Pag-iisa 3 (Awards Night)

Pag-iisa 3 (Awards Night)

Nais kong pasalamatan

Ang mga binti ko at talampakan

Sa palagiang pag-alalay

Sa oras ng pangangailangan

Dahil sa inyong suporta

Ako’y nakatayo sa sariling mga paa

 

Tumatanaw din ako ng utang na loob

Sa aking nakukubang gulugod

Ikaw ang sandalan kong lubos

‘Pag ang mundo sa aki’y tumatalikod

Sa’yo ako laging umaasa

Kapag ako’y nalulugmok sa problema

 

Inaalayan ko naman ng mga palakpak

Ang pinagkakatiwalaan kong mga balikat

Gumagaan ang lahat ng mabigat

‘Pag iniatang ko sa inyo ang aking mga buhat

Karangalan kong kayo’y makitang

Palaging nandiyan sa gabi at umaga

 

Gusto ko ding ipagbunyi

Lahat ng aking mga daliri

Sa pagpawi ng luha ko sa pisngi

At pagdamay sa akin sa pagbibilang ng sandali

Hangad kong sa tuwi-tuwina

Tumagal ang ating pagsasama

 

At sa mga ngipin kong mapuputi

Kayo ang nagpapatamis ng aking ngiti!

 

CC0 Creative Commons Image by 3dman_eu
Ang tulang ito ay bahagi ng koleksyon na pinamagatang “Tilamsik ng Haraya“. Mada-download ng libre ang e-book na ito dito sa aming website.
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply