Nawawala
“Nawawala na yata ako.”
Isang oras nang pabalik-balik sa masikip na eskinita ang dalawampu’t tatlong taong gulang na rider na si Jojo. Hinahanap niya kasi ang address ng pagdedeliveran ng abot tatlong libong pisong pagkain na ipinabili sa kanya sa McJonalds. Ilang beses na niyang tinawagan ang cellphone number na nakalagay sa resibo pero walang sumasagot.
Bagamat baguhan sa inaplayang TikTik Delivery Service ay masigasig si Jojo. Hindi siya kailanman nahuli sa paghahatid ng mga produkto, pagkain at gamot na ipinadedeliver sa kanya. Umula’t umaraw man, tinitiyak niyang walang bulilyaso ang kanyang trabaho. Para saan? Para sa mataas na rating. Kapag mataas kasi ang rating na ibinibigay ng customer, mas mataas ang kanyang kikitain.
Pero kanina pa siya nagpapasikot-sikot sa kalyeng nakalagay sa delivery address na nakalagay sa resibo at wala talaga doon ang hinahanap niya.
“Walang ganyang address dito sa eskinitang ito,” sabi sa kanya ng matandang lalaking nakahubad at panay ang dura sa kalsada.
Sangkatutak na alcohol ang iwinisik ni Jojo sa kanyang kamay bago nagpasyang itabi nang saglit ang motorsiklo. Bagamat sangkatutak din ang pawis na tumutulo sa kanyang mukha, hindi niya ito mapunasan nang basta-basta dahil natatakot siyang mapuslitan ng kinatatakutang virus.
Sa tapat ng kalampaging karinderya kung saan nakaabang din ang kapwa rider ay narinig ni Jojo ang balitang ginagawa lang background noise ng mga tindera at umoorder na parokyano:
“…ayon sa COA o Commission on Audit, ang address ng MRCJP Construction Trading kung saan umano binili ng OWWA o Overseas Workers Welfare Administration ang aabot sa isang milyong pisong halaga ng mga hygiene kits, sanitary napkins at thermal scanners ay nawawala. Ayon pa sa COA, ang street na nabanggit sa audit report ay residential…”
Napasuntok nang bahagya si Jojo sa kanyang itim na helmet. Kapag ang mga katulad niyang rider ang hindi makahanap ng address ng pagdedeliveran, nananagot sila sa mga customer. Parang nagugulo ang mundo kapag hindi nakuha ng mga customer ang order nila sa takdang oras, lalo na kung pagkain. Pero kapag mga ahensya ng gobyerno ang nakakawala ng pera, parang nalilibing na lamang sa limot.
Parang alam na ni Jojo ang kahihinatnan ng kanyang kalagayan ngayong tanghali. Narinig na niya ito sa mga kapwa rider na nasadlak din sa ganitong sitwasyon. Prank call ang tawag nila sa ganito. Sila ang nagbabayad ng mga items na ipinabili ng customer at ipinahahatid sa address na sinasabi nila. Tapos, bubulaga sa kanila ang katotohanang biro lang pala ito ng mga walang magawang taong nagpapalipas lang oras bunsod ng pagkaburyong sa pahaba nang pahabang quarantine.
Napadasal siyang hindi sana ito prank call lamang.
Nawawalan na ng lakas si Jojo dulot ng gutom na dinaranas. Bagamat mapanukso ang mabangong amoy ng pagkaing idedeliver, mas matimbang sa kanya ang kagustuhang mabawi agad ang tatlong libong pisong naka-Cash on Delivery pa man din.
Free Image Delivery Rider
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022