Ang kuwento sa atin ng matatanda:
may ginto raw sa dulo ng bahaghari
Ito ang aking sadyang paniniwala
kahit ako’y may gatas pa sa labi.
Umaabot ba sa dulo ng daigdig
ang bahagharing lumilitaw sa atin
Kaya kayo’y napilitang umalis
upang ginto’y inyong hanapin?
Ngunit parang ayaw magpakita
ng makulay na tulay sa langit
Na nagbibigay sa akin ng pag-asang
muli kayong tatawid dito pabalik.
Kaya araw-araw kong inaabangang
lumitaw sa langit ang bahaghari
Upang hanapin, ‘di ang gintong yaman
Kundi gintong araw ng inyong pag-uwi.
Musikero, makata, mangingibig, at driver; si Ferdie Eusebio ay isinilang at nagkukuta sa Los Baños, Laguna.
Kasalukuyang online writer para sa sandamakmak na business websites sa loob at labas ng Pilipinas. Siya ang tumatayong Editor ng ExpertContentWritersTeam - isang pangkat ng mga freelance writers. Naging tagapangulo ng Kataga, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.
Nagwagi siya sa dalawang timpalak na kapwa pinasimulan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) - Tumula Tayo 2022, kategoryang Tanaga (Ikalawang Gantimpala) at Dula Tayo: Pagsulat ng Dramatikong Monologo (Ikalawang Gantimpala). Muli siyang nagwagi sa mga kategoryang Diyona, Tanaga, at Dalit sa Tula Tayo 2023.
Noong 2024, pitong beses siyang nagwagi sa Tula Tayo (anim na diyona, isang tanaga) sa KWF, at dalawang beses naman sa Saranggola Blog Awards (Unang Karangalan sa Kuwentong Pambata at Ikalawang Karangalan sa Tula).
Samantala, ilan sa kaniyang mga akda ay nalimbag sa Points of Contact ng Philippine Collegian, Palihang Rogelio Sicat: Unang Antolohiya, at Ani Journal, Vol 42 ng Cultural Center of the Philippines.
Kapag may oras ay muli siyang nagbabalik sa pag-compose ng mga kanta.
Latest posts by Ferdie L. Eusebio
(see all)
Magbasa ng Iba pang mga Akda