Buwan at Araw

Buwan at Araw

“Bakit magkahiwalay ang buwan at ang araw?”
Iyan ang aking tanong kay Nanay at kay Tatay.


“Ang isa ay kapiling ng malalayong tala
Ang isa ay kasama ng masasayang bata.”


Tugon ng aking Nanay: “Kailangang maglayo
Upang sa isa’t isa ay hindi mabilanggo.”


“Pag sila’y nagdidikit, ang isa’y nagugunaw.”
May pag-aalinlangang sagot ng aking Tatay.


“Di ba sila maaring magkasundo’t magsama
Tulad noong panahong sila’y nilikhang una?”


Malungkot na daigdig ang sumalo nang kagyat
Sa luha ng nanay kong dahan-dahang nagsaad:


“Pagsasama man nila ay hindi na nga wasto,
Sila’y nasa tabi lang ng mahal nilang mundo.”

Sun and Moon Photo from Flickr
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply