Imahen
‘Di na n’ya kilala ang mukhang kausap at kanyang kaharap
Kasinglabo na rin ng lumang salamin ang matang mapungay;
‘Di na n’ya aninag ang mga imaheng minsan n’yang ginagap.
Maging ang pisngi n’yang maganda’t makinis; pirmi ring bumagsak
Gan’un din ang noong kulubot na batbat ng linyang pahalang;
‘Di na n’ya kilala ang mukhang kausap at kanyang kaharap.
Ganyan ang ligalig na dulot sa isip ng kanyang pag-usad
Sa andar ng oras, ‘di s’ya nakaligtas kahit sinubukan;
‘Di na n’ya aninag ang mga imaheng minsan n’yang ginagap.
Kung kaya palihim ang kanyang pagpahid sa mukha ng makeup
At tina sa ubang bakas na iniwan ng taong nagdaan;
‘Di na n’ya kilala ang mukhang kausap at kanyang kaharap.
Sabay ding inayos ang gusot ng balat sa lotion at sunblock
Upang ‘di mabunyag ang pangit na markang dapat ay lihim lang;
‘Di na n’ya aninag ang mga imaheng minsan n’yang ginagap.
At ito ang lunas sa bagsik ng sumpang kanyang dinaranas
Mapigil n’ya lamang ang nais mangyari ng Poong Maykapal;
‘Di na n’ya kilala ang mukhang kausap at kanyang kaharap
‘Di na n’ya aninag ang mga imaheng minsan n’yang ginagap.
Public Domain Image Old Woman at the Mirror by Bernardo Strozzi
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022