Tanghaling Tapat
Tanghaling tapat. Naglalagablab maging ang sahig ng daigdig.
Lima kaming nakapila sa harap ng isang de-pangalang botika sa tapat ng isang pribadong ospital. Huli akong dumating pagkat napilitang maglakad dulot ng kakulangan sa bumibiyaheng tricycle. Bagamat nakapayong ako’y nanlilimahid pa rin akong sumapit sa patutunguhang botika. Bago sumali sa pila, nakita ko pang nag-alisan ang ibang hindi kinaya ang pinagsamang pagkainip at init ng tanghali. Ang tatlo pang nasa unahan ko ay may suot na saklob, kundi man may baong maiinom na tubig at towel na pamunas ng pawis.
Ang nasa unahan ng pila ay nakapuwesto sa bungad ng pinto; isang lalaking basambasa na ng pawis ang suot na kamiseta. Wala siya ni payong ni tubig na maiinom. Halata sa kanyang kilos na kanina pa niya gustong makapasok sa loob ng de-aircon na tindahan ng gamot. Subalit listo ang babaeng sekyu sa pagpapapasok ng customer sa loob. Ang patakaran kasi ng botika: limang parokyano lang muna. Kapag may lumabas ay saka magpapapasok ng bagong customer.
Pero anong tumal ng tanghali at ng kilos ng mga tao sa loob ng botika.
Sa wakas ay tumayo sa kinauupuan ang lady guard. Binuksan niya ang pinto upang palabasin ang customer na hindi magkamayaw sa pagbibitbit ng sangkatutak na pinamili sa loob. Bitbit na rin ang bote ng alcohol, tinutukan na niya ng thermal scanner ang mamàng kulang na lamang ay matunaw na parang sorbetes.
“Sir, 37.9 po kayo,” saad ni lady guard.
“Ano ho’ng ibig sabihin n’un?” tanong niya sa guwardya.
“Di po muna namin kayo papapasukin. Baka may sinat kayo.”
Bulkang sumabog ang galit ng lalaki. Malinaw na lumabas sa kanyang facemask ang galit na nadarama.
“Putang ina naman. Kita mo nang kanina pa ako nakabilad sa labas. Natural, mag-iinit ang katawan ko!”
Sa inis nito ay tinalikuran ang lady guard habang nagsasalita pa.
Parang dagat kaming nahawi sa pag-iwas sa lalaking sing-init din ng araw ang ulo.
Ako nama’y dali-daling sinalat ang sariling noo. Mahirap na.
Init ng araw
sa lupang nilalagnat,
katwira’y lusáw.
Virus kung makahawa
ang tákot at pangamba.
Public Domain Image Long queue of unhappy customers
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Ang K’wento ni T’nalie - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022