Never-Ending Bridge

Yan ang tawag ng mga tao sa tulay na Maharlika dito sa lugar namin sa San Marcos. Hindi dahil mahaba. Hindi dahil maganda. Kundi dahil hindi matapos-tapos.

Limang taon na ang nakalipas mula nang magsimula ang “repair.” Pero hanggang ngayon, may sira pa rin. Peligroso pa rin.

“Kulang daw ang budget,” sabi ng mga opisyal.

“May delay daw sa materyales,” sabi ng mga contractor.

“Masyado raw maraming requirements,” sabi ng mga engineer.

Pero alam ng mga tao ang totoo: may kumukurakot. Bawat taon, may bagong pondo. Bawat taon, may bagong repair. Pero bawat taon, walang nagbabago.

Ang dilim ay laging bumabalot sa tulay na Maharlika—sa Never-Ending. Parang bunganga ng dambuhala, ang bitak at lubak ay naghihintay ng mga biktima.

“Wala namang problema sa tulay na ‘yan,” sabi ni Congressman Romeo Velasco sa mga reporters, isang araw na na-ambush interview siya sa labas ng opisina sa House of Representatives. “Mga bayaran lang ang nagsasabing delikado ‘yan. Mga troll sa social media. Mga destabilizer.”

Si Congressman Velasco, 52 taong gulang, ay tatlong beses nang nagpapalipat-lipat ng partido. Hindi raw siya political butterfly kundi political survivor. Mula Liberal, naging Nacionalista, ngayon ay nasa administrasyon. Palaging sumasama sa nangunguna. Palaging nasa winning team. Palagi ring may share sa budget.

Mismong mga botante ang nagsasabing trapong trapo ang kongresistang ito. Walang aktibidad ng mga NGOs o non-government orgaizations ang hindi nagdaan sa kanyang opisina. Kahit donasyon ng UNICEF sa mga nasasalanta ng kalamidad sa kanyang distrito ay nagagawan niya ng paraang mapaskilan ng kanyang mukha at pangalan. 

“Ang tao ang mahalaga, hindi ang pulitika,” sabi niya sa mga nagdududa sa kanya. “Ang importante, nakakapagserbisyo tayo sa distrito at sa mga tao.”

Pero ngayong gabi, si Congressman Velasco mismo ang nasa loob ng mamahaling SUV na tumatakbo sa Never-Ending.

“Boss, madilim dito,” sabi ni Mang Ben, ang driver. “Wala na namang ilaw.”

“Bilisan mo na lang,” utos ni Velasco, nakatingin sa cellphone. May importante siyang meeting sa kabilang bayan. Walang panahon para sa mabagal na byahe.

Biglang—

PAK!

Lumusot ang gulong sa isang lubak na kasing-lalim ng lawa. Ang sasakyan ay gumewang, umikot, at nawalan ng direksyon. Si Mang Ben ay pumihit nang todo sa manibela pero wala nang magawa.

BRAK!

Tumama ang SUV sa isang poste ng tulay. Ang hood ay yumukod na parang nagaping mandirigma. Ang windshield ay nabasag sa lakas ng pagkakabangga. Ang usok ay pumailanlang sa hangin mula sa makina.

“Mang Ben!” sigaw ni Velasco.

Pero si Mang Ben ay nakasubsob na sa manibela, walang malay.

Bumaba si Velasco mula sa sasakyan. Nanginginig ang mga kamay niya. Ang paa niya ay parang goma—malambot, walang lakas. Tumingin siya sa paligid.

Walang sasakyan. Walang tao. Tanging dilim at katahimikan.

“Hello?!” sigaw niya. “May aksidente! Tulong!”

Walang sumagot. Ang tinig niya ay naglaho lang sa hangin.

Kinuha niya ang cellphone. Walang signal. Walang ilaw sa screen. Deadbat.

“Imposible,” bulong niya. “Kakapull out ko lang kanina nito sa charger, a.”

Lumingon siya sa SUV. Nandoon pa rin si Mang Ben. Pero may kakaiba. Hindi gumagalaw ang dibdib niya. Walang singaw sa salamin.

“Mang Ben?” lumapit siya.

Hinawakan niya ang braso ng driver. Sinlamig ito ng yelo.

Umatras si Velasco. “Hindi… hindi totoo ‘to.”

Nagsimula siyang maglakad palayo sa sasakyan. Lakad na naging takbo. Takbo na naging pagmamakaawa sa kalangitan.

“Tulong! May tao ba diyan?!”

Ang tulay na nilalakabay ni Velasco ay tila humahaba. Kada hakbang niya ay parang dalawang hakbang ang layo ng dulo. Ang mga ilaw sa kabilang dako ay parang mga bituin—malayo, hindi maabot, hindi totoo.

Sa madilim na sulok ng tulay, may nakita siyang pigura. Babae. Nakatayo sa gilid, nakasandal sa barandilya.

“Miss!” sigaw ni Velasco, lumapit. “Miss, may aksidente! Kailangan kong—”

Lumingon ang babae kay Velasco.

Duguan ang mukha niya. May punit na sugat mula sa noo hanggang sa pisngi, parang kinalmot ng kuko ng demonyo. Ang mga mata niya ay pula—hindi dahil sa dugo, kundi dahil sa galit.

“Ikaw,” sabi ng babae, ang boses ay parang balaraw na tumatagos sa tenga.

“A-ano?” utal ni Velasco, napaatras sa nakita.

“Ikaw ang may gawa nito,” sabi ng babae, lumalakad papunta sa kanya. “Dahil sa’yo, namatay ako.”

“Hindi! Hindi ako! Wala akong kinalaman sa—”

“Dalawang taon na akong naghihintay dito,” sabi ng babae. “Dalawang taon mula nang mag-deliver ako ng pagkain. Yung minamaneho kong motor, pumasok ang gulong sa malalim na lubak. Natumba ako. Nawalan ng preno yung bus sa likuran ko. Nasagasaan ako.”

“Aksidente lang ‘yun!” sigaw ni Velasco. “Wala akong kinalaman!”

“Alam mo ang tulay na ito,” sabi ng babae. “Alam mo na delikado. Alam mo na sira. Pero ano ang ginawa mo?”

Lumapit pa lalo ang babae. Ang hininga niya ay amoy ng nabubulok na laman, ng nangingitim na dugo.

“Sinabing wala namang problema. Sinabing mga bayaran lang ang nagreklamo. Sinabing mga destabilizer. Sinabing—”

“Tumigil ka!” sigaw ni Velasco at tumakbo.

Tumakbo siya nang tumakbo pero parang tumatakbo siya sa loob ng bangungot. Ang hangin ay kumakapit sa kanya, humihingi ng sagot, humahatak pababa.

Sa di kalayuan, may nakita siyang lalaki. Nakatayo sa gitna ng tulay. Nakahawak sa bisikleta na baluktot na parang tinorture.

“Boss Velasco,” sabi ng lalaki, ang boses ay puno ng sakit.

Tumigil si Velasco. Kilala niya ang lalaki. Si Tony. Delivery rider. Nag-post sa Facebook tungkol sa tulay.

“Si Tony?” tanong ni Velasco.

“Oo, ako nga, Boss,” sabi ni Tony. Lumapit siya. Ang mga kamay niya ay bali, ang mga daliri ay nakaturo sa maling direksyon. Ang binti niya ay baluktot sa tuhod, parang origami ng horror. “Naaalala niyo ba ang post ko? Yung hiniling ko na lang na ayusin ang tulay?”

“Y-oo,” sabi ni Velasco. “Pero—”

“Pero ano ginawa ninyo?” sabi ni Tony. “In-red tag ninyo ako. Sinabing kasapi ako ng NPA. Pinadala ninyo ang mga tauhan ninyo sa bahay ko. Tinakot ninyo ang pamilya ko.”

“Proseso lang ‘yun!” sabi ni Velasco. “Para—para sa seguridad ng bayan!”

“Seguridad?” tawa ni Tony, pero walang tuwa sa boses niya. Ang tawa ay parang hinihiwa ng kutsilyo. “Anong seguridad ang meron sa tulay na puno ng lubak? Anong seguridad ang meron sa mga ilaw na patay? Anong seguridad ang meron sa mga barandilyang bagsak na?”

“Hindi ko kasalanan na nadulas ka!” sigaw ni Velasco. “Sarili mong kapabayaan ‘yan! Tatanga-tanga ka kasi! Sarili mong kamalian! Kayo ang—”

“KAMI?” sigaw ni Tony, at biglang dumami sila.

Mula sa dilim, lumitaw ang mga tao. Sampung tao. Dalawampung tao. Tatlumpung tao. Lahat ay duguan. Lahat ay sugatan. Lahat ay galit.

“Kami?” sabi ng isang matanda na may putol na braso. “Ako, nahulog sa lubak habang naglalakad. Walang babala. Walang ilaw. Namatay ako sa impeksyon.”

“Ako,” sabi ng isang bata na may basag na ulo, “naaksidente ang tatay ko dahil sumalpok sa lubak. Namatay siya. Naiwan kaming walang kabuhayan.”

“Ako,” sabi ng isang lalaking may punit na dibdib, “nagmamadaling umuwi sa pamilya. Wala akong nakitang lubak dahil walang ilaw. Bumangga ako. Namatay ako sa tulay habang hinihintay ang ambulansya na hindi dumating.”

Lumapit sila. Paisa-isa. Parang tsunami ng galit, ng hinagpis, ng hustisya na hindi natupad.

“Hindi ko kasalanan ‘yan!” sigaw ni Velasco, umatras. “Wala akong kinalaman! Kayo—kayo ang pabaya! Kayo ang walang ingat! Kayo ang—”

“KAMI?!” sigaw ng lahat, sabay-sabay, parang bundok na pumutok.

“KAMI ANG MAY KASALANAN?” sigaw ng babae. “KAMI NA NAMATAY DAHIL SA TULAY NA PINABABAYAAN MONG HINDI MATAPOS?”

“KAMI NA NAGREKLAMO PERO TINAWAG MONG BAYARAN?” sigaw ni Tony. “KAMI NA HUMIHINGI NG TULONG PERO IN-RED TAG MO?”

Lumuhod si Velasco. “Tama na! Tama na, please!”

Pero hindi sila tumigil. Lumapit sila, dumami, parang tubig na umaapaw, bumabaha. Parang galit apoy na naglalagablab.

“Ibalik ang buhay namin,” sabi ng matanda.

“Ibalik ang tatay ko,” sabi ng bata.

“Ibalik ang kinabukasan namin,” sabi ni Tony.

“Hindi ko kaya!” iyak ni Velasco. “Wala akong magagawa! Patay na kayo! Patay na—”

“KAYA KA NANDITO,” sabi ng lahat, sabay-sabay.

“KAYA KA NANDITO SA TULAY,” sabi ng babae, “DAHIL KAILANGAN MONG MAKITA.”

“MAKITA ANG DULOT NG IYONG KAPABAYAAN,” sabi ni Tony.

“MAKITA ANG MGA BIKTIMA NG IYONG KASINUNGALINGAN,” sabi ng matanda.

“MAKITA ANG KATOTOHANAN,” sabi ng bata.

Biglang tumunog ang malakas na busina.

HOOOOOONK!

Lumingon si Velasco. Mula sa dulo ng tulay, may lumalapit na ilaw. Dalawang ilaw. Malalaki. Maliwanag. At malakas ang ingay ng makina.

Isang rumaragasang 18-wheeler truck.

“Hindi pwedeng dumaan ang truck dito!” sigaw ni Velasco. “Bawal! Lagpas sa weight limit! Yan ang nakalagay sa—”

Tumigil siya. Napagtanto niya. Ang mga signage—wala na. Tinanggal noong nakaraang repair. Hindi na rin pinalitan.

“Bawal?” tawa ng babae. “Bawal, pero walang gumagawa ng paraan para pigilin. Bawal, pero walang babala. Bawal, pero walang nagpapatupad.”

Lumapit ang truck. Mabilis. Walang preno. Parang halimaw na gutom, walang awa, walang konsensya.

“TULONG!” sigaw ni Velasco, tumayo at tumakbo.

Pero nasaan ang takbuhan? Ang tulay ay mahaba pero walang dulo. Ang dilim ay malalim pero walang puwang. Ang mga tao ay nakapalibot, naghihintay, nanunuod.

“TULONG! PLEASE! MAAWA KAYO SA AKIN!”

Ang truck ay lumalapit. Lalong lumalapit. Ang mga ilaw nito ay parang impyernong sinusunog ang kanyang mata.

Sa huling segundo, tumingin si Velasco sa likuran. Nakita niya ang lahat—ang babae, si Tony, ang matanda, ang bata, ang lahat ng namatay sa tulay.

“Pasensya na po!” sigaw niya. “Pasensya na! Mali ako! Kasalanan ko! Kasalanan ko!”

Pero huli na.

Bumabagtas na ang truck sa kahabaan ng yumuyugyog na tulay.

At sa eksaktong panahong ‘yon—

KRAK!

Ang tulay ay bumagsak.

Bumagsak ang gitna. Bumagsak ang mga poste. Bumagsak ang mga kable. Lahat ay bumagsak sa malalim na ilog sa ilalim, dala-dala si Velasco, ang mga multo, ang truck, ang lahat.

Sa ilalim ay madilim. Walang hangin. Walang buhay.

At doon, sa kailaliman, narinig ni Velasco ang mga boses.

“Ito ang dapat.”

“Ito ang tama.”

“Ito ang hustisya.”

Ang tubig ay pumasok sa kanyang bibig, sa kanyang ilong, sa kanyang baga. Ang dilim ay kumain sa kanyang kaluluwa.

At sa wakas, natahimik siya.


Nagmulat ng mata si Velasco. Naroroon siya at nakaupo sa kanyang paboritong luxury vehicle. Nakaupo siya sa likuran ng driver na si Mang Ben. 

“A-anong…?” pupungas-pungas na tanong ng Kongresista sa sarili. 

“Boss, okey ka lang?” tingin ni Mang Ben sa rearview mirror. 

Panaginip. Panaginip lang pala ang lahat. 

Isang malaking buntong hininga ang pinakawalan ni Velasco, pagkatapos ay napangiti sa sarili. 

Kapapanood ko ito ng mga horror na pelikula, ‘ika sa sarili. 

Paano nga namang hahabulin siya ng mga namatay na tao dito sa tulay, o kaya ay mapuputol ang tulay ng isang malaking truck, e, bawal ngang dumaan ang mga ito rito. 

Gamit ang mahabang manggas ng de-kalidad na damit, pinunasan ni Velasco ang sariling pawis sa noo, bagaman nakatodo ang airconditioning nito. 

Maya-maya, nakita niya ang isang malalim na lubak sa di kalayuan. Tatapikin sana ni Velasco si Mang Ben para sabihing mag-menor, nang biglang…

BLAG!

Nahulog ang unahang gulong ng luxury vehicle sa isang malalim na lubak. Gumewang ang gulong at nagpagulong-gulong ang sasakyan sa kahabaan ng tulay. Sumalpok ito sa isang poste. Umusok ang makina kung kaya dali-daling pagapang na lumabas si Velasco upang huminga nang malalim. 

Tiningnan niya ang driver na si Mang Ben. Duguan ang nadurog na mukha. Hindi na humihinga.

“Tulong… tulungan n’yo kami!” Sigaw ni Velasco sa buong paligid. 

Muli, dumating ang mga taong sinawimpalad sa Never-ending Bridge ni Congressman Velasco. Muli siyang hinabol ng mga ito na para bang makukuha nila sa kanya ang matagal na nilang hinihingi. 

“Hindi, hindi! Panaginip lang ang lahat, di ba?”

Muli siyang tumakbo. Tumakbo nang tumakbo sa kahabaan ng tulay na hindi niya tinatapos. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa madurog sa lubak-lubak na kalsada ang kanyang mamahaling balat na sapatos. 

At muli niyang nasalubong ang 18-wheeler truck na ipinagbabawal ngang dumaan sa tulay na ito. Pero dahil nakapagbayad ang may-ari nito ng kung magkanong halaga, pinadaan ito ngayon patungo sa direksyon ng humahangos ng kongresista. 

At muling nabali ang kalampaging tulay. 

Kailan ba ito matatapos? Tanong ni Velasco sa sarili. 

Dahil hindi ito masagot-sagot ng mga motoristang naaabala araw-araw sa pagdaan sa tulay na ito, hindi rin mahanap ng pulitiko ang sagot sa sariling tanong. 

Ngayon, araw-araw siyang hahabulin ng sariling multo. At hindi rin ito tatapusin ng mga biktima. 

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2025, Kategoryang Maikling Kuwento

Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply