For Rent
Mainit.
Ang bigat pa ng dala kong bag.
Kanina pa ako naghahanap ng matitirhang apartment or dorm man lang pero talagang walang bakante. Agosto kasi ngayon, kalagitnaan ng sem. Syempre hindi pa nagsisiuwian sa kani-kanilang probinsya ang mga estudyante kaya mahirap maghanap ng matitirhan malapit sa campus.
Leche kasing kotse ‘yan, kung kelan mid-sem saka inatake ng napakaraming sira! ‘Yan tuloy, ang hirap mag-uwian. Bwisit! Kung kelan maraming exams!
Sasakay na sana ako ng jeep papuntang terminal nang may nakita akong matabang ale na may dalang karatula.
Studio-type for Rent. Yes! Dinidinig talaga ni Lord ang dalangin ko. Nilapitan ko yung ale.
“Excuse me po. Naghahanap po ako ng apartment, baka po pwede ako jan?” tanong ko sa kanya.
“Ay iho! Ang bilis mo naman! Ilalagay ko pa lang sana ‘to eh. Sige halika, ipapakita ko sa’yo.” Pumasok sa itim na gate ang matabang landlady. Marami palang dikit-dikit na apartment sa loob ng compound, pero mukhang lahat ay okupado.
“Ako nga pala si Aling Neli, ako ang may-ari ng ilang paupahan dito. Kaya lang iho hindi ko pa nalilinis yung loob ng bahay, ha. Kasi tatlong buwan nang hindi umuuwi yung dating nakatira. Nung ‘di ko pa rin makontak kahapon e nagdesisyon na akong pa-rentahan ulit yung studio-type. Kasi naman lugi na ‘ko sa kuryente at tubig! Hindi ko naman akalaing may magtatanong agad,” mahaba pa niyang kwento.
Ang daldal naman nito, naisip ko.
“Ok lang po ‘yun. Ako nga po pala si Fred.”
Isang babae ang lumabas sa isa sa mga apartment. Siguro’y nasa edad mahigit beinte ito, ngunit hindi naman aabot sa treinta.
“Aling Neli! Buti naabutan ko kayo,” sabi niya.
“O bakit Marisa, may problema ba sa bahay?” sagot ng kahera. Nakita kong tumingin siya sakin saglit bago ibinalik ang tingin sa kausap. Takot sigurong marinig ko ang mga problema sa apartment nila.
“Ah wala naman po. May gusto lang akong banggitin sa inyo. Feeling ko po may nagnanakaw dito sa compound. Nung isang araw po kasi nilagay namin yung hapunan namin dito sa mesa sa labas, pagbalik namin pagkatapos kunin yung pinggan, wala na yung pagkain!”
“Nuka e baka naman pusa o aso lang ang kumuha sa pagkain n’yo. Dapat kasi hindi n’yo iniiwan na lang basta. Alam niyo namang may mga alaga ang ibang boarders.”
Sumimangot is Marisa. Mukhang kumbinsido s’ya na may magnanakaw nga ng pagkain. Naglakad na kami palayo ni Aling Neli. Tinandaan ko na may mga gumagalang hayop kaya hindi dapat ako mag-iwan ng pagkain sa labas.
Bumaling sakin si Aling Neli, maluwang ang kanyang ngiti.
“Dito kasi sa paupahan ko, p’wede ang mga pets. Basta ba sisiguraduhin lang ng may-ari na hindi nakakaabala ang mga alaga, tsaka yung hindi nagkakalat, wala naman akong problema. Estudyante ka ba?”
“Oho, vet-med po.”
“Ah talaga? Yung dating nakatira sa titirhan mo, Vet-Med din. Graduating na yata ‘yun eh. May pagka-weird ‘yung isang ‘yun. Huli kaming nagkita eh sinasabi niya na ayaw na niya. Kung kelan ga-graduate na! Suko na daw siya, hindi na niya kaya. Tapos ayun! Hindi na bumalik ang luka-luka! Wala naman akong kontak sa pamilya niya.”
Siguro kasi ang daldal niyo!
Tumango-tango lang ako.
“Eto na ‘yung unit.” Tumigil siya sa tapat ng isang puting pinto. “Four thousand ang paupa ko dito. One month deposit at one month advanced ang patakaran namin. Kaya mo ba?”
“Sige po, wala pong problema. Kailangan ko po talaga ng matitirhan agad-agad.” At medyo sumasakit na rin ang ulo ko. Gusto ko nang magpahinga.
Kinuha ni Aling Neli ang isang kumpol ng susi sa kanyang bulsa. Isusuksok na sana niya ang susi sa doorknob nang mapansin niyang bukas pala ang pinto. Nagulat siya.
“Sigurado akong sinara ko ‘to kanina,” sabi niya sa kanyang sarili.
Nagkibit-balikat na lang ito at tuluyang binuksan ang pinto.
Nakita ko ang loob ng studio-type apartment. May isang kama sa gilid. May cabinet, lamesa at upuan. Sa ibabaw ng lamesa ay may aquarium na walang laman. Sa tapat ng kama ay may pintuan para sa palagay ko ay banyo. May maliit na lababo sa may pintuan. May isang kahon ng Paymore pancit canton na ang laman ay mukhang mga photocopy ng libro. Hula ko ay may mga kahon pa sa madilim na ilalim ng kama. Pero may kakaibang amoy, siguro ay dahil hindi pa ito lubusang malinis. Mahina lang naman ang amoy kaya’t tolerable pa.
“Nandito pa yung mga gamit n’ya. Kaka-alis ko palang ng damit niya dun sa cabinet kanina eh. Hindi ko pa nasisimulan yung iba. Nakakita ako ng mga gamit niya na pang-vet. Yung mga pang-opera yata ng hayop ‘yun. Naiwan ko pa sa cabinet. Pati yung mga libro niya, ‘di ko pa naalis.”
Pansin ko nga.
“Hindi ho ba magkaka-problema ‘pag biglang bumalik yung dating nakatira?” saglit akong nag-alangan.
“Naku sa tagal ba naman niyang wala. Kahit sinong kahera naman siguro gagawin ‘to,” mabilis niyang sagot.
“Pero kung gusto mo ay bumalik ka na lang next week. Lilinisin ko ‘to bago ka lumipat. Medyo may amoy pa nga dito, siguro kasi nagkukulong ‘yun dito kasama ng mga patay na katawan ng pusa at aso. Pati kabayo ata!”
“Ok lang po, kahit ako na lang ang maglinis. Kailangan ko na po talaga ng matitirahan e. Ngayon na po.”
“Sigurado ka? Sige ikaw ang bahala. Baka nga magamit mo pa ‘yang ilan sa mga gamit niya. Kung dito ka tutulog ngayong gabi e dalhan na rin kita ng bedsheet at pillow case. Tsaka walis pa kung gusto mong magwalis-walis dito.”
Tumingin ako sa paligid. ‘Wag nang magwalis, nakakatamad.
“Wag no po yung walis, mukhang malinis pa naman po,” sagot ko.
Kumuha ako ng eight thousand sa bag ko at inabot sa kanya. Bigla kong naalala ang kotse kong bulok. Thirty five thousand daw para maayos lahat. 35 kyaw! Lecheng kotse.
Inabot sakin ni Aling Neli ang susi ng bahay. Wala daw siyang spare na susi kasi dinala ng dating nakatira kaya ipa-duplicate ko na lang daw ‘yun. Ibinaba ko ang bag sa sahig at nagtingin-tingin sa loob ng apartment. Halatang babae ang dating gumamit. Sinilip ko ang banyo. Maayos naman. Hindi ko malaman kung sa’n nanggagaling yung amoy. Pero mukhang nasasanay na ko dahil nagfe-fade na ito sa ilong ko. Binuksan ko na lang ang jalousie na bintana.
Kakaiba ang pakiramdam ko dito sa bahay. Para bang may nakatingin sakin. Umiling ako.
Ano ka ba? Ba’t mo tinatakot ang sarili mo?
Chineck ko ang cabinet at nakita ko sa pinakababang drawer ang mga surgical tools. Makinis pa. Tamang-tama. Di ko na kailangang bumili. Sa ilalim ng tool case ay may maliit na bag.
Binuksan ko ito at nakita ko ang ID ng dating nakatira.
Rachel dela Vega.
Cute siya. Sayang!
Inalis ko sa bag ang mga dala ko. Ilang T-shirt, pantalon, brief at medyas. Nilabas ko rin ang laptop ko. Kakaunti lang ang nadala kong gamit. Next week na lang siguro ako magdadala ng iba pa. Sinalansan ko sa mga bakanteng cabinet ang dala ko. Bigla kong naramdaman na tumitibok ang ulo ko. Shit, eto na naman ang migraine.
May kumatok sa pinto. Si Aling Neli, dala ang pillowcase at bagong bedsheet. Ayos! Makakapag-pahinga rin. Hindi ko na tinanggal ang lumang bedsheet, nilatag ko na lang ang bago. Pero pinagtyagaan kong palitan ng cover ang mga unan. Sobrang pagod na ko, next time na lang ako mag-e-effort na mag-imis.
Ang sakit talaga ng ulo ko. Hinanap ko sa bulsa ng bag ang mga gamot ko para sa migraine at ininom ito. Pinatay ko ang ilaw at nahiga sa kama. Mabilis akong inantok dahil sa magkahalong pagod at epekto ng gamot. Pero kahit na gano’n ay hinding hindi ko malilimutan ang unang gabi ko sa aking apartment.
Napanaginipan kong may nakatayo sa paanan ng aking kama.
Sobrang lalim ng tulog ko buong gabi kaya late na ‘ko nagising.
Buti na lang at alas-diyes pa ang first class ko ngayon. Dumiretso ako sa banyo. Medyo nagising ang dugo ko pagkatapos kong maligo. Gusto ko sanang magkape pero wala pa nga pala akong water heater, baso o kutsara man lang. Wala rin akong kalan. Hay, marami pang dapat bilhin.
Napatingin ako sa ng-iisang bagay na nakapatong sa lamesa: ang tuyong aquarium. Sayang naman kung itatapon lang. Makabili na nga rin ng isda mamaya. Kinuha ko ang bag ko na notebook na lang ang laman at inilagay ang laptop na nilabas ko kagabi. Paalis na sana ako nang maalala ko yung susi ng bahay. Sa’n ko nga ba pinatong ‘yun kagabi? Parang sa lamesa ko yata inilagay… pero wala dun…
Paikot-ikot ako sa loob ng aking studio-type apartment, hinahanap sa iba-ibabaw ang susi na yun. Kinapa ko rin ang pantalon na suot ko kahapon. Wala naman.
Asan na ba ‘yun? Napipikon na ko.
Binuksan ko ang cabinet ng damit. Wala rin.
Binuksan ko ang drawer sa pinakababa ng cabinet kung saan nakalagay ang mga surgical tools. Ayun!
Pa’no ‘to napalagay dito? Ah ewan. Malagyan nga ng keychain para madaling makita.
Paglapit ko sa pinto ay saka ko lang napansin. Hindi pala naka-lock ang doorknob. Baka hindi ko nai-lock kagabi? Buti na lang walang nanloloob dito.
Lumabas na ‘ko ng bahay at ni-lock ang pinto.
Inabot ni Mam Calapis ang resulta ng exam.
Badtrip! Pasang-awa lang!
Hindi kasi ako masyadong makapag-aral dahil inaatake ako ng migraine. Nakakaasar.
Naalala ko wala pa nga pala akong lutuan sa bahay kaya kumain na lang ako sa fastfood. Habang kumakain, hindi ko pa rin malimutan ang grades kong pababa nang pababa. Ang hirap naman kasi ng course ko! Parang gusto ko na tuloy sumuko.
Nagpunta ako ng pet shop at naghanap ng isdang pwedeng ilagay sa aquarium. Nakakatuwa kasi ang mga isda, may calming effect. Para bang pag pinanood ko sila habang naglalangoy e wala na akong ibang naiisip. Nawawala ang mga pinoproblema ko.
Ano kayang mapili? Mukang maganda ang arwana, pero mahal. Ok din yung hammerhead shark na pang-aquarium. Pero pinaka-nakakatuwa yung flowerhorn.
“Ate, magkano yung flowerhorn? Yung pinaka-malaki?” tanong ko sa tindera.
“Yung pinaka-malaki po three thousand,” sagot niya.
“What? Ang mahal pala…”
“Yun pong maliit, mura. Three hundred po,” tinuro niya yung pinakamaliit na flowerhorn.
Hindi pa masyadong lumalabas ang kulay nitong flowerhorn na ‘to. Pero sige na nga, ako na lang ang magpapalaki.
Binili ko ang isda pagkatapos ay sumakay ng jeep.
Pagdating sa compound, nakita kong naglalabas na naman ng pagkain sa lamesa sa may hardin si Miss Teacher. Walang kadala-dala. Mamaya mo susungkitin na naman ng pusa yang pagkain n’yo.
Dumiretso na ‘ko sa unit ko.
Nilabas ko ang susi sa bulsa ko, pero hindi na pala kailangan. Hindi naka-lock ang doorknob.
Weird. Tanda ko ni-lock ko to kanina bago umalis. Hay, grabe. Epekto yata ‘to ng gamot ko para sa migraine.
Makakalimutin na ako. Siguro dapat akong humingi ng bagong gamot.
Sinipat kong mabuti ang unit ko, baka naman may pumasok. Hindi naman kaya may magnanakaw dito? Pero mukang wala namang nawawala.
Binaba ko ang mga dala ko sa lamesa at dinala sa banyo ang aquarium. Hinugasan ko muna ito ng mabuti. Mukang matagal nang hindi nagagamit. Buti na lang maraming tubig sa plastic na pinaglalagyan ng isda kaya diretso ko na ‘tong nilagay sa aquarium.
Nagsisimula na namang sumakit ang ulo ko. Siguro dahil ang init ng panahon ngayon.
Uminom agad ako ng gamot. Pero next week kailangan kong humingi ng bagong reseta kay doc. Nagiging malilimutin na talaga ko. Nag-set ako ng alarm, 6 am dahil alas-siyete ang pasok ko.
Mabilis akong tinamaan ng antok kaya pinatay ko na ang ilaw at nahiga.
Naulit na naman ang panaginip ko. Isang tao ang nakatayo sa paanan ng aking kama.
Napabalikwas ako ng bangon.
Shit! Anong oras na? Hindi yata nag-alarm ang phone ko! Hinagilap ko ang phone sa kama. Wala!
Asan na ‘yun? Tumayo ako mula sa kama at hinanap ang relo ko sa cabinet. Pakshit, alas otso na! Absent tuloy ngayon! Nasan na ba ‘yung lintek na celphone na ‘yun?
Na-ispatan ko ang phone ko sa sahig. Hiwa-hiwalay ang phone, battery at back case.
Nabagsak ko ba ‘to? Kaya pala hindi nag-alarm! Buti na lang at hindi nasira. Kinabit ko ulit ang battery at back case. Buti na lang at gumagana pa.
Nagdiretso ako sa banyo. At least maaga ako ngayon para sa next class. Pfft.
Pagkatapos maligo at magbihis ay inayos ko na ang dadalhin kong gamit. Nasan na ba ‘yung bag ko? Wala sa mesa. Wala sa kama.
Ayun! Nasa loob ng cabinet pala. Bakit ganun? Di ko naman ‘to nilagay dito?
Hay naku saka na nga pag-isipan ‘yan. Kelangan ko nang umalis.
Pagdating ko sa building namin, nasa harapan ang mga kaklase ko. Kakatapos lang ng klase at naghihintay na sila para sa next class namin.
“Tol, ba’t di ka pumasok kanina?” tanong ng isa.
“Di nag-alarm phone ko eh. Nag-quiz ba?” Sana hindi.
“Hindi naman, swerte mo!”
Nakahinga ako ng maluwag.
“Fred!”
Lumingon ako at nakita ko si Jena, blocmate ko. May dala s’yang maliit na hawla ng ibon. Siya ang classmate kong pinaka-mahilig sa hayop. Siya nga lang yata ang hindi nagsisisi na vet ang kinuha niyang course. Halos lahat kami gusto nang umurong dahil sa hirap nito.
“Eto o!” inabot niya sakin ang hawla ng ibon. Napansin kong may isang itim na ibon sa loob. Mynah.
“Dalhin mo sa bago mong apartment! Para may kausap ka pag umuuwi ka hehe…”
“Joke ba ‘yan?” tanong ko sa kanya. Makulit kasi itong si Jena. Minsan kapag nakakakita siya ng mga hayop na hindi naaalagaan ay inuuwi niya ito sa kanila. At minsan ay pinapamigay niya sa mga marunong mag-alaga.
“Mukha ba ‘kong naghahanap ng kausap sa gabi? Ayoko n’yan, maingay ‘yan eh. Tsaka meron na ‘kong isda.” sagot ko.
“Nahihimas mo ba ang isda? Na-imik ba ‘yon?” mataray n’yang sagot. “Sige na naman, please. Medyo marami na kaming alagang mynah, kaya ikaw na lang mag-alaga nito. Kahit temporary lang, ihahanap ko muna ng bagong loving owner.”
Napakamot ako sa ulo. Sigurado akong hindi niya ako titigilan hanggat hindi ko tinatanggap ang ibon.
“Sige na nga, pero temporary lang ha! Iwan muna natin kay manong guard, baka masita pa tayo ni Ma’m.”
“Ok!”
Bigla kong naalala, hindi ko nga pala napakain yung isda ko. Deym, sobrang malilimutin ko na. Pumasok na kami sa loob ng building.
Akala ko ay nalimutan ko na namang i-lock ang pinto ng bahay.
Buti na lang at hindi. Nakakatakot na kasi ang pagiging malilimutin ko. Minsan iniisip ko baka nagde-develop na ko ng Alzheimer’s. Pero sa pagkaka-alam ko eh para sa matatanda lang ‘yun. Oh well.
Tiningnan ko ang mynah sa loob ng hawlang bitbit ko. Kanina pa ko pinagtitinginan ng mga tao sa jeep. Ang ingay kasi nito. Hanggang ngayon hindi pa rin s’ya tumitigil kaka-huni at kakasigaw ng “pangit!” Sino ba’ng nagturo dito?
Hindi ko ‘to pwedeng ilagay sa loob ng bahay. ‘Pag inatake ako ng migraine tapos nag-iingay ‘to, baka kung ano pang magawa ko.
Naghanap ako ng masasabitan sa labas ng unit ko. May hook sa may kisame, siguro dating lalagyan ng wind chime. Pwede na ‘to.
Tinesting ko muna kung matibay. Mukang ok naman kaya sinabit ko na ang hawla. Naglagay ako ng patuka at tubig sa loob ng hawla.
“Wag kang maingay ha,” sabi ko habang naglalagay ng pagkain.
“Pangit!” sigaw ng ibon.
Aba’t siya na nga ang binigyan ng pagkain!
Pumasok na ko sa loob ng bahay bago pa ko mapikon. Ibinaling ko naman ang atensyon sa aquarium. Kawawang isda, mapakain na nga. Kumuha ako ng fishfood at hinulog sa aquarium.
Wala ang isda! Pa’no nangyari yun?
Tiningnan ko ang lamesa pati ang sahig. Baka nakatalon palabas! Pero walang flowerhorn kahit saan. Sa’n napunta ‘yun?
Napatingin ako sa jalousie. Bukas ang bintana. Siyete, baka may pumasok na pusa! Hay naku naman! Sayang tuloy ang three hundred ko.
‘Yan na naman, sumasakit na naman ang ulo ko. Sobrang dalas kong atakihin ng migraine ngayon. Kailangan ko nang uminom ng gamot pero wala pang laman ang tyan ko. Kumagat ako ng isa sa burger na binili ko sa Mcdo. Sumubo din ako ng konting fries. Ok na ‘to, pwede nang uminom ng gamot. Ibinalik ko sa paperbag ang burger at fries na hindi ko nakain. Pwede sigurong pang-umagahan na lang.
Pagkainom ng gamot ay pinatay ko na ang ilaw at nahiga na ko. Mabilis akong nakatulog, pero this time, wala akong panaginip.
“Number 15!” tawag ng nurse.
Tumayo ako sa kinauupuan ko. Halos dalawang oras na rin akong naghihintay para sa check-up ko kay Doctor Magboo. Pagpasok ko ng office ni doc ay nakita kong binabasa niya ang files ko.
“Maupo ka Fred. Kumusta ang pakiramdam mo?”
“Medyo madalas po akong atakihin ng migraine, doc. Tsaka po nagiging malilimutin na ‘ko. Sobra.”
Tumaas ang kilay ni doc.
“Supposedly hindi magkakaroon ng ganoong effect ang gamot mo.”
“Pero doc weird po talaga eh. Minsan po pagka-gising ko, sigurado akong nilagay ko ang susi sa lamesa, biglang nasa cabinet. Sigurado ako, ni-lock ko ang doorknob, pag-uwi ko, hindi naka-lock. ‘Yung mga ganung bagay po. Tsaka kagabi kumain lang ako ng konting burger at fries, sure ako nilagay ko sa lamesa, pero pag-gising ko, wala na po.”
“Baka naman nagsi-sleepwalk ka. Pag ba gumigising ka, medyo disoriented ka? Or pag sa klase mo, medyo inaantok ka?”
Napa-isip ako.
“Minsan po, pero hindi naman palagi, doc. Ano po bang nangyayari pag nagsi-sleepwalk?”
“Well, minsan nagagawa mo yung activities na normally ginagawa mo pag gising, like eating. Ang usual causes ay stress, pwede ring hereditary. Pwede rin namang cause yung medication mo, although wala pang ganyang side effect in the past. Ganito na lang, bigyan kita ng ibang reseta. Let’s see if your case will improve.”
Nagsulat siya ng bagong reseta at inabot sakin.
“Come back next week, let’s see how it goes, ok?”
Nagpaalam na ko kay doc. Sana nga ay mas maging ok na ko ngayon. Ang weird kasi. Bigla kong naalala ‘yung dating nakatira sa bahay. Rachel dela Vega. Sabi ni Aling Neli nung isang araw eh may pagka-weird daw ‘yun. Hindi kaya it’s something with the unit?
Kinilabutan ako. Dapat hindi ko tinatakot ang sarili ko ng ganito, mag-isa pa mandin ako dun at wala na kong malilipatan.
Nagre-review ako para sa exam bukas nang mag-ring ang cel ko.
Si Jena.
“Heyo!” sagot ko.
“Hi Fred! Busy?”
“Medyo. Nagre-review ako para sa exam bukas. Kelangan magpataas ng grade eh, kundi baka i-singko ako ni Mam Calapis!”
Tumawa siya. “For sure, kaya mo yan! Anyway, napatawag ako kasi nakahanap na ko ng loving owner ng mynah na nasayo.”
Yes! Sa wakas! Nakaka-asar na ‘tong mynah na ‘to, wala nang ibang alam kundi tumawag ng pangit!
“Great! Sige dalhin ko bukas. Bye!”
Ginanahan akong ituloy ang pag-aaral ko. Kahit hatinggabi ay humuhuni pa rin ang mynah. Ang ingay! Pero di bale, titiisin kita ngayong gabi dahil huling gabi mo na sakin! Haha!
Alas-dos na nang makaramdam ako ng sakit ng ulo. Sabi nga pala ni doc nung isang linggo ‘wag masyadong magpaka-puyat. Uminom ako ng bago kong gamot at pinatay ang ilaw. Sana hindi na ko mag-sleepwalk ngayong gabi. Nakatulog ako agad.
Pagka-gising ko kinabukasan, feeling refreshed ako. Hindi tulad nung mga nakaraang araw. Nagising rin ako on-time kahit pa hindi ako nagpa-alarm.
Naligo agad ako at nagbihis. Inayos ko rin ang gamit ko, ready na for exam. Dahil maaga pa, pwede akong magreview sa room. Lumabas na ko ng bahay at siniguradong naka-lock ang doorknob. Para super sure, binuksan ko ulit ito gamit ang susi, pagkatapos ay ni-lock ulit. Tinesting ko ang doorknob. Ok, naka-lock na talaga.
Nilapitan ko ang hawla. Hay salamat, may mag-mamay-ari na sa’yo. Himala, tahimik ka ngayon.
Sinilip ko ang mynah, natutulog pa yata. Tinanggal ko sa hook ang hawla, pero hindi pa rin nagigising ang ibon. Tiningnan ko ito ng mabuti.
Nakasabit ang walang buhay na ibon sa duyan niya, bali ang leeg. Pakshit.
Pagkatapos na pagkatapos ng exam ay nagpunta agad ako sa clinic ni Doc Magboo.
Late na ko dumating sa exam at maaga akong umalis para hindi ko kailangang kausapin si Jena. Hindi ko alam kung pa’no ko ie-explain sa kanya na patay na ang ibon niya at kung paano ito namatay.
“Miss, anjan po ba si Doc Magboo?” may konting panic na sa boses ko.
“Ay Sir opo, pero maupo muna po kayo kasi marami pang pasyente. Kukunin ko lang po ang file niyo.”
“Miss pakisabi na lang kay doc importante!” halos sumigaw na ko.
Nagulat ang nurse. Nagtinginan ang ibang pasyenteng nakaupo. Sinabihan ako ng nurse na huminahon muna, kakausapin lang daw niya si doc. Pumasok siya ng office ni Doc Magboo. Hindi ako mapakali kaya pabalik-balik akong naglakad sa may pintuan. Kailangan kong makausap agad si doc. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Masama na ‘to.
Lumabas ang nurse kasabay ng isang pasyente.
“Thank you po, doc!” pahabol ng pasyente kay Doctor Magboo.
Tinanguan ako ng nurse. Agad naman akong pumasok sa loob at sinara ang pinto.
“Oh Fred, maupo ka muna. Bakit nagmamadali ka, sa isang araw pa ang schedule mo, ‘di ba? Ano bang nangyari?”
“Doc, naguguluhan na po ako. Ok naman po ako nitong mga nakaraang araw pero kaninang umaga…. kaninang umaga nakita ko pong patay yung ibon na inaalagaan ko!”
Medyo naguluhan si doc.
“Anong sinasabi mo? Fred ‘di ba vet ang course mo? Kung anuman ang nangyari sa ibon, ikaw ang mas nakakaalam nun kesa sakin.”
“Doc, bali po yung leeg nung ibon! Halatang pinatay po! Imposible pong pusa ang gumawa nun. Tsaka naalala ko kagabi, inis na inis ako sa ibon kasi ang ingay niya. Doc, baka po ako ‘yung gumawa nun!” nanlalaki ang mata ko. Base sa mga nabasa ko dati pa, pag pumatay ka ng hayop, may malaking tendency na maging psychopath ka! Ano bang nangyayari sa’kin?
Nilapitan ako ni doc at hinawakan sa magkabilang braso.
“Fred, kumalma ka! Eto, uminom ka muna ng tubig.” Inabot niya sakin ang baso na hawak ng nurse. Ni hindi ko man lang napansin na pumasok na pala ang nurse sa loob ng office ni doc.
“Hindi pa tayo sigurado kung ikaw nga ang gumawa no’n. Baka meron kang kapitbahay na sobrang naingayan sa ibon. Let’s not jump into conclusions, ok?” mahinahon niyang sabi.
“Pero doc, baka kailangan ko nang magpa-psychologist? Or psychiatrist? Baka pinatay ko yung ibon habang nagsi-sleepwalk ako!”
“Nonsense! Look, I really believe na ok naman ang mental health mo. Ganito na lang, para ma-verify natin kung talagang nagsi-sleepwalk ka nga ay i-video mo ang sarili mo na natutulog. You can use a camera or maybe your laptop. Bago ka matulog ay i-set mo muna ang camera. If you can’t sleep with the lights on, make sure kaya ng camera mo ang night vision.”
I-video ang sarili ko? Pa’no kung may magawa nga akong kakaiba? Shit, ano ba ‘to?
Pumayag ako sa gusto ni doc. Pinainom muna nila ko ng gamot (pampakalma siguro?) at pinagpahinga sa isa sa mga rooms. Hindi naman ako nakatulog, pero kahit pa’no ay hindi na ako nagpa-panic.
Pinauwi na rin ako nang bumuti na ang pakiramdam ko.
Pagdating ko sa compound ng apartment ay sinalubong agad ako ng tahulan ng aso. May dalawang asong nakatali sa tapat ng bahay ni Miss Teacher. Saktong sumilip sa pintuan niya ang kapitbahay ko.
“Ah, ikaw pala. Akala ko kung sino.” sabi niya.
Ngumiti lang ako.
“Dinala ko dito yung mga alaga naming aso sa bahay. Baka sakaling mahuli ko ‘yung magnanakaw ng pagkain. Ha ha ha!” tuwang tuwa siya sa naisip niya.
Mas paranoid pa yata siya kesa sakin.
“Shh!” sinuway niya ang mga aso niyang hindi pa rin tumitigil sa pagtahol. Walang epekto, tinatahulan pa rin nila ‘ko. Naglakad na ‘ko pauwi sa unit ko.
Chineck ko ang doorknob. Locked. Nakahinga ako ng maluwag.
Pagkapasok sa loob ng bahay ay parang nakaramdam agad ako ng pagod. Dahil sa pagpa-panic ko buong araw, napagod ako ng sobra. Wala akong ganang kumain.
Nilabas ko ang laptop sa bag ko at sinet ang video recording option. Hindi ko na lang papatayin ang ilaw para sure. Ipinatong ko sa ibabaw ng lamesa ang laptop at sinigurado kong nakaharap sa kama ko ang built-in camera.
Kinabit ko ang plug para siguradong hindi ito malo-lowbat.
Naririnig ko pa rin ang malakas na tahol ng mga aso. Hindi pa rin sila tumitigil. Nakakasakit ng ulo!
“Shheee!” sigaw ko para mapatigil ang pagtahol. Walang epekto.
Nagtanggal ako ng sapatos at nahiga agad. Ipinatong ko ang isang unan sa muka ko para hindi ko masyadong marinig ang ingay ng aso, at para na rin matakpan ang mga mata ko dahil hindi ako sanay matulog nang bukas ang ilaw.
Sana… sana… sana’y wala akong gawing masama…
‘Yun ang paulit-ulit na pumapasok sa isip ko hanggang sa makatulog ako.
Nagising ako sa sunod-sunod na malakas na katok sa pintuan.
Parang gusto nang gibain ng kung sino mang kumakatok ang pintuan. Pumupungas pa akong naupo sa kama. Pag hawak ko sa aking hita, parang may malagkit.
Pilit kong ginising ang inaantok kong mga mata at tiningnan ang aking kamay.
Dugo!
Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Tumingin ako sa aking paligid. Sa kama. Sa sahig. Sa cabinet. Pati sa katawan ko at sa aking mukha. Puro bahid ng dugo. Sobrang daming dugo na halos kulay kalawang na dahil sa pagkatuyo.
May kumatok ulit sa pinto. Mas mabilis at mas malakas ang katok.
Oh shit. Oh shit. Oh shit.
Pumipintig ang utak ko na para bang nasa ulo ko na ang puso ko. Shit, anong ginawa ko?
Katok ulit. Halatang buong kamao na ang gamit ng kung sino man ang nasa labas.
“Fred, buksan mo ‘tong pinto! Alam naming nariyan ka. Mga pulis kami!”
Pakiramdam ko ay naubusan ako ng dugo sa sinabi niya.
Dugo. Pulis. Putang ina.
Lumingon ako sa banyo. Masyadong maliit ang bintana para lumabas. Pagbukas ko kaya ng pinto, makakatakbo pa kaya ako? Ano ba ‘tong naiisip ko? I need a lawyer!
Tumayo ako at dahan-dahang lumapit sa pinto. Muntikan pa ‘kong madulas dahil sa dugong naka-kalat. Nang makalapit sa pinto ay napansin kong pati ang doorknob ay may dugo din. Napapikit ako.
Makukulong ba ‘ko? Mapupunta sa mental?
“Fred, buksan mo ‘tong pinto!” utos ng nasa labas.
Kinuha ko ang dulo ng t-shirt na suot ko para hawakan ang doorknob. Kahit pa nagkalat ang dugo sa buong bahay, ayoko pa ring hawakan. Marahan kong binuksan ang pinto. Bahagya pa kong nagtago sa likod niyon para hindi nila makita ang itsura kong nanlilimahid sa pulang likido.
Dalawang pulis ang nakatayo sa may pintuan, pero may dalawa pang nakatayo sa ‘di kalayuan. Kausap ng dalawang nasa malayo si Aling Neli at si Miss Teacher. Nang makita ako ni Miss Teacher ay umakto siyang susugod, pero pinigilan siya ng isa sa mga pulis.
“Walangya ka!” sigaw ni Miss Teacher.
Pinagtitinginan ako ng iba ko pang kapitbahay na nagsilabasan para maki-usyoso. Lahat sila ay nagulat nang makita ako. Ang iba ay takot, ang iba ay parang galit. Napatungo na lang ako. Ayokong salubungin ang mga tingin nila.
Pero mas nahindik ako sa nakita ko sa lupa sa may labas ng pintuan. Marami pang dugo. Pati ang pintuan ay may bahid ng dugo. Isang naghuhumiyaw na krimen. Ano bang nagawa ko?
“Iho, mabuti pa ay pumasok muna tayo sa loob.” Sabi ng isa sa mga pulis na kumatok sa pintuan ko.
Kahit atubili ay tumango ako. Ano pa bang magagawa ko? Eto na ang lahat ng ebidensyang kailangan nila. Nasa loob at labas ng bahay ko. Nasa katawan ko. Nasa mga kamay ko.
Pumasok ang dalawang pulis sa unit ko. Sinara ng isa ang pinto. Minasdan nilang mabuti ang loob ng bahay.
“Ako nga pala si Inspector Reyes, siya naman si SP01 Mendoza,” pagpapakilala nila.
Para naman akong pipi na tumango lang. Hindi ko na yata kayang magsalita. Sabi ko na kasi kay Doc Magboo!
“Toy, pwede mo bang sabihin samin kung ano ang ginawa mo at bakit mo ginawa ‘yon?” sabi ni Mendoza.
Napatingin lang ako sa kanila. Umiling. Hindi ko po alam! Sigaw ng utak ko.
Bumuntong-hininga si Inspector.
“Sige kung ganon ay sumama ka na lang muna samin sa presinto ha. Hindi ko pa sigurado kung anong magiging kaso mo, pero malamang animal cruelty.”
Animal cruelty?
“Po?” biglang nahanap ko ang boses ko.
Nakahalata siguro ang mga pulis na naguguluhan ako.
“Iho, labag sa batas ang manakit ng hayop, lalo na sa paraang ginawa mo. Sabi ng landlady mo Vet Med daw ang course mo. Dapat alam mo ‘yan,” pag-e-explain ni Inspector Reyes.
Pero lalo lang akong naguluhan sa sinabi niya.
“Sir, pasensya na po kayo, pero hindi ko po talaga alam kung anong nagawa ko,” sagot ko.
Nagkatinginan ang dalawang pulis. si SP01 Mendoza ang nagpaliwanag.
“Tumawag sa pulisya ang kapitbahay mong may-ari ng dalawang aso. Natagpuan silang patay sa harap ng bahay niya. Puro may hiwa sa katawan at labas ang laman-loob. Clean cut ang mga hiwa kaya kung hindi man matalas na kutsilyo pangkusina ang gamit ng salarin ay baka surgical knife. Bukod sa maraming dugo sa harap ng bahay mo eh vet med ka, so malamang ikaw ang gumawa no’n.”
“Lumalabas na threat para sa may-ari ng aso ang ginawa mo, kaya kailangan ka naming dalhin sa presinto. At isa pa, cruelty to animals nga,” pagpapatuloy naman ni Inspector Reyes. “Isasama ka namin sa presinto para makapag-bigay ka ng statement. Pero mas mabuti siguro kung maglinis ka muna ng katawan.”
Pumayag ako. Wala naman akong magagawa. Pero anong sasabihin ko? Na hindi ko alam kung anong nangyari? Na sa totoo lang nagdududa na ko sa sarili ko? Na may tendency nga yata akong maging isang psychopath? Shit naman.
Binuksan ko ang aking cabinet at kumuha ng malinis na damit. Napansin kong medyo nakabukas pala ang pinaka-ibabang drawer. Nakita rin ito ni Inspector.
“Buksan mo,” utos niya.
Binuksan ko ang drawer at nakita kong may konti ding dugo sa loob niyon. At nakita ko ang isang surgical knife na may bahid pa ng dugo ang dulo. Alam kong pareho kami ng naisip ni Inspector: na ito ang ginamit ko para patayin ang mga aso.
Nagpalit ako ng damit sa loob ng banyo, habang medyo nakabukas ang pinto para daw siguradong wala akong gagawing kung ano.
“Bukas ang laptop mo?” tanong ni Mendoza paglabas ko ng banyo.
Bigla kong naalala. Oo nga pala, ni-record ko ang pagtulog ko. Tutal ay sasabihin ko rin naman sa statement ko ang tungkol dito, ok lang sigurong sabihin ko na rin ngayon.
“Opo, ni-record ko po kasi ang pagtulog ko sabi ng doktor ko. May hinala po kasi akong naglalakad ako habang tulog.”
Tumango-tango si Mendoza. “Baka pwede nating tingnan.”
Pumayag ako. Bigla rin kasi akong na-curious kung ano ba talaga ang ginawa ko.
Pinatigil ko na ang pagre-record ng video. Katabi ko si Mendoza habang nasa likuran namin si Inspector nang i-play ko ang video. Dahil walong oras ang na-record ay ini-speed up ko ang pagpe-play ng eight times.
Nakita ko ang sarili kong nagtanggal ng sapatos at nahiga sa kama. Nagtakip ng muka. Bumaling-baling sa kama. Malikot ang pagtulog. Paulit-ulit lang sa unang apat na oras ng video.
Sa ika-limang oras ng video, pare-pareho kaming nagulat ng mga pulis sa aming nakita. May isang taong gumapang palabas ng aking kama!
Madumi ang balat at damit nito, para bang taong grasa. Para siyang hayop kung lumakad, nakalapat sa sahig pati ang kanyang mga kamay. Payat na payat ang kanyang mga braso at binti. Dikit-dikit ang kanyang nanlilimahid na buhok. Humpak ang kanyang pisngi. At kitang-kita sa kanyang mga mata na tinakasan na siya ng bait.
Pero kahit pa nag-iba ng itsura, nakilala ko agad ang babae. Nakita ko na ang picture niya. In fact, ang ibang gamit dito sa bahay na ito ay kanya. Si Rachel dela Vega, ang nawawalang vet student.
Kitang-kita ko nang lumapit siya sa natutulog kong sarili. Inamoy-amoy niya ang aking kamay at mukha. Nilaro ang aking mga paa. At ako naman ay gumalaw lang para umayos ng higa. Ni hindi ako nagigising!
Kinuha niya ang cell phone sa may ulunan at pinindot-pindot iyon. Nang magsawa ay iniwan na lamang niya ito sa sahig. Nilapitan niya ang aking bag at kinuha. Naupo siya sa may sulok at sinilip ang laman ng bag. Nang magsawa ay iniwan na lang niya ulit sa kung saan ang bag.
Ngayon alam ko na. Hindi pala ako makakalimutin. Sadyang may gumagalaw ng gamit ko. Hindi ko alam kung dapat ba ‘kong matuwa sa na-diskubre ko.
Sa video ay biglang lumingon-lingon si Rachel sa bintana at sa pintuan.
“I-play mo ng normal,” utos ni Mendoza. Sinunod ko agad.
Dinig namin ang mga pagtahol ng mga aso. Mukang nainis ang taong-grasa sa ingay. Lumakad-gapang siya papunta sa cabinet at binuksan ang drawer. Kinuha niya ang surgical knife. Surgical knife!
Nagtungo siya sa pintuan at lumabas. Lumakas ang kahulan ng mga aso.
“I-fast forward mo ulit,” sabi ng pulis. Sumunod ako.
“Hep!” pagpapatigil ni Inspector Reyes sakin nang makita niyang bumukas ulit ang pinto at pumasok ang taong grasa. Pinabalik ko sa normal na speed ang pagpe-play.
Duguan ang buong katawan ni Rachel: ang kanyang mga binti, kamay at mukha. At hindi na namin naririnig ang pagtahol ng mga aso. Isinara niya ang pinto at nagdiretso sa cabinet. Ibinalik ng baliw ang surgical knife sa drawer. Ngumunguya siya. Ano kayang kinain niya? Pilit kong inalis sa isip ang na-imagine ko.
Ibinalik niya ang atensyon sa akin na natutulog pa rin. Ang tindi kong matulog! Katulad kanina ay inamoy-amoy niya ang kamay ko, pagkatapos ay hinawakan. Hinaplos din niya ang aking paa, binti, hita. Nagkalat na ang dugo.
Maya-maya ay gumapang siya pabalik sa ilalim ng kama. Ni hindi man lang niya kailangang iurong ang mga kahon para maka-suot sa ilalim. Halatang sanay na sanay na siya.
Sa dilim ng ilalim ng kama, hindi ko na siya makita sa camera.
Pinabilis ko na ulit ang pagpe-play ng video, inaabangang lumabas ang taong grasa. Pero hanggang sa nagising ako, hanggang sa halos madulas sa paglalakad sa duguang sahig, hanggang sa pumasok ang mga pulis, hindi na siya lumabas pa sa ilalim ng kama.
Ang ilalim ng kama na kahit kailan ay hindi ko naisip linisin man lang.
Tumayo ang mga balahibo ko sa batok.
Nagkatinginan ang dalawang pulis, at pagkatapos ay dumapo sa akin ang paningin nila. Nilabas ni Inspector ang kanyang baril, habang dahan-dahan namang inilabas ni Mendoza ang kanyang baton. Ako naman ay marahang umipod palayo.
Ngunit parang alam ng taong grasa kung ano ang mangyayari. Mabilis itong gumapang palabas at sinungaban si Inspector. Kinalmot nito ang braso at mukha ng pulis. Nadulas si Inspector Reyes sa dugo sa sahig at nabitiwan ang kanyang baril. Pumaimbabaw sa kanya ang baliw at patuloy ito sa pagkalmot sa kanyang pisngi, ilong, mata. Ako naman ay sumiksik sa sulok ng kwarto, takot na madamay.
Si Mendoza naman ay dali-daling hinampas ang mga kamay ng baliw upang mapigil ito. Waring nasaktan ang mga braso nito at agad ibinaling ang tingin kay Mendoza. Bago pa man niya masunggaban ang pulis ay agad na iwinasiwas ulit ng pulis ang kanyang baton at tinamaan ang taong grasa sa ulo. Ngunit bago pa man mawalan ng malay si Rachel ay tumingin ito sa akin na para bang nag-aaakusa. Na para bang pinagtraydoran ko siya.
Bigla akong nahilo. Napaluhod ako sa sahig at nagsuka. Isinuka ko ang laman ng aking sikmura hanggang sa nalalasahan ko na ang pait. At nagdilim ang aking paligid.
Mahigit isang linggo na ang nakalipas nang makuha ang babaeng nasa ilalim ng aking kama.
At napag-alaman namin na ito ay walang iba kundi ang dating nakatira na si Rachel dela Vega. Hindi pala talaga siya umalis. Nawala siya sa kanyang sarili at ginaya ang mga hayop na pinag-aaralan niya. Sobrang pressure o sobrang pag-aaral? Maaaring pareho.
Pero nagpapasalamat ako at tapos na ang lahat. Sa wakas, magiging normal na ulit ang buhay ko. Kinuwestiyon ng mga pulis si Aling Neli kung bakit hindi ni-report ang pagkawala ni Rachel, pero ang palusot niya ang akala niya ay tumakas lamang ito sa bayarin. Simula noon ay naging mas mabait na siya sakin. Hindi na rin siya masyadong nangungulit tungkol sa pera.
Maayos na rin ang amoy ng apartment. Matapos ko itong linisin at ibigay sa pulis ang lahat ng gamit ng dating nakatira, naging maaliwalas na ang lahat. Nawala na rin ang pag-aalala ko na baka nababaliw na ako dahil sa pagiging malilimutin o pagkawala ng mga gamit. Wala na akong naging balita sa nangyari kay Rachel.
Hindi na rin ako halos mina-migraine. Pero minsan ay bumabalik ang pamilyar na pagtibok sa ulo ko, lalo na ngayon.
May naririnig akong pag-iyak at kaluskos o pagkaskas sa labas ng aking pintuan. Binuksan ko ito at tumambad sakin ang isang kuting. Hindi pa nito halos maimulat ang mga mata. Siguro’y iniwan ito ng inahing pusa para mamatay. Ganoon talaga ang mga ito kapag hindi pa handa sa pagkakaroon ng anak.
“Kawawa ka naman. ‘Wag kang mag-alala, ako ang bahala sa’yo.”
Pinulot ko ito at ipinasok sa loob ng apartment. Ni-lock ko ang pinto.
“Kawawang kuting, umiiyak para sa kanyang ina.” Hinimas-himas ko ang ulo at katawan nito. “Pero nakakarindi ang ngiyaw mo.”
Agad kong binali ang leeg ng kuting. Ah, ang sarap pakinggan ng paglagutok ng buto. Sa wakas, tumigil na ito sa pag-iyak.
Images shown are Public Domain or under Creative Commons by the following:
StockSnap, Dipankan001, KlausHausmann, George Hodan, geralt
- Bulong ng mga Diwata - March 1, 2024
- Tahanan - November 27, 2021
- Separation Anxiety: A Mother and Child Story - October 3, 2021