Kabilaan

Kabilaan

Ako ay gabi, habang ikaw ay araw

ako’y pinasasaya mo kapag napapanglaw

Dinadalaw mo ang aking iniiwan

pinadadalas mo rin ang minsan

Nagiging tama ang bawat mali

kapag simangot ko’y iyong nginingiti.

Di kaya ito ‘yung tinatawag na pag-ibig

kung saan tayo’y kabilaang nananalig?

 

Lipad ko’y mababaw; langoy mo’y malalim

ika’y nahihimbing sa tuwing ako’y nagigising

Ang magaslaw ko ay s’ya mong mahinhin

ang ayaw ko naman ay s’ya mong hinihiling

Lahat nang malumanay ay biglang sumisidhi

kapag iyong tinutuwid ang aking binabali.

Di kaya ito ‘yung tinatawag na pag-ibig

kung saan tayo’y kabilaang nananalig?

 

Anong hiwaga at palaisipan

mayroon ang ating pagsasamahan?

Tuwing susubukin kong maunawaan

ay lalo lamang naguguluhan.

Landas man natin ay magkaiba

patutunguhan naman ay iisa;

Di kaya ito ‘yung tinatawag na pag-ibig

kung saan tayo’y kabilaang nananalig?

 

Ang aking wakas ang s’ya mong simula

at iyong tinitiyak ang aking mga hinala

Ang bawat lungkot ay nagiging tuwa

tuwing iyong nahahanap ang nawawala.

Katulad natin ang araw at gabi;

tayo’y nagtutugma kahit na salisi

Ito nga kaya ‘yung tinatawag na pag-ibig

kung saan tayo’y kabilaang nananalig?

 

Public Domain Image Day and Night Contrast
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply