Nawawala

Nawawala

Sa tuwing nadaragdagan

Ang puwang sa ating pagitan,

Lagi’t laging may nawawala

Sa aking mga piraso

Dulot ng pangungulila.

 

Nawawala ang aking mga matang

Nasasabik na makita

Ang tamis ng iyong ngiti.

Hinahanap ko ito sa mga lugar

Na sinusubukan kong mamalagi.

Ngunit wala roon

Ang tanawing nais kong tingnan.

 

Nawawala ang aking mga taingang

Natuto nang umasa

At maghintay sa ‘yong tinig.

Hinahanap ko ito sa dagat

Ng nakabibinging katahimikan.

Ngunit wala roon

Ang himig na nais kong pakinggan.

 

Nawawala din ang aking panlasa

Sa tuwing hinahainan

Ng paborito nating putahe.

Hinahanap ko ito sa paglunok

Ng ibang pagkain at inumin.

Ngunit wala roon

Ang tamis na nais kong tikman.

 

Magkagayunpaman;

Ikaw din ang nakakatagpo

Ng mga bahagi ng buhay ko.

Muli akong nabubuo

Kung naririnig ka’t nasisilayan

Sa liham man, litrato o telepono

Sa loob ng ilang minuto.

Sumasarap na rin

Ang aking kinakain

Kahit ‘di ka kasalo.

 

At sa tuwing nadaragdagan

Ang puwang sa ating pagitan,

Kahit paano’y nawawala

At nagkakapira-piraso

Ang aking pangungulila…

 

Dahil sa’yo.

Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply