Liham Sa Mandirigma
Wag ipagkamali, bunying mandirigma,
ako’y nalulungkot sa ‘yong kabiguan.
Wala na nga yatang makapaghahanda
sa mga sugat mong ngayo’y dinaramdam.
Ika’y kalingkingang nasugatan bigla
kaya nagdaramdam ang bayang katawan.
Ngunit, mandirigma, batid mo ba kaya
pasakit mong likha sa ‘yong pinagmulan?
Nasaang korner ka no’ng parang sinuntok
ang bayan pagdating ng mga kawatan?
Nasaang korner ka no’ng parang pinulbos
ng bala ang buhay ng ‘yong mamamayan?
Nasaang korner ka ngayong sinasaklot
ating isla’t dagat ng mga dayuhan?
Kahit ang wika mo’y kami ang ‘yong manok,
parang kang may pusta sa mga kalaban.
Di ko masikmura, mandirigmang bunyi,
ay kung paano mo laging natitiis
na kami’y upakan ng mga tiwali,
mamamatay-tao’t mga manggagahis.
Kung ang pag-ilag man sa ‘yo ay madali,
kawawa mong bayan – bugbog, walang mintis.
Hindi magta-timeout ang dusang masidhi
kung nasa ring side mo’y mga manlilingkis.
Ang sabi nga nila: tapos na ang boksing,
mandirigmang bunyi, tutulan mang labis.
Itak mang kay talas, kinakalawang din
lalo na’t panahon ang siyang tumugis.
Ngunit ang laban mo dito sa ring natin
nagpapatuloy pa, patuloy ang hugis.
Pasintabi na po sa ‘king sasabihin:
utang na loob po; mag-retire ka na, please!
Royalty-free Images by Pixabay Boxing Gloves Hanging Sports
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022