mag-aaral ng BSEd Filipino, 3rd year. Nais po sana naming hingin ang inyo pong pahintulot para gamitin po ang kopya ng Maikling Kuwentong Pambata “Ang Paglalakbay ni Pipoy Piso” para po sa pananaliksik namin na isa sa requirements namin bilang isang 3rd year student. Sisipatin po namin ito sa Dulog Arkitaypal. Magiging malaking tulong po ito para sa amin. Malugod po naming hihintayin ang inyong tugon, salamat po at magandang buhay!
Noted po! Check po namin agad sa shopee. Maraming salamat po sa agarang pagtugon, Bb. Jairene! God bless you more po! 🙂
If e-book, sa instagram na lang please. Thank you!