Para Kay Himig

Para Kay Himig

Lumundag kang parang palaka

at kumilos nang malayang malaya.

Umakyat kang tila matsing

at lihim ng gubat ay iyong alamin.

Tumakbo kang parang kabayo

at sumabay sa bilis ng ikot ng mundo.

Lumangoy kang wangis ng butanding

at maglakbay sa hiwaga ng dagat na malalim.

 

Hayaang lumipad kagaya ng ibon

ang pangarap mo at imahinasyon

Iyo ding tularan ang bunying langgam

na puspos ng sipag ang buong katawan.

Maging mahinahon tulad ng pagong;

lahat ay makakamit sa tamang panahon.

Maging matapat kang katulad ng aso

kaibigan at magiliw sa pamilyang tao.

 

Iwasang sumama sa mga buwaya

at baka sa kasakiman ikaw ay mamihasa.

Ikaw ay lumayo sa mga hunyango

kulay nila’y huwad at mapagbalatkayo.

Huwag ding tularan ang mga ahas

na nanunuklaw sa nagpapakaing palad.

‘Wag ding pangaraping ika’y maging anay;

sila’y pesteng sumisira sa haligi ng bahay.

 

Hayop mang kaaway o kaibigang matalik

sa asal at bait, tao ang kahawig

Kung paano mo ituring, ituring ka’y ganun din

kung iyong lilingapin, ikaw di’y lilingapin.

Hayop mang ituring, may taglay silang dunong

kaya pakaisipin, bilin namin ngayon

Bata, sa daigdig, ito ang totoo:

“Madaling maging tao, mahirap magpakatao.”

 

Image by Ferdie L. Eusebio, “Nanunungkit”
Ang tulang ito ay bahagi ng koleksyon na pinamagatang “Tilamsik ng Haraya“. Mada-download ng libre ang e-book na ito dito sa aming website.
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply