Warak
Winawarak ang puso ni Elsa habang nakasandal sa poste ng pasilyo ng pampublikong ospital. Halos hindi niya masikmurang pagmasdan ang tila karagatan ng mga pasyenteng naghihintay ma-admit sa COVID section.
Winawarak na akordyon naman ang kahawig ng paghinga ng asawa niyang hinang-hinang nakayupyop sa kanyang paanan.
Mahigit labindalawang oras na silang nakaabang sa pasilyo. Walang lumalapit sa kanila nang basta-basta sapagkat ito ang panuntunan ng ospital. Hingan man niya ng tulong ang ibang pasyente sa lugar na iyon ay pareho lamang sila ng problema.
Tanging ang flat screen TV lamang sa di kalayuan ang nagsisilbing orasan ni Elsa sa mga sandaling iyon. May ilang oras na rin kasing namatay ang kanyang cellphone. Oras na ng balita nang matunghayan niya ang palabas.
“Winarak n’yo kami!” Maluha-luhang sigaw ng lalaking iniinterview sa TV. “Di kami makatulog dahil sa report ng COA sa aming ahensya.”
Unang beses na tumutok nang masinsinan ni Elsa sa mga balitang katulad nito. Paano’y abala silang mag-asawa sa paghahanap-buhay. Wala silang panahong tumitig sa telebisyon. Piyon sa konstruksyon ang asawa habang siya katuwang na cook sa canteen ng isang pribadong paaralan. Ang tatlong anak nila’y sa mga kapitbahay lamang nakikipanood.
At napamulagat ang kanyang mga mata sa tinuran ng lalaki sa TV. Kung hindi siya makatulog sa bigat ng dinadala, paano pa silang magdadalawang taon nang puyat sa kaiisip kung saan kukunin ang kakainin? Paano pa silang higit labindalawang oras nang naghihintay sa pasilyo ng pampublikong ospital para magamot at ni hindi pa man lamang nadadapuan ng tingin ng doktor?
Kinuwelyuhan si Elsa ng kanyang asawa. Sa huling higop ng hangin, para itong sumisid sa kailaliman ng dagat. Subalit hindi na siya nakaahong muli.
Tuluyang nawarak ang puso ni Elsa nang gabing iyon. At hindi na napigil ng kahit anong klaseng facemask o face shield ang pait na kanyang nadarama.
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022