Sa Bubóng ng Pag-asa

1. Sa Bubóng ng Pag-asa

Namamangka sa luha ang aking puso

nang mabalitaan ko ang lagay ng ating tahanan.

Di yata’t ang ating ilog, maging ang karagatan,

tulad ko ay napilitan na ring mandayuhan.

Akala ko’y wala nang iba pang bagyo

ang hihigit pa sa pangangailangang

nagtaboy sa akin palayô sa inyong píling,

pagkat ngayon, kahit bugso ng panalangin,

nagmumukha lámang palipad-hangin

sa saklaw ng delubyong namamagitan sa atin.

Mistulang rehas ang bubong at dingding

ng aking tinutulúyang dormitoryo – kusang tumatakas

ang aking kaluluwa pabalik sa ating lalawigan.

Ako’y nangangambang ang ating bahay

ay kay dalîng humapay-hapay

pagkat ang haligi ay nagpatangay

sa mabuhanging lungsod ng Dubai.

Kung maaari lang, handa kong ikalakal

ang ginhawang aking dinaranas

upang di kayo makíta ng mata ng bagyo,

subalit bingi at pipi ang alsayid[1] ng komersyong

ayaw magpaluwal ng tiket ng eroplano.

Sa ngayon, ako muna’y magkakanlong

sa bubóng ng pag-asang nakalikas kayo,

hinahagkan at niyayakap ng mainit na sabaw

hanggang mangibang-bayan na rin

ang samâ ng panahong namamasyal sa atin.

2. Mahiwagang Tapete[2]

Giniginaw ang tapete sa ‘king tabi;

inawitan ko na nga s’ya buong gabí,

yupyop pa rin at ang asta’y parang bingi.

Niyakap ko’t dinantayan, dinamayan,

ayaw pa ring bumukadkad nang lubusan.

Tunay kayâng may sakít o joke lámang?

Sino kayâ ang may sabing mahiwaga

ang tapeteng sa Arabia ay dakila

ngunit dito’y nilalagnat at mahina?

Bakit ayaw n’yang lumipad at sunduin

ang Tatay kong masipag at matulungin?

Sa bagyo ba, katulad ko, s’ya’y takót din?

Kung sabagay; kahit sino’y nalungayngay

n’ung ang bubong nami’t ilog ay nagpantay

nang dumalaw ang delubyong walang humpay.

O, tapeteng mahiwaga’t kapwa bakwit:

dalangin ko’y gumaling ka, at ipuslit

sa ‘ming píling ang Tatay ko kahit saglit!

3. Kumot at Banig

Niyayakap kami ng malamig na hanging

magdamag nang nagbabaháy-baháy

sa nangangaligkig nating barangay.

Tulad ng mga emergency light,

ilaw akong di p’wedeng mapugto ang tingin

sa anak nating matatakutín

na, sa karagatan ng kapitbaháyang lumikas,

ay sinasalakay ng ulan at dilim

sa basketbolang naglalangoy na rin.

Wag kang mag-alala, sinta

kung kami dito ay nakakain na;

busóg na kami sa instant noodles at de-lata –

nalulunok na rin ang alat ng búhay.

Batid kong sa ibayong dagat ay namamangka

pauwi dito sa atin ang puso mo at diwa.

Kayâ kumain ka rin sana, nang sa iyong trabaho

ay mayroon kang gana at laging produktibo.

At kung iyong tatanungin: ano’ng pananggalang namin

laban sa mapang-aping lamig

na nagpapayukayok sa amin?

Pananalig mo ang aming banig

at ang kumot ay pag-ibig mo’t lambing.

Lahok sa 2024 Saranggola Awards sa Kategoryang Tula.


[1] Alsayid – amo, master

[2] Tapete – carpet

Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply