Sa Iyong Hardin (Los Baños)
Ang iyong alindog
Ay batobalaning sa ‘kin ay humigop
Tungo sa ‘yong ganda, taas at hiwaga palabas ng lungsod
Hulagway ng mutyang pirming nakahiga ay s’yang nanunuot
Sa puso, sa diwa at kaibuturan ng katawang pagod
At kaparis nito’y ang katotohanang alam ko nang lubos:
Ang iyong alindog ay yakap ng kumot
Sa aki’y bumalot.
Gubat na madawag;
Isa kang hiwagang ‘di ko madalumat
Para kang pahina ng isang matanda at gusgusing aklat
Na ang nilalaman at ibig sabihin ay ‘di ko masipat
Sa piling mo, waring ngayon at kahapon ay sabay lumipas
Pagpikit ko’y dasal: ‘wag munang sumapit ang anumang bukas
Gubat na madawag sa aking hinagap
ang iyong paglingap.
At matatagpuan
Ang kal’walhatian sa sinapupunan
Ng diwatang bida sa mga alamat at kuwentong bayan
Ikaw ay ‘sang musa ng aking haraya na hinahangaan
Ngunit mayr’ong kimkim na hapis at ngitngit ng galit na bulkan
Ngitngit na laan lang sa iyong pag-ibig ay tumampalasan.
At matatagpuan ang kapangyarihan
Sa kal’walhatian.
Pinapanalangin;
‘Wag sanang sumapit ang kagat ng dilim
Nang ‘di namamasdan at nararanasan ang yumi mo’t lambing
‘Wag sanang magising nang mayroong galit sa iyong damdamin
Samo at dasal ko, ang tanging biyayang isabog sa akin
Sa muling pagdating ay ngiting malugod at bating magiliw
Pinapanalanging tayo ay magsiping
Doon sa ‘yong hardin.
Public Domain Image Maria Makiling
- Ang K’wento ni T’nalie - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022