Bakunawa

Bakunawa

Nilamon ng serpiyente ang buwang

kadluan ng laksa-laksang alaala.

Bolang tanglaw sa gabing mapanglaw

 

Ay ngayo’y pulang pula. Nababad sa dugo

ang pinaslang na musa sa kalangitan.

Walang natira sa Bathaluman kundi bungo

 

Na sa halip maluoy ay lalong namukadkad.

Umawit ng ponebre ang mga naulilang tala

habang ang serpiyente’y lalong nandahas.

 

Wala siyang magawa pagkat siya’y nag-iisa

sa ibabaw ng bangkay ng pinuksang kalaban.

Ngayo’y singlamig ng gabi ang pag-iisa

 

Na umuuk-ok sa ilalim ng kanyang puso.

Ang serpiyenteng magiting, ‘di kinaya

ang bigat ng kalungkutan – itinutok ang nguso

 

Sa sariling katawan at nagsimulang kumagat

hanggang maubos pati ang kanyang mukha.

Lumbay ng gabi at mga tala ang namayagpag

 

Habang nag-aabang sa muling pagsilang ng diyosa

na sa haba ng dilim ay magpapanumbalik ng tanglaw.

 

Sa mitolohiyang Filipino, ang Bakunawa ay isang higanteng serpiyente, dragon, o buwaya na kumakain ng buwan o araw na siyang dahilan ng eklipse.

 

Public Domain Image Blood Moon
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply