Puso Ang Pabrikang Di Dapat Magsara
Ikaw ay pagód na, ‘yan ay aking batid,
sa maraming bagay sa pabrika’t bahay.
Kayraming bayarin ang dapat itawid
ng s’weldong sing tamlay ng ‘sang lantang gulay.
Pagod din, marahil, ang ‘yong kaluluwa
sa bawat araw mong kápit sa patalim
sapagkat ni minsan ay di napupuna
ang ‘yong sakripisyo at gawang taimtim.
Kayâ ba nais mong puso ay ikubli
pagkat araw-gabí itong natatanghal
sa mga pangakong lubid na pambigting
marahang marahang sa ‘yo’y sumasakal?
Ikaw nga’y pagód na’t walang pakialam
sa laban ng iba líban sa sarili.
Kung ‘yong titiisin ang kawawang lagay,
paano aalpas sa pagkapulubi?
Pakaisipin mong may laban pang higit
sa iyo, sa akin. ‘Sang labang dakilang
pagwawagian lang ng katwirang tuwid
at ng pagnanasang bayan ay lumaya.
Kung bubuksan mo lang ang iyong damdamin,
matatantong wasto ang pakikibaka.
At sa lábang ito, pakaiisiping
puso ang pabrikang di dapat magsara
sapagkat dito nga unang lilikhain
ang lakas na ating kakailanganin
sa mahabang gabíng ating lalamayin
at mahabang lábang ating babakahin.
Royalty Free Image Factory Heart
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022