Kabilaan
Ako ay gabi, habang ikaw ay araw
ako’y pinasasaya mo kapag napapanglaw
Dinadalaw mo ang aking iniiwan
pinadadalas mo rin ang minsan
Nagiging tama ang bawat mali
kapag simangot ko’y iyong nginingiti.
Di kaya ito ‘yung tinatawag na pag-ibig
kung saan tayo’y kabilaang nananalig?
Lipad ko’y mababaw; langoy mo’y malalim
ika’y nahihimbing sa tuwing ako’y nagigising
Ang magaslaw ko ay s’ya mong mahinhin
ang ayaw ko naman ay s’ya mong hinihiling
Lahat nang malumanay ay biglang sumisidhi
kapag iyong tinutuwid ang aking binabali.
Di kaya ito ‘yung tinatawag na pag-ibig
kung saan tayo’y kabilaang nananalig?
Anong hiwaga at palaisipan
mayroon ang ating pagsasamahan?
Tuwing susubukin kong maunawaan
ay lalo lamang naguguluhan.
Landas man natin ay magkaiba
patutunguhan naman ay iisa;
Di kaya ito ‘yung tinatawag na pag-ibig
kung saan tayo’y kabilaang nananalig?
Ang aking wakas ang s’ya mong simula
at iyong tinitiyak ang aking mga hinala
Ang bawat lungkot ay nagiging tuwa
tuwing iyong nahahanap ang nawawala.
Katulad natin ang araw at gabi;
tayo’y nagtutugma kahit na salisi
Ito nga kaya ‘yung tinatawag na pag-ibig
kung saan tayo’y kabilaang nananalig?
Public Domain Image Day and Night Contrast
- Ang K’wento ni T’nalie - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022