Apodyopsis*
Tinutulaan ko
Ang iyong alindog sa suot na damit
Ang bawat kurbada at bawat pulgada ng baywang mo’t dibdib
Ang bawat piraso ng hiblang nilugay na parang tilamsik
Ng tubig sa labing sadyang nauuhaw sa’yong mga halik.
Tinutulaan ko ang iyong pag-alis
Ng damit sa isip.
At inaabangan;
Makapigil-hingang mabining pagtalop
Baluting hiwaga ay parang bulaklak: kayraming talulot
At bawat paglagas ay aking marahang pilit pinupulot
Sapagkat masamang malaglag sa lupa ang panyo ng Diyos.
At inaabangang sa akin mahulog
O iyong iabot.
Kinasasabikan
Ang bawat eksenang kahawig ay dulâ.
Tanawing gumuhit sa kailaliman ng aking gunita
Sa bawat sandali ng ‘yong paglalahad; ako’y namamangha.
Katulad mo’y dagat sa lalim at ganda; nais kong mamangka.
Kinasasabikang ako ay mawala
Sa ‘king pagnanasa.
Pinagdarasal kong
Bumagal sandali ang daloy ng oras
Upang ang tanawing pinabubukadkad ay huwag lumipas
Nais kong ikintal sa puso at diwa ang tagpong namalas
Kung kaya ko lamang ipasok sa isip ang atat kong palad,
Pinagdarasal kong tayo ay maglapat
Ngayon hanggang wakas.
*Apodyopsis – mental na paghuhubad sa isang tao.
Public Domain Image Undressing
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022