Gapasan

Hindi na nga palay ang itinatanim
Sa ‘ting natutuyong mumunting bukirin
Walang ibang punlang tutubo marahil
Kundi droga, bala, at lagim ng baril.
Paglao’y yayabong ang punlang hinasik
Na para bang kamay na saklot ang langit;
Ang samyo ng bunga, dugo ang kawangis
Na s’ya ring pandilig ‘pag nasok sa isip.
Ang binhing ‘tinanim pagdating ng taon
Ay s’yang aanihin sa lungsod at nayon
Ang gutom ng madla kung magkakagayon
Ay punglong wawakas sa buhay at nasyon.
At bago kumalat ang punlang nadatnan
Ay dapat wakasan ang pinanggalingan
Hasain ang tabak, talim ay ilaan
Ang oras ay tiyak; ngayon ang gapasan!
Public Domain Image Harvesting the Rice
Ferdie L. Eusebio
Musikero, makata, mangingibig, at driver; si Ferdie Eusebio ay isinilang at nagkukuta sa Los Baños, Laguna. Kasalukuyang online writer para sa sandamakmak na business websites sa loob at labas ng Pilipinas. Siya ang tumatayong Editor ng ExpertContentWritersTeam - isang pangkat ng mga freelance writers. Siya rin ay kasalukuyang kasapi ng KATAGA-Online. Kapag may oras ay muli siyang nagbabalik sa pag-compose ng mga kanta.
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)
- Kulang Mang Pambayad Itong Aking Tula - September 26, 2019
- Phoenix - September 11, 2019
- Apodyopsis* - July 27, 2019