Sa Habang Panahon
Tulad mo’y bulaklak sa gitna ng hardin
na dagling pinitas matapos mapansin
Subalit sa halip na ika’y samyuhin –
kinuyom sa kamay; pinigang mariin.
Naiwan kang sira; talulot mo’y lagas,
ang hardi’y nalunod sa luha mong katas.
Umihip ding sunod ang hanging malakas
at ika’y napadpad sa lupang marahas.
Sa halip maluoy at saka mabulok,
ikaw ay nagbangon sa pagkakayupyop.
At doon sa lusak ng pagkakalugmok
samyo ng pag-asa ay iyong tinampok.
Sa iyong talulot bumukal, sumibol
ang mga bulaklak na magpapatuloy
sa pamamayagpag ‘di lang buong taon:
hahalimuyak din sa habang panahon.
Public Domain Image Flower Art 4
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022