Rebulto
Kung kaya ko lamang dukutin ang puso,
May isang rebulto akong itatayo.
Rebultong marapat sa mga dakila
At mga bayani ng ating bandila.
Pagkat ang puso ko’y nalinlang ng awit
At mga pangako ng huwad na langit,
Ngayo’y isang bato na ayaw tumibok
Dahil punumpuno ng dusa’t himutok.
At dahil ang dugo ay di dumadaloy,
Ako’y laging manhid sa inyong sitwasyon.
Sa isipan ko rin, kayo’y hindi tanaw
Kaya ang tulad n’yo’y aking nalimutan.
Sa pusong matigas, aking iuukit,
Inyong abang mukha’t dakila n’yong hugis
Nang mundo’y matanto ang tunay n’yong saysay:
Ang lakas ng bayan, kayo ang may bigay.
Kayo ang may gawa ng bawat hininga
Kaya bawat tao ay mayro’ng halaga.
At kung itong puso ay muling pumintig,
Kayo nawa ang s’yang unang makarinig.
At kung kaya ko ring sa dibdib ay hugutin
Ang mga pasaning inyo ring pasanin,
Sa inyong rebulto, aking ilalagda:
“Kung kayo ay wala, wala rin ang bansa.”
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
- Eklipse - November 10, 2022
- Kubing* - October 24, 2022
- Sa Aking Rocketship (Isang Haibun) - October 21, 2022