Ang K’wento N’ya

Ang K’wento N’ya

Lagi’t laging mayro’ng pasa ang maamo niyang mukha

Pagkatapos s’yang awayin ng kaklase’t kapwa bata

Ganyan lagi ang k’wento n’ya; ‘di lang natin mahalata

Pagkat laging nakangiti kahit takot, nahihiya.

 

Binansagang aswang, kapre, tiyanak at ‘sang maligno

Tinawag ding bansot, ampon, payatot at kabonegro.

May palayaw ding mataba na ‘singlaki ng ‘sang lobo

Ganyan lagi ang k’wento n’ya, ‘pag kaklase’y nanunukso.

 

Ganyan lagi ang k’wento n’ya; walang sawa, walang puknat

Araw-araw sa ‘skwelahan mata’y mugto sa pag-iyak

Ganyan lagi ang k’wento n’ya; hiling niya, “sana bukas

Kapalara’y magbago na, k’wentong ito ay magwakas.”

 

Ang hindi mo nalalaman, ang k’wento n’ya’y k’wento mo rin

‘Pag hindi mo itinigil, sa iyo rin ay gagawin

Mayro’ng isang kasabihang dapat nating seryosohin:

“Kung ano ang itinanim, siya rin ang aanihin.”

 

Public Domain Image Gulls Fun Photo Composing
Ferdie L. Eusebio
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)


Leave a Reply