Ang Palaboy

Ang Palaboy

Siya’y palaboy, walang mapuntahan

Walang pamilya o tahanan

Naghahanap, nangungulila

Sa pagmamahal at pagkalinga

 

Nakatingala sa mga dumaraan

Sa pagtingin, gutom ba’y nababawasan?

Naiibsan ba ang sugat at sakit

Ng kawalang-pakialam at panlalait?

 

Kumakalam ang kanyang sikmura

Sa gutom na hindi humuhupa

Patuloy lang ba siyang daraanan

Hanggang dumating ang kamatayan?

 

Sa kanyang panaghoy, walang nakakarinig

Sa kanyang mga luha, walang naaantig

Ang mga tao ba’y sadyang ‘di naaawa?

Sa pagtulong ba’y walang pagkusa?

 

Siya’y palaboy, walang mapuntahan

Walang tiyak na patutunguhan

Sino nga naman ang magkakalinga

Sa tulad niyang isa lamang pusa?

Jairene Cruz-Eusebio
Latest posts by Jairene Cruz-Eusebio (see all)


Leave a Reply