Pasyong Mahal sa Koronang Tinik
Aba, Ginoong Pandemyang
punumpuno ng disgrasya,
pasakit mo’y sobra-sobra
sa kalusugan at bulsa
ng hikahos na balana.
Itong koronang matinik,
walang katulad ang bagsik,
parang latigo humaplit.
Iwaksi man nang mabilis
laksang hapdi’ng ibabalik.
Ang Hari naming magaling,
sa kapangyariha’y lasing
kayâ inaantok pa rin.
Binihag na ng salarin,
madla pa ang dinidiin.
D’yos por Santong milagroso,
kami po’y namemeligro
sa virus at pulitikong
nagdudulot ng deliryo
sa aligagang publiko.
Mahal na Ina ng Awa,
kami ngayo’y lumuluha
sapagkat itong biyayang
panlaman sa ‘ming sikmura,
kinukupit ng walang’ya.
O Krus na tagapagligtas,
nawa po peste’y lumipas
at korona mo’y ilipat
sa tiwali at sa Hudas
sa ami’y nagpapahirap.
Public Domain Image Jesus Christ God Holy Spirit
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022