Paghihiwalay

Paghihiwalay

Ang paghihiwalay

Ay parang paggapas sa uhay

Na binungkos-bungkos

Ng mga Dakilang Kamay

At kapag tabas na ang tangkay

Maiiwan ang pinag-ugatan

Upang matuyo’t mabulok

Sa bitak na lupang

Kanilang pinagsamahan

 

Kagaya din ito

Kung paano nagiging bigas

Ang gintong butil ng palay –

Binabayo, ginigiling

Prosesong uulit-ulitin

Hanggang matambad

Ang munting butil na hubad

Sa pinagbalutang ipa

 

Wala itong pinag-iba

Sa mainit na kaning

Ating isinubo

Sa pagmamadali

At nang mapaso’y

Iniluwa dagli

Pagkat mainit ang katotohanang

Dumampi sa ating mga labi

 

At matatanong, sinta:

Alin kaya sa ating dalawa

Ang naging bigas at ipa

Ngayong ‘di na tayo magkasama?

 

 

Public Domain image Rice Heart
Ang tulang ito ay bahagi ng koleksyon na pinamagatang “Tilamsik ng Haraya“. Mada-download ng libre ang e-book na ito dito sa aming website.
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply