Kapirasong Buto
Kapirasong buto: iyan ang turing sa aking
sa iyong tadyang nanggaling
Bulaklak sa hardin ng Eden
palamuti ang gandang angkin.
Walang ibang sadya kundi maging kapares
ng iyong gilas at kisig
Maging laman sa iyong bisig
at larawan ng iyong titig.
Kapirasong buto na ‘di tatayo mag-isa
at mabubuhay nang kanya
kung wala ang pasya
ng dakilang kapareha.
Binansagang Maganda;
kay Malakas isinama
pagkat itinadhana ng simbahang
maging ina ng sangkatauhan
bilang mahigpit na kabayaran
sa nagawang mortal na kasalanan.
Maganda, dahil wala raw lakas
kaya walang naiiwang anumang bakas.
Di ba’t ako ang nagsisilang
ng mga magigiting na pangalan?
Di ba’t sa akin nagmumula
ang mga pinunong dakila?
Di ba’t ako ang ina ng Kristong
tumubos sa kasalanan ng paraiso?
Ngunit bakit ako’y pirming nasa laylayan
ng anino ng iyong kadakilaan at tagumpay?
Bakit nananatiling tagatahi lamang
ng iyong banderang winawagayway?
Ako na laging kasangkapan sa tahanan
ngunit walang sariling kapangyarihan
At itinuturing na tanging kakayahan
ay husay sa paggamit ng apoy ng kalan.
Ngunit bakit kung maglalaro ng sariling apoy
ay itinuturing na Magdalena ng buong sibilisasyon?
Ang kasaysayan sa akin ay hindi naging mabait
at sa bawat Ebang kabaro at kapatid;
Kami ay binansagan at sinunog bilang mangkukulam
pagkat bawal magkamit ng anumang karunungan
Kaya ako ay napilitang maging estribo
sa libong taóng kasaysayan ng mga bansa at tao.
A… hindi ito ang katuturan
at kabuluhan ng aking kabuuan.
Ayaw ko nang maging damang palamuti’t tropeo
sa estante ng kagitingan ng mga kabalyero.
Ako ay kapirasong buto
na magbabangon sa mundo
magbabalikwas sa kaalipinan
ng kasaysayan at kalikasan.
Papandayin ko na ang mga tabak
na wawakas sa pagkakasadlak
ng bawat Magdalenang
pampainit sa nanlalamig na kama.
Ikakasa ko na ang mga baril
na papaslang at kikitil
sa mga pamantayang mapang-api
at mapanghusga sa kapwa ko’t sarili.
Kung kinakailangan, ako’y muling kakagat sa mansanas
makamit ko lamang ang minimithing katubusan
At ang bawat hiwagang aking mamamalas
ay ‘di na matatakpan ng dahon ng kahihiyan.
Ako na ang guguhit ng sarili kong palad
ngayon, bukas at maging sa hinaharap.
Ako ay kapirasong butong hihiwalay
sa laman ng lalaking katuwang at patnubay.
Ako ay babangon at titindig
at aawit ng mga himig gamit ang sariling tinig.
Ako ay magbubuntis ng ilang libong pangarap
at manganganak ng pag-asa’t kalayaang ganap.
Creative Commons Image by jill111
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022