Kagabi, ang buwan
ay para bang ice cream
na sobrang linamnam.
Ako ay nangasim
sa ‘king pag-aasam.
Kaya ko hiniling
sa mahal kong inang
ako ay ibili
ng isang kutsarang
ga-bangka ang laki.
Wala na raw tinda
kahit sa grocery.
At muling umugong
ang aking sikmura
kagaya ng motor.
Pa’no’y kahit tala
sa dako pa roon,
katulad ay chicha.
Subalit nainis
ang mahal kong nanay
saka ‘pinasilip
ang wallet n’yang tangan.
Loob ay kaparis
ng gabing matamlay.
Doo’y nagniningning:
baryang hugis buwan.
Parang nakatingin
sa batang natakam
sa ice cream na hiling,
‘sang gabi ng lockdown.
Kung nagustuhan mo ang akdang ito, pakape ka naman!
I-click lamang ang button sa ilalim para magpadala ng kape sa manunulat. Kung walang button na lumabas ay magtungo lamang sa aming Shop page.
Musikero, makata, mangingibig, at driver; si Ferdie Eusebio ay isinilang at nagkukuta sa Los Baños, Laguna.
Kasalukuyang online writer para sa sandamakmak na business websites sa loob at labas ng Pilipinas. Siya ang tumatayong Editor ng ExpertContentWritersTeam - isang pangkat ng mga freelance writers. Naging tagapangulo ng Kataga, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.
Nagwagi siya sa dalawang timpalak na kapwa pinasimulan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) - Tumula Tayo 2022, kategoryang Tanaga (Ikalawang Gantimpala) at Dula Tayo: Pagsulat ng Dramatikong Monologo (Ikalawang Gantimpala). Muli siyang nagwagi sa mga kategoryang Diyona, Tanaga, at Dalit sa Tula Tayo 2023.
Noong 2024, pitong beses siyang nagwagi sa Tula Tayo (anim na diyona, isang tanaga) sa KWF, at dalawang beses naman sa Saranggola Blog Awards (Unang Karangalan sa Kuwentong Pambata at Ikalawang Karangalan sa Tula).
Samantala, ilan sa kaniyang mga akda ay nalimbag sa Points of Contact ng Philippine Collegian, Palihang Rogelio Sicat: Unang Antolohiya, at Ani Journal, Vol 42 ng Cultural Center of the Philippines.
Kapag may oras ay muli siyang nagbabalik sa pag-compose ng mga kanta.
Latest posts by Ferdie L. Eusebio
(see all)
Magbasa ng Iba pang mga Akda