Ang Pusa Sa Kandungan Ni Sisa
Kung kaya ko lamang damahin ang sakit
Ng bawat kulata, suntok at sabunot
Ng iyong kabiyak – pati na ang galit
Ay ‘di mo na sana ipanghihilamos
Sa mukhang marikit ang patak ng luha.
Ang kaya ko lamang sa ngayon ay pilit
ikalmot nang husay ang kukong matulis.
Kung alam ko lamang gawan ng paraan
Na aking maibsan ang iyong hinagpis,
Sa tuwing susuong ang iyong panganay
At bunsong magiliw tungo sa panganib
Ay aking gagawin nang ika’y matuwa.
Puwede na kayang isiksik ko na lang
sa iyong kandungan ang aking katawan?
Ngunit ‘di pa uso ang gano’ng sistema
At hindi ganito ang tunay na buhay.
Bagkos ay palaging ang iyong kasama
Ay isang mumunting alaga sa bahay
Na siyang karamay t’wing ika’y balisa.
Ang init ng lambing ay sasapat na bang
kapalit ng yakap ng anak mong dal’wa?
Ang iyong paghimas sa aking gulugod
Ay s’ya mong libangan matapos makuha
Ng iyong asawa ang nais n’yang lubos.
Ang haplos mo naman sa munti kong tenga,
Pantanggal pangamba sa supling mong mutya.
Ang mukha ko’t buntot ay sadyang ‘kinuskos
upang mapawi na ang kimkim mong lungkot.
Tahimik na saksi sa dilim ng gabi
Ang aking matalim na matang kay bilog.
At habang lulong ka sa iyong sarili
Tanong ko’y palaging matindi’t marubdob:
Dinaranas mo ba’y tapos na nga kaya?
Ang iyong pasakit ay sadyang kaytindi
banayad kong ngiyaw ay ‘di mo intindi.
Public Domain Image Cat Pet Art
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022