Anak ng Tokwa
May kumot pa ang umaga
At nagmumuta ang mata
Ngunit binabagtas ko na
Ang sanga-sangang kalsada
Kanto, kalye’t abenida
Ng mabunying kabisera
Ng ‘sang bayan sa Laguna
Bitbit ang aking paninda.
Lagi’t laging nakasukbit
Sa mabigat na balagwit
Na kawayang kasingnipis
Ng balikat kong maliit
Ang pagkaing kasingtamis
Ng ngiti ng suking paslit
At agahang pampatawid
Ng sino mang nagigipit.
“Taho! Taho!” aking hiyaw
Sa bawat kapitbahayang
Ilang taon na rin namang
Aking pinaglilingkuran.
Balitang umalingawngaw
Sa matamlay na lansangan
Ang malat na panawagan
Sa suki kong pamayanan.
Sinlagkit ng alas s’yete
Ang pawis ko at suwerte.
Bakit walang bumibiling
Kostomer, di gaya dati?
Ako kaya’y may nasabi
O nakatapak ng tae?
Daig ko pa ang napeste
Sa ganitong pangyayari!
At ang bahaging masaklap
Na kayhirap kong matanggap:
May balitang lumaganap
Na ako ang nagpakalat
Ng virus na di maampat
Sa kalyeng aking binagtas.
Ang bulúngan daw ay tiyak
Pagkat wala akong facemask.
Dahil ako’y naituro
Ng isang suki ng taho
Na ako ang pasimuno
Sa pesteng di naglalaho,
Barangay ay nagkasundo:
Ako’y bawal nang maglako
Hanggang hindi napupugto
Ang pesteng pabugso-bugso.
Ano na’ng ipakakain
Sa pamilyang dumaraing
Kung ako’t hanapbuhay din
Ay biglang makuk’warantin?
Matay mang pakaisipin,
Ito‘y bagong suliranin.
Ako’y umuwing kulimlim
Ang dibdib ko at paningin.
Ang panindang di nabenta,
Na singtigas ng estatwa
Ang ngayo’y nakaparada
Sa bakante naming mesa.
Mabigat mang pagpapasya,
Dito kami magkakasya
Kaulam ng buntong-hinga
At múrang “anak ng tokwa!”
Image from Flickr.com Taho
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Ang K’wento ni T’nalie - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022