Nagalit Ang Mga Gamit Kay Pitlig

Umagang umaga ay nakasimangot ang araw.

Paano ba naman, sa isang bahay sa labas ng Maynila, may isang batang palagi na lang napagsasabihan ng mga magulang. Hindi kasi siya marunong magligpit ng kanyang mga gamit. 

Ang pangalan ng batang ito ay Pitlig. 

Tuwing umaga, pagkagising ng sampung taong gulang na si Pitlig ay iiwanan niya ang kumot na nakalugay sa kama. Ang mga unan, nakatiwangwang sa sahig. Ang tsinelas, isa sa ilalim ng kama, isa sa tabi ng pinto.

“Pitlig, paki ligpit nga ng pinaghigaan mo!” utos ni Nanay.

“Nagawa ko na po,” sagot ni Pitlig.

“E, bakit magulo pa rin ang hinigaan mo?”

“Biglang po kasing nahiga si Bantay at ginulo!” sagot ni Pitlig sa Nanay, sabay takbo sa kusina para kumain ng almusal. 

“Pitlig, paki ligpit ng mga hinubad mong nakakalat sa banyo!” sabi ni Tatay.

“Nagawa ko na po. Pero pumasok si Muning at umakyat sa sampayan kaya nalaglag sa sahig ang mga damit ko,” sagot ni Pitlig sa Tatay, sabay bihis ng uniporme at pumasok sa paaralan.

Ganito rin ang asal ni Pitlig sa paaralan. Kapag tapos na ang art class, iiwan niya ang mga krayola sa mesa—bukas ang kahon, nakakalat ang kulay. Ang papel? Punit-punit at nakalatag sa sahig.

“Pitlig, hindi pa tapos ang klase. Ligpitin mo muna yan,” sabi ni Gng. Santos, ang kanyang guro.

“Ay, si Benjie po ang gumamit niyan, hindi po ako,” sagot ni Pitlig, kahit alam ng lahat na siya ang gumamit at nag-drawing doon.

Pagdating sa bahay, maglalaro si Pitlig ng mga laruan—robot, kotse, at bola. Kapag tinawag na para kumain, tatakbo siya sa hapag, iwanan ang lahat sa sala.

“Pitlig! Ilang beses ko nang sinasabi, ligpitin mo ang laruan mo!” galit na sabi ni Tatay.

“Mamaya na po, pagkatapos kumain,” sagot ni Pitlig.

Pero pagkatapos kumain, maglalaro ulit siya. Ang plato at baso? Naiwan sa mesa. Ang tinidor? Nahulog sa sahig.

“Pitlig!” sabay na sigaw nina Nanay at Tatay.

“Si Nanay po ang nagsabi na iwanan ko na lang, hugasan niya!” dahilan ni Pitlig, kahit hindi totoo.

Isang gabi, habang naglilinis ng sala sina Nanay at Tatay, napuno na ang kanilang pasensya.

“Pitlig, kung hindi ka magbabago,” sabi ni Nanay, “baka ikaw na ang iligpit ng mga gamit mo!”

“Oo nga,” sang-ayon ni Tatay. “Baka ikaw na ang itapon sa basurahan!”

Natawa si Pitlig. “Joke lang naman nila yan,” bulong niya sa sarili. 

At parang hanging dumaan lamang sa kanyang ulunan ang sinabi ng kanyang mga magulang. 

Kinabukasan, pagkagaling ni Pitlig sa paaralan, nagsimula siyang maglaro ng robot sa sala. Kumuha siya ng tatlong robot—yung pula na may nawawalang braso, yung asul na may sirang gulong, at yung berdeng may natanggal na ulo.

“Handa na ba kayo sa labanan?” tanong ni Pitlig sa mga robot, ginagamit ang iba’t ibang boses.

Maya-maya, nakaramdam siya ng kakaiba. Parang may gumagalaw sa likuran niya.

Lumingon siya.

Wala namang tao.

Tumingin siya sa mga paa niya.

Gumagalaw ang kanyang sapatos.

“Ha?” gulat ni Pitlig.

Ang sapatos ay dahan-dahang naglakad—kaliwa, kanan, kaliwa, kanan—papunta sa kanya.

“N-Nanay!” sigaw ni Pitlig. Pero walang sumasagot.

Mabilis siyang tumakas. Pero, may iba pa siyang nasalubong.

Ang kanyang uniporme—salawal, brip, at polo—ay naglalakad din! Walang katawan sa loob, pero gumagalaw ang mga braso at binti na parang may buhay.

“Ano ba ‘to?!” sigaw ni Pitlig.

Humangos siya papasok sa kwarto niya. Pero doon, mas nakakagulat ang kanyang nakita.

Ang kanyang bag ay tumalon mula sa kama. Ang mga libro ay parang mga ibong lumilipad. Ang lapis at ballpen ay mistulang mga multong nagpalutang-lutang sa hangin. Ang papel ay pumapaikot-ikot parang hinihipan ng hangin.

“Pitlig!” sigaw ng bag na may malalim na boses. “Lagi mo kaming iniiwanan kung saan-saan! Lagi mo kaming pinababayaan!”

“H-Hindi ko sinasadya!” sagot ni Pitlig, atras nang atras.

“Sinasadya mo!” sigaw ng lapis. “Iniwan mo ako sa ilalim ng upuan kahapon!”

“At ako,” sabi ng aklat, “binasa mo ako tapos itinambak mo na lang sa sahig!”

Kumaripas ng takbo si Pitlig palabas ng bahay. Pero sa bakuran, may naghihintay sa kanya.

Ang mga sirang robot.

“Pitlig…” sabi ng robot, ang boses ay parang kalawang.

“R-Robot?” utal ni Pitlig.

“Oo, kami nga,” sabay-sabay na sabi ng mga robot. “Alam mo ba kung bakit kami nasira?”

Umiling si Pitlig.

“Dahil iniwan mo kami sa ulan,” sabi ng mga robot. “Naglaro ka sa labas, tapos biglang pumasok ka na lang sa bahay. Ano ang nangyari sa amin? Nabasa. Kinain ng amag. Nginatngat kami ni Muning.”

“S-Sorry…” bulong ni Pitlig.

“Hindi sapat ang sorry,” sabi ng mga robot. “Dahil sa’yo, nasira kami. Kaya ngayon, oras na para pakinggan mo kami.”

Biglang dumating ang lahat ng gamit—sapatos, damit, bag, lapis, libro, bola, plato, baso, kumot, unan. Pero hindi sila basta nakatayo lang.

Sila ay nagmartsa.

Sila ay nag-welga. 

Ang bag ay may hawak na karton na nakasulat: “GAMIT NG PAMILYA, MAGKAISA!” Ang sapatos ay may bandera: “LINIS, LIGPIT, LABAN!” Ang lapis ay may plakard: “TAMA NA! SOBRA NA! ITAPON NA!”

“Pitlig! Pitlig! Sagutin ang tanong! Bakit kami pinababayaan mo?!” sigaw ng mga gamit sa paaralan, sabay-sabay, parang koro.

“Kami ay hindi basura! Kami ay iyong responsibilidad!” sigaw ng kumot at unan.

“Ang gamit, ng bata, ngayon ay lumalaban!” sigaw ng plato.

“Kailangan ng pagbabago! Kailangan ng hustisya!” sigaw ng baso.

Napaluhod si Pitlig. “Tama na, please! Naiintindihan ko na!”

Pero patuloy ang mga gamit. Naglakad sila paikot kay Pitlig, sabay-sabay na sumisigaw.

“ANG GAMIT, NG BATA, NGAYON AY LUMALABAN! ANG GAMIT, NG BATA, NGAYON AY LUMALABAN!” sabay-sabay na sigaw ng mga gamit sa harap ni Pitlig.  

Sa kalagitnaan ng nagkakaisang pagkilos ng mga gamit ay tumayo ang sirang robot. Itinataas niya ang kanyang isang braso—ang natitira.

“Mga kasama!” sigaw niya. “Taon-taon na tayong naghihintay ng pagbabago. Lagi nating hinihintay na magbago si Pitlig. Pero ano ang nangyari? Wala! Kaya ngayon, kailangan nating kumilos!”

“Oo!” sigaw ng lahat.

“Ano ang gagawin natin sa kanya?” tanong ng robot sa mga gamit.

“Iligpit!” sama-samang tugon ng lahat.

“Paano natin siya ililigpit?”

“Itatapon!” tugon ulit ng lahat.

“Saan natin siya itatapon?”

“Sa basurahan!” mas malakas na sigawan ng mga gamit.

“Huwag!” sigaw ni Pitlig. “Please! Magbabago na ako!”

“Lagi mo nang sinasabi ‘yan,” sabi ng aklat. “Pero hindi mo naman ginagawa.”

Hinawakan ng mga gamit si Pitlig—sa braso, sa binti, sa katawan. Nagmartsa sila patungo sa madilim na eskinita.

Dahan-dahan siyang iprinusisyon sa kahabaan ng kalye sa kanilang baranggay.

Dahan-dahan, tinungo ng nagkakaisang lakas ng mga gamit ang hantungan ng mga dumi at patapong bagay: ang basurahan.

Puno ng nabubulok na pagkain, basag na bote, lumang dyaryo, at sirang mga gamit. Nagwelga rin ang amoy ng basurahan sa ilong ni Pitlig. Gusto niyang sumuka.

“Dito ka na,” sabi ng mga gamit. “Kasama mo ang lahat ng mga bagay na pinabayaan, na hindi inaalagaan.”

“Hindi! Ayoko rito!” iyak ni Pitlig. “Magbabago na ako! Magbabago na ako!”

“Huli na,” sabi ng mga robot, at itinulak si Pitlig sa basurahan.

“AAAAHHHHH!”

Bumangon si Pitlig, pawis na pawis. Hinihingal.

Tumingin siya sa paligid. Nasa kwarto siya. Nakahiga sa kama.

“Panaginip lang pala…” bulong niya sa sarili.

Pero habang pumapanatag ang kanyang paghinga, napansin niya ang kanyang kwarto.

Nakakalat ang laruan. Nakakalat ang libro. Ang uniporme ay nasa sahig. Ang sapatos ay nasa kung saan-saan.

Bumangon si Pitlig at kumilos.

Sa kalagitnaan ng humihilik na gabi, isa-isa niyang pinulot ang mga lapis at isinilid sa pencil case. Ang mga krayola ay ibinalik sa kahon. Ang mga libro ay ibinalik sa estante. Ang mga kotse’t bola ay inilagay sa kahon. Ang mga hinubad na damit ay sininop at inilagay sa laundry basket.

Pero, ang kanyang mga robot ay wala sa buong kabahayan. Hinanap niya sa mga ila-ilalim ng kama, sofa’t mesa, pero wala doon ang mga paboritong laruan. Hinanap din niya sa labas ng bahay, pero hindi niya ito natagpuan.

Nang makontento sa nagawa ay saka lamang siya nagbalik sa pagtulog.

Kinakbukasan, namangha ang mga magulang ni Pitlig sa nadatnang eksena. 

Malinis ang sahig; walang nakakalat na gamit sa eskwelahan, walang laruang palaboy-laboy sa sahig, at higit sa lahat – walang mga hinubad na damit kung saan-saan. 

Mahigpit na yumakap si Pitlig sa likuran ng mga magulang. 

“Sorry po,” sabi niya. “Palagi kong sinisisi sina Bantay at Muning, kayo, o kahit sino. Pero ako talaga ang may kasalanan.”

Naupo si Tatay sa tabi niya. “Alam mo, Pitlig, mas madaling manisi ng iba. Pero ang mahirap gawin? Yung pag-amin na ikaw ang may gawa.”

“Ang mga kilos mo ang humuhubog sa iyo,” dagdag ni Nanay, “Madali lang namang gumawa ng tama, di ba?”

Maluha-luhang tumango si Pitlig. “Pero nawawala na ang mga robot ko.”

Ilog na dumaloy ang luha sa mga mata ni Pitlig. 

“Hayaan mo at hahanapin natin,” sabi ni Tatay.

“Maglilinis na po ako. Mag-aalaga ng gamit. Pangako.”

Niyakap si Pitlig ng kanyang mga magulang.

Magmula noon, si Pitlig ay lagi nang nagliligpit ng kanyang mga gamit.

At palagi na ring nakangiti ang araw tuwing umaga sa tahanan nina Pitlig. 

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2025, Kategoryang Kuwentong Pambata

Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply