Ang Kalungkutan

Ang Kalungkutan

Ang kalungkutan

ay parang kaibigang

matagal nang napawalay

Bigla siyang daratal

nang ‘di mo namamalayan.

Tatawagin ka niya

nang walang abiso

sa gitna ng pagpapahinga

o sa tambak ng trabaho.

At bigla mo na lang matatagpuan

ang sarili mong s’ya’y kayakap

at magiliw na kausap.

Yayayain ka niyang sariwain

ang mga kapanapanabik na sandaling

kaytagal mo nang hindi nadarama.

Aakayin ka rin niyang alalahanin

ang mga taong hindi nakakapiling.

Inyo ring mapag-uusapan

mga tagumpay at kabiguang

parang buhos ng ulan

kung iyong maranasan.

Kagyat kang magtataka

sa kanyang pagdalaw

ngunit iyo ring makikitang

kayo’y nagkakaunawaan.

At sa sandaling siya’y magpaalam

Hihimukin ka niyang

sa kanya’y sumama

Mamumukat mo na lamang

magkasama na kayong naglalakad

at magkadaupang-palad

sa lansangang mapanglaw

na kayo lang ang nagdaraan.

 

Image Chester Bennington Plays his Guitar by Suran2007
Ang tulang ito ay bahagi ng koleksyon na pinamagatang “Tilamsik ng Haraya“. Mada-download ng libre ang e-book na ito dito sa aming website.
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply