Tripulante

Tripulante

Isang malawak na dagat ng pananabik

ang pagitan ng aming barko sa ating baybayin

noong araw na maglayag malapit

sa pampang kung saan ako nanggaling.

Tanaw na tanaw ko rin ang pantalang

lunsaran ng mga barkong pangkalakalang

paris ko’y hanap ang maaliwalas na kapalaran.

 

Kung maaari lang sanang makisuyo

sa mga ibong sa bintana ko’y nakadapo,

kanina pa ako sumulat ng liham

upang ihatid nila sa mga palad ng aking mag-anak

ang balita ng aming pagdaan sa baybay-dagat.

Isusulat ko ring maayos lang ang aking lagay

at pangako ng masaganang buhay sa muling pagdaong.

 

Ngunit ang luha ko’t ang dagat

ay parang nagiging magkasing-alat

kapag sa alaala ay muling sumasagi

ang ‘di mapugtong hirap na sa atin ay naghahari.

Kundi lang dahil sa mga utang namin

at iba pang nagtataasang bayarin at bilihin

lulundag na ako sa barkong sinasakyan

at lalangoy pabalik sa bayang pinanggalingan.

 

At muling lalawak ang dagat ng pananabik

at pagitan ng aming barko sa ating baybayin.

 

Public Domain Image Cargo Ship
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply