Mighty
1997
Tulala si Dolly habang naglalakad. Kakagaling lamang niya sa eskwelahan at dali-daling nagpalit ng damit sa kanilang bahay upang agad na magtungo sa bahay ng kanyang lola. Tiyak kasing mapapagalitan siya kapag alas-singko na ay wala pa siya doon.
Nagtitinda siya ng sigarilyo sa harapan ng bahay ng kanyang lola pagkat maraming dumadaan doon papuntang palengke. Sinabihan siya ng kanyang lola na magtinda ng kendi at yosi para hindi raw nasasayang ang kanyang oras sa mga walang kawawaang bagay. Ilang buwan na rin siyang natitinda gamit ang isang lamesita sa harap ng bahay. Nagtitinda siya tuwing hapon pagka-awas, hanggang gabi. Tuwing walang pasok ay naroroon siya buong araw, kahit pa minsan ay tirik na tirik ang init ng araw o kaya naman ay malakas ang buhos ng ulan. Para sa kabuhayan, iyon ang nasa isip niya. Ni minsan ay hindi pa siya kumukuha ng tubo sa sigarilyo pagkat ang pinagkakakitaan ay agad niyang ibinibili ng mas maraming paninda upang lumakas ang kanyang munting tindahan.
Ngunit nang hapong iyon ay wala sa sarili ang labindalawang taong gulang na bata. Paano’y tumigil na raw sa pagbibigay ng scholarship ang kumpanyang nagpapa-aral sa kanya dahil nagsara na ito. Nasa ika-anim na baytang na siya, at limang buwan na lamang ay malapit nang magtapos.
“Kailangan ninyong magbayad ng tuition fee kung gusto mong tumuloy sa pag-aaral,” saad ni Teacher Hedy. Malumanay ang boses ng may-ari ng eskwelahan habang kausap niya ito sa telepono. Hindi yata kaya ng ibang mga guro na sila ang personal na magsabi ng balita kay Dolly kaya’t hinayaan nila ang headmaster na siyang kumausap sa estudyante kahit sa telepono lamang.
“P-pero paano po ‘yun? B-baka po hindi namin kayaning magbayad…” hindi maituloy ni Dolly ang gustong sabihin. Alam niyang mahal sa pribadong eskwelahang pinapasukan niya – siguro’y sampu hanggang dalawampung libong piso kada taon ang bayad. Sinuwerte lamang siyang makakuha ng scholarship, na ngayon nga ay wala na. Ang ama niya’y isang jeepney driver at ang ina ay nagtitinda ng kung anu-anong lutuin na inilalako – hindi nila kakayaning magbayad ng ganun kalaki.
“Kung ganoon ay kailangan mong lumipat ng eskwelahan,” may pinalidad sa pananalita ng kanyang kausap sa telepono. Naalala pa ni Dolly ang itsura ni Teacher Hedy – maputi, kulay tsokolate ang buhok, matangkad at maganda. Mahinahon itong magsalita at laging nakangiti. Tuwing nakikita ni Dolly si Teacher Hedy ay talaga namang humahanga siya. Kaya’t hindi niya maipaliwanag ang sikip ng dibdib na nararamdaman niya ngayon dahil sa pahayag ng gurong kanyang tinitingala.
Bumunghalit ng iyak si Dolly. Alam niyang mahirap lumipat ng eskwelahan sa kalagitnaan ng pasukan, lalo pa’t nasa Grade 6 siya at malapit nang grumadweyt. Papaano ang kanyang pag-aaral? Hindi na ba niya makakasamang grumadweyt ang kanyang mga kaibigan?
Kinuha ng principal ang telepono mula sa kanya at siyang kumausap kay Teacher Hedy. Ang isa sa mga guro sa loob ng kwarto ay sinabihan si Dolly na bumalik na sa klasrum niya. Habang naglalakad ay nag-iiyak pa rin ang bata.
Dumaan siya sa canteen upang uminom ng tubig nang makita niya ang mga kaklase. Recess na pala. Nagpunta siya sa may water jug at kumuha ng baso, nang mula kung saan ay tinabig siya ng isa sa mga kaklaseng lalake.
“Ay si Sailor Moon pala ‘to!” saad ng kaklase. Nagtawanan ang mga kasama nito.
Sailor Moon ang tawag sa kanya dahil sa maigsi niyang palda. Paanong hindi magiging maikli ang kanyang palda, e ito na ang suot niya simula noong Grade 4 pa siya. Ang ginagawa ng kanyang ina ay tinatanggal ang pinagtahian sa dulo ng palda upang humaba pa ito. Ngunit wala nang ihahaba pa ang palda – hanggang tuhod na lamang niya ang abot nito.
“Sailor Moon! Sailor Moon!” pang-aasar sa kanya ng mga kaklase.
Ngunit wala sa mga ito ang isip niya. Kumuha siya ng tubig upang matigil ang pagsinok-sinok niya dahil sa pag-iyak.
Hindi na halos naintindihan ni Dolly ang mga nangyari buong hapon. Nakikita ng mga kaibigan niya na mayroon siyang dinadala, ngunit hindi niya makuhang ipaliwanag sa mga ito ang problema niya. Mayayaman sila, hindi nila ako maiintindihan. Mahal niya ang mga kaibigan, ngunit may mga bagay na hindi niya kayang sabihin sa mga ito.
Hanggang sa makauwi siya at awtomatikong nagbihis upang magpunta sa mga lola niya ay hindi siya umiimik. Tinanggal niya ang ibang laman ng kanyang bag at iniwan lamang ang isang notebook at libro para sa subject niyang mayroong assignment. Saglit na kumunot ang noo niya. Dapat ko pa bang gawin ang mga assignment ko kung papaalisin nila ako sa school? Naisip niya. Nagkibit-balikat siya at naisip na walang mawawala kung gagawin niya ang takdang aralin.
“Bakit ngayon ka lang?” galit na tanong ng lola niya nang makarating siya sa harap ng bahay nito. May lalaking nakatalungko sa may washing machine sa harap ng bahay, waring kinukumpuni ito. Sa gilid ng washing machine ay may malaking batya na may tubig. May kung anong lumulutang sa tubig na hindi mawari ni Dolly.
“Ano pang tinutunganga mo? Kunin mo na sa loob yung lamesita at magtinda ka na!”
Tumalima naman si Dolly sa saad ng lola. Inilabas niya mula sa loob ang maliit na lamesa at isang kahon ng sapatos kung saan nakalagay ang mga kendi at sigarilyong tinda niya. Kinuha rin niya ang latang lalagyan ng kinita.
Nang matapos sa pagsalansan ng kanyang munting tindahan ay nilingon ni Dolly ang ginagawang washing machine. Pilit niyang inaaninag kung ano man itong lumulutang sa tubig sa batya. Abala ang lalaking nagkukumpuni. May kinukuha siya sa ilalim ng washing machine, at ang mga nadadampot ay inihahagis sa batya.
“Marlon, halika na muna’t magmeryenda,” tawag ng lola ni Dolly sa gumagawa ng washing machine.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik ang lalake. Agad itong naghugas ng kamay at sumunod sa matanda sa loob ng bahay. Ni hindi man lang inalok ng kanyang lola si Dolly, ngunit hindi naman siya nagdamdam. Sanay na siya.
Dahil hindi mapakali ay nilapitan ng bata ang batyang may lamang tubig. Ano ba itong maputlang bagay na itong lumulutang? Nang lubusang makalapit ay nanlaki ang mata niya. Kitang-kita niya ang maliliit na nilalang na mamula-mula pa hindi pa tinutubuan ng balahibo. Mga bubwit!
Kitang-kita ni Dolly habang ang mga munting daga ay nagpapapasag sa tubig at sumisinghap-singhap ng hangin ang munting mga bibig. Hindi sila makalangoy! Sila’y nalulunod! Ang iba’y walang buhay nang lumulutang sa ibabaw ng tubig matapos magpapasag ng saglit. Ngunit may isa pang pilit na lumalaban at panay ang kabyaw ng munting mga paa.
Hindi napigilan ni Dolly ang sarili. Agad niyang kinuha ang bubwit na hindi magkamayaw sa paghinga. Patakbo niyang tinungo ang kanyang munting tindahan at doon ay naupo. Sa kanyang mga palad ay hinimas himas niya ang bubwit upang makahinga ito ng ayos. Pikit pa ang mga mata nito, mamula-mula ang balat at walang balahibo. Ang mga daliri nito’y maliliit at may kuko na katulad ng isang sanggol.
Hindi mapigilan ni Dolly ang maawa. Naghagilap siya ng kahon ng sigarilyo na wala nang laman, at doon ay marahang inilagay ang bubwit.
“Huwag kang mag-alala, aalagaan kita,” bulong ni Dolly. Pagkatapos niyon ay sinilid niya ang kahon sa kanyang bag.
“Philip nga,” saad ng isang babae.
Nagulat si Dolly at agad na nagsilbi sa bumibili. Akala niya’y bumalik na ang kanyang lola at nakita siya sa ginagawa. Siguradong magagalit ito ‘pag nakitang itinatabi niya ang munting daga na nilulunod nila.
Nang makaalis ang bumibili ay sinimulan ni Dolly ang pagbibilang ng kanyang kinita. Naka-limang daan at higit na siya! Kaytagal niya itong inipon. Nilagay niya sa plastic ang dalawang daan na mamiso. Ang tatlong daan ay gagamitin niya sa pagbili ng sigarilyong paninda, at ang dalawang daan ay iuuwi niya.
Baka maari siyang maka-ipon ng paunti-unti upang magbayad ng tuition niya! Hindi na niya kakailanganin pang lumipat ng eskwela o tumigil sa pag-aaral. Upang mas mapabilis ang kita, dapat siguro ay hanggang hatinggabi ay bukas ang kanyang tindahan ng sigarilyo. Malakas tuwing gabi dahil maraming bumibili.
Nakabuo siya ng plano sa isip niya. Alam na niya ang gagawin upang makapagpatuloy sa pag-aaral. Nakahinga siya ng maluwag. Salamat po, Diyos ko!
Isinilid niya sa bag ang dalawang-daang mamiso na naka-plastic. Magaan na ang pakiramdam niya.
Maya-maya ay lumabas ang lalakeng nagkukumpuni ng washing machine, kasama ang lola niya. Bumili ito ng isang stick ng Hope at nanigarilyo muna.
“May pagkain pa doon sa loob, kumain ka muna,” saad ng kanyang lola.
Ibinaba niya ang bag sa ilalim ng upuan at pumasok sa loob. May tinapay pa doon at 3-in-1 na kape. Nagtitimpla siya ng kape nang dumating ang tiyahin.
“Oy, ano’t ang lola mo ang nagbabantay ng tinda mo? Magpunta ka na doon,” saad nito.
Isinubo ni Dolly ang tinapay at akmang bibitbitin ang kape palabas. Ngunit bigla na lamang niyang narinig ang sigaw ng kanyang lola.
“Ayyy!!! Ano ito??? Dolly halika nga rito!” sigaw ng lola.
Natakot si Dolly. Kumaripas siya ng takbo palabas ng bahay at nakita ang kanyang lola na hawak ang kanyang bag. Kasunod niya ang tiyahin sa paglabas.
“Ano ito? Bakit may nakalagay na peste sa bag mo???” galit na galit nitong saad, sabay turo sa balat ng sigarilyong itinapon nito sa sahig.
Nag-aalala namang napaluhod si Dolly at dinampot ang palara. Papaano kung nasaktan ang munting bubwit? Nakakaawa na nga ang kalagayan nito kanina noong naghihingalo ito.
“At ano ito? Bakit mo kinukuha ang kita sa sigarilyo???” hawak ng kanyang lola ang plastic ng mamiso na kinuha niya kanina.
“Magnanakaw ka!” sigaw ng kanyang lola, sabay duro sa kanya.
Hindi makaimik si Dolly. Waring naumid ang kanyang dila. Lumingon siya sa nagsisigarilyong manggagawa ng washing machine, na nakatingin lamang sa kanya.
“Bakit ka nagnanakaw??” galit na sita sa kanya ng tiyahin, sabay hablot sa kanyang siko at hinila siya patayo.
Marahang umiiling si Dolly. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Paano siyang naging magnanakaw kung kinukuha lamang niya ang kinikita niya sa pagtitinda? Hindi ba’t kanya ang perang iyon? Oo nga at nagbigay sila ng dalawampung-piso upang simulan niya ang kanyang munting negosyo, pero sa kanya iyon. Siya ang nagpalago. Siya ang nagpupunta sa palengke upang bumili ng paninda. Siya ang nauupo sa harap ng bahay kesyo umaaraw, umuulan. Siya ang nagtya-tyaga kahit kainitan sa harap ng bahay. Oo nga’t bahay nila iyon, pero kanya ang tinda.
Ngunit hindi ito masabi ni Dolly. Muli niyang ibinalik ang tingin sa kahon ng sigarilyo sa kanyang kamay na gustong gusto niyang buksan upang masigurong ayos lang ang kalagayan ng bubwit. Ang bubwit na akala mo’y isang munting sanggol.
“Ano, sumagot ka? Saan ka ba nagmana? Magnanakaw ka!” giit ng kanyang lola.
Ang ibang mga dumadaan ay napapalingon sa direksyon nila. Inalis ng mekaniko ng washing machine ang tingin sa bata at itinuloy ang hithit buga habang nakatingin sa kalsada.
Tumungo si Dolly. Pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata. Kinagat niya ang labi upang pigilan ang impit na pag-iyak. Kinagat niya ito ng mariin hanggang sa malasahan niya ang maalat at mapakla niyang dugo. Sa kanyang mga kamay ay hawak niya ang maliit na kahon ng sigarilyong kinalalagyan ng bubwit.
Hinagis ng kanyang lola sa direksyon niya ang kanyang bag.
“Umuwi ka na at itapon mo ‘yang pesteng ‘yan! Peste!” sigaw nito.
Agad na dinampot ni Dolly ang bag at tumakbo paalis. Nagsisikip ang dibdib niya sa sobrang sakit na nararamdaman. Tumakbo siya nang tumakbo, hindi sa direksyon na pauwi, kundi palayo sa lugar na iyon. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa halos puputok na ang kanyang hita sa sakit.
Tumigil lamang siya sa pagtakbo nang makarating sa isang tulay.
Hindi niya kilala ang tulay na iyon. Hindi pa siya nakakapunta sa lugar na iyon.
Naupo siya sa gilid ng tulay hanggang sa inabot siya ng dilim. Sapo sa kanyang mga kamay ang kahon ng sigarilyong pinaglalagyan ng bubwit. Inilabas niya ang munting daga at tinitigan ito. Humihinga pa rin. Nakapikit at humihinga pa ang munting pesteng hawak niya sa kanyang mga palad.
Magnanakaw!
Umaalingawngaw ang salitang tinawag sa kanya ng lola at tiyahin. Isa daw siyang magnanakaw.
Kailangan mong lumipat ng eskwelahan.
Sailor Moon! Sailor Moon!
Peste!
Tinakpan ni Dolly ang kanyang mga tenga dahil waring naririnig niya ang mga salitang iyon. Sa gilid ng tulay na walang dumadaan ay humagulhol si Dolly. Umiyak siya nang umiyak hanggang mapaos ang kanyang lalamunan at tumulo ang uhog mula sa kanyang ilong.
Nang matapos sa pag-iyak ay marahang tumayo si Dolly at nagtungo sa gitna ng tulay. Wala siya sa sarili. Para siyang lumulutang. Ang dampi ng hangin sa kanyang mga pisngi ay hindi na niya maramdaman, maging ang pagtigas ng laman sa kanyang mga binti. Pagdating sa gitna ng tulay ay pilit niyang inaninag ang ilalim nito. Ni hindi niya makita ang ilog sa sobrang dilim. Tiningnan niyang muli ang bubwit sa kanyang palad. Ang peste na dapat itapon. Binulungan niya ito.
“Peste ka daw…” humikbi hikbi siya.
“Ano bang dapat kong ginawa? Yung panoorin kang malunod at mamatay? Hindi ko kaya…”
“Huwag kang mag-alala… hindi ka nag-iisa. Kasama mo ako.”
Tumayo siya at minasdan ang railing ng tulay. Kapagkuwa’y umakyat siya sa unang baitang. Medyo nahirapan siya sapagkat ang isang kamay ay hindi magamit dahil hawak pa rin ang bubwit.
Magnanakaw!
Peste!
Lipat ng eskwelahan.
Sailor Moon!
Isinampay ng labindalawang taong gulang na bata ang kanyang binti sa ibabaw ng railing. Halos nakayakap na siya sa pinakaibabaw na railing. Tiningnan niya ang madilim na ilog. Naalala niya ang mga lumulutang na bubwit sa batyang puno ng tubig. Pumapasag. Sumisinghap. Lumulutang.
Akmang isasampa niya ang isa pang binti nang mapalingon siya sa may kalsada, may mapansin siya sa gilid ng tulay. May kung anong parang papel na kumakaway sa kanya. Sa labo ng ilaw ng poste ay hindi niya halos makita kung ano itong papel na sumasayaw sa hangin. Para bang tinatawag siya nito.
Bumuntong-hininga si Dolly. Nilingon niya ang madilim na ilog, at pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa kumakaway na papel. Nanaig ang kuryosidad. Muli siyang bumalik sa kalsada. Pagkababa ng railing ay marahang naglakad tungo sa kumakaway na papel ang bata.
Paglapit ay parang nawalan ng lakas ng mga tuhod ni Dolly at agad siyang napaluhod nang makita kung ano itong papel na kumakaway.
Isang beinte pesos.
Beinte pesos. Sapat na ito upang makabili ng isang kahang sigarilyo.
Beinte pesos. Sapat na ito upang makapagtayo siya ng bagong munting tindahan.
Sapat na ito upang magsimulang muli.
Beinte. Beinte. Beinte.
Sa ikatlong pagkakataon sa araw na ito, umiyak na naman si Dolly.
Kinuha niya ang beinte pesos na naipit pala sa isang bato. Tumayo siya at kinuha ang palara na kanina’y pinaglalagyan ng bubwit. Dinampot rin niya ang kaniyang bag.
“Huwag kang mag-alala. Aalagaan kita,” saad niya sa bubwit na para bang naiintindihan siya nito.
Tinahak niya ang daan pauwi. Kahit gabi na ay siguradong hindi mag-aalala ang kanyang mga magulang dahil ang alam ng mga ito ay naroroon siya sa kanyang mga lola.
Kailanman ay hindi na ako babalik doon, isip niya.
***
2018
“Anong nangyari doon sa bata?” tanong ng matandang nakaratay sa kama.
“Nagtayo siya ng maliit na tindahan sa harap ng bahay nila. Sinimulan niya sa beinte pesos na napulot niya. Nagsimula siya sa isang kaha ng sigarilyo,” kuwento ng babaeng nakaupo sa tabi ng kama.
“Pumasok pa ba siya sa eskwela?” tanong ulit ng matanda.
“Oo, kinausap ng nanay niya yung principal at ‘yun pala ay bawal patigilin ang mga eskwela sa kalagitnaan ng pasukan. Binayaran na lamang nila ang utang na matrikula sa pamamagitan ng naipon noong mga magulang niya at naipon niya sa pagtitinda,” paliwanag ng 32 taong gulang na babae.
Tumango-tango ang matanda.
“Ang sama ng ugali ng lola niya para tawagin siyang magnanakaw! Ay pinaghirapan niya ang perang iyon, pinagtrabahuhan niya!” bulalas nito.
Hindi umimik ang babae. Naisip niya ang tulay… ang madilim na ilog na hindi niya maaninag.
“Ano pala ang nangyari doon sa daga? Bakit niya inalagaan? Hindi ba’t peste ‘yon?” tanong ng matanda.
“Inalagaan niya pa rin. Hindi ito naging peste sa kanya. Malaki pa nga ang naitulong nito dahil doon niya itinatabi ang pera niya sa tindahan. Minsan, may bumibili na nagtangkang kumupit sa lalagyan ng pera nang malingat ang bata. Agad itong kinagat noong daga! Ang takot noong bumibili, hindi na siya bumalik!” tumatawang kuwento ng babae.
Tumawa rin ang matanda.
“Nagkita pa ba sila?” muling tanong ng matanda.
“Nino?”
“Noong kanyang lola,” dugtong ng matanda.
Tumingin sa malayo ang babaeng nagkuwento, nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Pagkatapos ay dumako ang tingin nito sa isang kahon na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Kahon ito ng ibon na may mga butas sa gilid upang makahinga ang nasa loob.
“Hindi na,” saad niya makalipas ang ilang sandali.
Maya-maya ay tumayo na ang babae.
“Saan ka pupunta?” tanong ng matanda.
“Aalis na ‘ko,” sagot niya.
“Babalik ka pa ba?”
Hindi siya umimik. Kapagkuwa’y dinampot niya ang kahon ng ibon at walang imik na lumabas ng kwarto.
Nakasalubong niya ang isang nurse paglabas niya ng pintuan.
“Kumusta? Naalala ka ba niya?” nakangiting tanong nito.
Umiling si Dolly.
“Ay sayang… pero ganoon talaga kapag may Alzheimer’s na, hindi na halos nakakakilala,” malungkot na sabi nito.
Itinuro ng nurse ang bitbit niyang kahon ng ibon.
“Alaga niya ba iyang ibon?” tanong nito.
“Ah sige na ha, aalis na ako. May pupuntahan pa ako e. Salamat,” sagot niya sa nurse at agad na umalis.
Pagsakay sa kanyang kotse ay marahan niyang ibinaba ang kahon ng ibon sa katabing upuan. Binuksan niya ito mula sa gilid.
“Mighty? Mighty Mouse,” banayad na tawag niya sa alagang daga.
Marahang lumabas ang daga sa loob. Maliit lamang ito, hindi lalampas sa palad ni Dolly ang laki. Mabagal na ang pagkilos nito dahil sa katandaan. Namumuti na rin ang sungot sa may ilong nito, pati ang balahibo sa ibang bahagi ng katawan.
Hinayaan ni Dolly na mahiga sa kanyang palad ang dagang si Mighty.
“Hindi na niya tayo naaalala, Mighty,” saad ni Dolly.
Hinimas-himas niya ang alaga. Bumuntong-hininga siya.
“Ok na ako, Mighty. Hindi mo na ako kailangang bantayan,” bulong niya sa kaibigang daga.
“Salamat. Salamat sa lahat. Pwede ka nang magpahinga.”
Nakatingin sa kanyang mukha ang daga, na wari ba’y naiintindihan ang kanyang sinsabi. Maya-maya ay ihinilig nito ang ulo sa kanyang daliri, pagkatapos ay pumikit. Patuloy si Dolly sa paghimas sa daga, hanggang sa maramdaman niya ang pagtigil ng hininga nito.
Hindi napigilan ni Dolly ang paghagulhol.
— WAKAS —
Nagustuhan mo ba ang akdang ito? Pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim o kaya ay magtungo sa aming Shop page.
- Bulong ng mga Diwata - March 1, 2024
- Tahanan - November 27, 2021
- Separation Anxiety: A Mother and Child Story - October 3, 2021