Bahay-bahayan
Ang kanyang maliit na bahay-bahayan
Ay isang pasyalan ng mga turista.
Naroon ang silid na kanyang kanlungan:
Isang palaruang mayroong camera.
Siya ay prinsesang t’wina’y dinadalaw
Ng mga prinsipeng may pílyong layunin.
Kapag sa bintana, sila’y dumudungaw
Ay nag-uumpisa ang kanyang gawain.
Kahit ang prinsesa’y may gatas sa labi,
S’ya’y mahusay na ring maghanda’t magluto.
Sa kanyang bisita, ang hain n’ya lagi
Ay luto ng Diyos na lasa’y di biro.
“Ito’y laro lamang,” sa kanya’y pahayág
Ng hari at reynang may-ari ng silid.
Ang tangi n’yang hangad: siya’y makalabas
Sa bahay-bahayang may larong malupit.
Bago pa man dumating ang pandaigdigang pandemya ng COVID-19, mataas na ang insidente ng online na pang-aabusong sekswal sa mga bata. At dito sa ating bansa, mismong sariling mga kamag-anak pa ang nagpapasimuno ng ganitong hindi makataong gawain. Lalo pa itong pinalala ng lockdown.
Nakikiisa ang Sulat Kamay sa mga panawagan ng iba’t ibang sektor na wakasan na ang ganitong pagtrato sa mga bata.
Royalty Free Image From Needpix.com Child Abuse Fear
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022