Kulang Mang Pambayad Itong Aking Tula

Kulang Mang Pambayad Itong Aking Tula

Ina’t ama na rin kayong itinuring

Sa loob ng silid-aralang tahanan

Kahit noong ako’y paslit pa’t uhuging

Letra at numero’y unang sinubukan.

 

Araw ma’y himbing pa sa kanlungang langit,

Kayo ay mulat na upang salubungin

Kaming mga anak sa ibang pag-ibig

At sa pagkatuto kami’y inyong dalhin.

 

Tulad sa paglakad, mga unang hakbang

Ng buhay kong musmos ay inyong hinubog.

Naroroon kayong sinusubaybayan

Ang aking pagsulong o ang pagkahulog.

 

Mula sa pagsulat, kahit pagbibilang,

Hanggang sa pagbigkas ng mga salita,

Kayo’y bukas-palad na nagbigay daang

Aking matuklasan ang daang dakila.

 

Aking napagtanto: nang dahil sa inyo,

Ako’y nagkapapel sa ating lipunan.

Kung di n’yo nagawa ang magsakripisyo,

Di ko masusulat ang aking pangalan.

 

Hindi ko man kayo napasalamatan

Sa bawat araling inyong inihanda,

Dito, sa ‘king puso, kayo ay may puwang.

Kulang mang pambayad itong aking tula,

 

Laging tatanawing ‘sang utang na loob

Ang aral na inyong ipinagkaloob.

 

Disenyo ng larawan: Ferdie L. Eusebio
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)