Kurap
Kukurap-kurap na ang sampung taong gulang na laptop ni Aldrin. Kung kailang kalagitnaan ng mid-term exam niya ngayong senior high school ay saka tinopak nang husto ang nag-iisang kompyuter sa kanilang bahay.
“Kuya, di ka pa ba tapos? May assignment kami!” Sigaw ng sampung taong gulang niyang kapatid na babae. Naki-protesta rin ang walong taong gulang na kapatid na lalaki.
Sasagot sana siya pero parang naubos na ang lakas niya sa kapipindot ng F5 button at hampas sa screen para luminaw ang imaheng minamasdan.
Samantala, kaulayaw ng tahol ng aso, ubo at bahing ng kapitbahay at ingay ng mga sasakyan ang balita sa radyo:
“Ipagpapaliban muna ng Department of Health ang pagbili ng mga high end laptop na aabot ng P700,000 dahil hindi pa tapos ang kanilang market study…”
P700,000. Maliit ang P700,000 kumpara sa P15 bilyon, lalo na sa P64 bilyon. Pero parang sa isang kurap lamang ay kay dali nitong gastusin.
Kung meron lang sila noon, kaya nilang magtig-iisang kompyuter. Makakapagpakabit na rin ng disenteng internet connection at hindi pasabit lamang sa WiFi ng kapitbahay. Kaso’y hindi makapasada ng jeep ngayon ang kanilang ama. P700 lang ang meron sila. At sa lagay ng gastusin ngayong pandemya, kukulangin ang P700 na panggastos sa isang linggo.
Kung maaari lang na sa isang kurap ay may maayos na buhay na sila. Magic. Pero imposible iyon. Kahit na maglalabingwalong taong gulang na siya, hindi siya basta-basta makakahanap ng trabaho. At para sa kanya ay iyon ang higit na nakakalungkot.
Kukurap-kurap na pinahid ni Aldrin ang kanyang luha nang magliparan ang alikabok mula sa kukurap-kurap pa ring laptop.
Royalty Free Image Sad and Tired Student
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022