Ignis Fatuus
Higit sa gayuma ang halina ng kanyang birtud:
bawat pilantik ng kamay sa mahabang buhok
ay nagmimina ng milyon-milyong tagasunod.
Mala-batobalani naman ang maamo niyang mukha;
walang sinuman sa lupa ang hindi namamangha –
alindog na tuwi-tuwinang kanyang ibinabandila.
Ibang iba rin ang kabig ng nakatikwas niyang dibdib
sa matang halos lumuwa sa matinding pananabik –
ang nakamamalas ay naninigas sa pagkamanhid.
Nakalalaway din ang hubog ng kanyang balakang
lalo na’t sa tuwing gumagalaw ito ng kaliwa’t kanan,
tunay na napapatda ang bawat madlang madaanan.
Katulad ng ahas sa gitna ng madawag na gubat,
agad kang matutulala sa matinding pagkagulat
sa pagkabighani, ‘di mo pa masabing ika’y nakagat.
At kung siya ang Eba sa ating malawak na paraiso
ay sadyang muling magkakasala ang mundo;
pagkat dahil sa kanyang alindog, nalinlang niya tayong
kumagat sa mansanas sa udyok ng matandang diablo.
Public Domain Image Nature Wood Eve
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022