Binhi
Ang búhay n’ya’y binhing babago lang tanim:
Mahina’t maliit.
Wala pa mang ugat, nais nang gapasin.
Nang magbago’ng klima’t kumalat ang lagim
Kanilang ‘giniit:
Kahit bubót pa ma’y dapat nang sunugin.
Ngunit kahit bubót, siya’y nagpunyagi.
Pinilit mag-ugat
Kahit na matayog, punòng katunggali.
Gaya rin ng ibang mumunting binhi,
Sarili’y binuhát
Upang sa liwanag siya’y manatili.
Ngunit hindi lahat ng binhing hinásik
Sa lupa‘y uusbóng.
Mayro’ng matutuyo sa sobrang balásik
Ng araw. Mayro’n ding sa lagkit ng putik
Sadyang maluluóy
At tuluyang maging sustans’ya ng bukid.
Magkagayunpaman; itong binhi dapat
Hayaang lumaki.
Maging kasingtayog ng punò sa gubat.
Kung lalakíng hubad, sa hatol ay salat,
Sa iba’y itabi:
Agad matatantong nagpalaki’y tamad.
Public Domain Image Seedling
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022