Walang Ibang Gamot
Ang sakit ng kalingkingan,
dama ng buong katawan.
Kapag nagkakasakit tayo, hindi lang isang tao ang nakakaramdam nito; ramdam ito ng buong pamilya. Naroroon
ang mga magulang na parang pinipiga ang puso tuwing nakikita ang kalagayan ng anak. Naroroon ang asawang tila
kinakapos ng hininga kapag naririnig na dumaraing ang kabiyak.
Naroroon ang mga kapatid na parang natutuyo ang dugo kapag nakikitang nasasaktan ang kanilang kaputol ng
pusod. Naroroon din ang anak na nagtitiis sa hapdi ng pagwawalay upang hindi siya mahawa. Parang mga cells sa
katawan, lahat ay nanghihina sa pagtamlay ng isa sa kanila.
Ganito tayo sa harap ng problema. Kung tutuusin, dahil nagmula tayo sa iisang cell, agad ramdam ng bawat isa sa
pamilya ang hinaing ng iba pa.
Bahay mang anong tibay
‘pag unos ang lumatay;
bubong ay matatangay,
haligi ay bibigay.
Ngunit nasa isa’t isa rin ang pagkukunang lakas upang igpawan ang karamdaman. Pigain man ang puso, kapusin
man ng hininga, matuyuan man ng dugo, at magtiis nang makailang ulit, kinakaya ng lahat upang may paghugutang
lakas ang pasyente. Kailangang gawin kahit mahapdi. Kailangang magpakatatag kahit nagdaramdam din.
Sa huli, walang ibang gamot ang gumaling kundi ang pag-ibig ng pamilyang kasabay niyang gumaling din.
Ang larawan ay kuha ni Jairene Cruz-Eusebio
- Ang K’wento ni T’nalie - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022