Sa Aking Rocketship (Isang Haibun)
Isang rocket ship ang project namin sa Science. Gawa ito sa isang malaking plastic na bote ng softdrink. Kung tama ang pagkakagawa ko batay sa libro namin, lilipad ito sa pamamagitan ng Mentos at Coke. Pagkatapos, ayon na rin sa mungkahi ninyo, kinulayan ko ito ng dilaw, pula at asul – mga kulay ng watawat ng Pilipinas. Sabi mo po, Mama, ang ganda ng pagkakagawa ko. Halos makalipad ako sa langit dahil sa sinabi mo. Kahit may distansya tayo sa loob ng bahay natin, parang yakap mo na rin ako.
Ang b’wan kagabí
ay nakangiting pusa;
di maikubli
ng sinag na maputla
ang maningning na tuwa.
Gusto ko sanang subukan nating paliparin ang nalikhang rocket ship. Gaano kayâ kataas ang lipad nito? Káya kayâ nitong makarating sa outer space? Dumating na ang pina-deliver nating Mentos at Coke. Handa na rin ang bakanteng lote na magsisilbing lunsaran. Pero tumawag na ang ospital na pinagtatrabahuhan mo bilang nurse. Agad kayong naligo at nagbihis ng uniporme. Suot ang facemask at faceshield, buong giliw kang nagpaalam at dali-daling umalis.
Talàng marikit
ay lalong lumalayò
pag umaalis
tungò sa ibang dakò
ang kapilas ng pusò.
Mahina ang sagap ng internet kayâ di ko kayo matawagan. Nag-aalala na sina lolo at lola dahil tatlong araw na kayong hindi bumabalik. Ang balita sa TV ay maraming pasyente kayong inaasikaso. Samantala, katulad ko ay naghihintay ang rocket ship na aking binuo. Kung mapapalipad ko lang ito, sásakyan ko ito at pupuntahan kayo sa ospital at susunduin. Kayâ lang po, sabi nina lolo, bawal lumabas ang mga batà. Hindi ko mapapalipad mag-isa ang rocket ship mag-isa dahil bakâ maligáw lang.
Isang pangarap
ay liwanag ang wangis;
hindi sisíkat
sa gabíng tumatangis
at malumbay na labis.
Isang tawag ang umalingawngaw. Nagulat ang gabí sa bigla nitong pagdating. Agad itong sinagot nina lolo at lola. Kahit maingat na maingat sila upang hindi ako magising, pinukaw ako ng nakabibinging katahimikan. Yakap nina lolo at lola ang isa’t isa. Nang makita nila ako’y yakap din ang isinalubong sa akin. Mahigpit na yakap. Mahigpit na mahigpit.
Luhang pumatak
ang maningning na talà.
Saan napadpad
ang kinang na mabisàng
kumot ng pusò’t diwa?
Paliwanag nila: kayo daw po ay nahawa ng inyong pasyente. Kahit mahigpit ang inyong facemask at faceshield, napuslitan kayo ng bagong kalaban. At doon din, lumitaw ang sintomas: lagnat, sipon at hírap sa paghinga. Nawalan daw kayo ng pang-amoy kung kayâ dahan-dahang bumaba ang inyong gana sa pagkain. Sabi daw po ng doktor na kumalinga sa inyo, iláng araw lang ang inyong itinagal. Ayaw daw ninyo akong mag-alalá kung kayâ hindi kayo tumawag sa akin.
Bakit naglaho
ang talàng gumagabay?
Bakâ nagtungò
sa may dakòng silangan –
naging bukang liwayway.
Paano na po ang aking rocket ship, Mama? Hindi na po kitá kasáma sa pagpapalipad nito. Tulad ko ay naiwang naghihintay ang Mentos at Coke. Balang araw po, bubuo ako ng tunay na rocket ship at ipipinta sa katawan nito ang ating watawat. Sasakay ako doon kasáma sina lolo at lola at aabutín ko ang sahig ng langit. Sana po ay abutín mo ang aming mga kamay.
Rocket ay araw
na aakyat sa langit.
Di matutúnaw
sa puso ko at isip
tulad ng ‘yong pag-ibig.
Larawang rocket ship galing sa Wikipedia.
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022