Nawawala
Sa tuwing nadaragdagan
Ang puwang sa ating pagitan,
Lagi’t laging may nawawala
Sa aking mga piraso
Dulot ng pangungulila.
Nawawala ang aking mga matang
Nasasabik na makita
Ang tamis ng iyong ngiti.
Hinahanap ko ito sa mga lugar
Na sinusubukan kong mamalagi.
Ngunit wala roon
Ang tanawing nais kong tingnan.
Nawawala ang aking mga taingang
Natuto nang umasa
At maghintay sa ‘yong tinig.
Hinahanap ko ito sa dagat
Ng nakabibinging katahimikan.
Ngunit wala roon
Ang himig na nais kong pakinggan.
Nawawala din ang aking panlasa
Sa tuwing hinahainan
Ng paborito nating putahe.
Hinahanap ko ito sa paglunok
Ng ibang pagkain at inumin.
Ngunit wala roon
Ang tamis na nais kong tikman.
Magkagayunpaman;
Ikaw din ang nakakatagpo
Ng mga bahagi ng buhay ko.
Muli akong nabubuo
Kung naririnig ka’t nasisilayan
Sa liham man, litrato o telepono
Sa loob ng ilang minuto.
Sumasarap na rin
Ang aking kinakain
Kahit ‘di ka kasalo.
At sa tuwing nadaragdagan
Ang puwang sa ating pagitan,
Kahit paano’y nawawala
At nagkakapira-piraso
Ang aking pangungulila…
Dahil sa’yo.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022