Wala Nang Laman Ang Ating Mga Panaginip
Wala nang laman ang ating mga panaginip
pagkat maya’t maya na natin itong nasisilip.
Wala nang laman ang ating mga pangarap
dahil hindi na tayo marunong maghangad.
Hinahabol na natin ang digital at electronic
kahit bangungot na ang kanilang hinahatid.
Wala nang laman ang ating mga damdamin
pagkat kaydali lamang nating mahumaling.
Wala nang laman ang ating mga salita
dahil hindi na ito batid ng ating gunita.
Hinahangad na natin ang peke at synthetic
kahit bangungot na ang kanilang hinahatid.
Wala nang laman ang ating mga pangako
pagkat hindi na tapat ang ating mga puso.
Wala na ring tamis ang ating mga ngiti
dahil hungkag na ang ating mga budhi.
Inaasam na natin ang de-motor at plastic
kahit bangungot na ang kanilang hinahatid.
Wala nang laman ang ating mga panaginip
pagkat puso at isip nati’y digital, electronic
peke, synthetic, de-motor at plastic.
Public Domain Image by geralt
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022