Isang gabing pikit ang mundong marikit,
Nilamon ng tuso at hambog na dragon
Ang papel na bangkang tinangay ng alon.
Walang maririnig kahit saang sulok
Kundi ang halakhak ng hadeng matilos.
Ano nga bang laban ng gusgusing bangka
Sa serp’yenteng dragong turing ay dakila?
Sigurado akong sa kanyang paningin
Ang bangka’y isda rin nang kanyang sagpangin.
Sapagkat bitwin lang ang naiwang saksi,
Salaysay ng alon, narinig ng bingi.
At nang mag-umaga, tumambad sa mata
Isang nakalimbag sa tubig na ‘storya:
Nagkalat sa dagat ang katawang lansag
Ng papel na bangkang nangahas maglayag.
At bulang naglaho ang dragong magiting
Kahit kalabukab, di kayang hanapin.
Ngunit ang mahapdi at di ko matiis,
Bakit nasasakdal ang bangkang ginahis?
Siguro’y dahil nga ang mundo’y marikit
Kaya kaya nating sa gabi’y pumikit.
Musikero, makata, mangingibig, at driver; si Ferdie Eusebio ay isinilang at nagkukuta sa Los Baños, Laguna.
Kasalukuyang online writer para sa sandamakmak na business websites sa loob at labas ng Pilipinas. Siya ang tumatayong Editor ng ExpertContentWritersTeam - isang pangkat ng mga freelance writers. Naging tagapangulo ng Kataga, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.
Nagwagi siya sa dalawang timpalak na kapwa pinasimulan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) - Tumula Tayo 2022, kategoryang Tanaga (Ikalawang Gantimpala) at Dula Tayo: Pagsulat ng Dramatikong Monologo (Ikalawang Gantimpala). Muli siyang nagwagi sa mga kategoryang Diyona, Tanaga, at Dalit sa Tula Tayo 2023.
Noong 2024, pitong beses siyang nagwagi sa Tula Tayo (anim na diyona, isang tanaga) sa KWF, at dalawang beses naman sa Saranggola Blog Awards (Unang Karangalan sa Kuwentong Pambata at Ikalawang Karangalan sa Tula).
Samantala, ilan sa kaniyang mga akda ay nalimbag sa Points of Contact ng Philippine Collegian, Palihang Rogelio Sicat: Unang Antolohiya, at Ani Journal, Vol 42 ng Cultural Center of the Philippines.
Kapag may oras ay muli siyang nagbabalik sa pag-compose ng mga kanta.
Latest posts by Ferdie L. Eusebio
(see all)
Magbasa ng Iba pang mga Akda