Flores de Mayo
Sa isang munting parada ng mga bulaklak,
ikaw ay natatangi sa ganda at busilak
Na marahang pumaparada sa mga mata
ng mga debotong naglalakad sa kalsada.
Di ko alam kung sinong mas matimtiman;
ang banal na birhen sa prusisyon o ikaw
Na nagsasabog ng halimuyak at yumi
sa umaasang puso at nag-aabang na labi?
Ang mga dasal na ating inuusal at inaawit
ay harana ng balana sa natutuyong bukid
Habang ang mga awit at dasal na aking inuusal
ay munting harana ng pagsintang sa’yo lamang.
Samo’t dalangin ko: ‘wag sanang magwakas
ang mabining pag-usad ng paradang makupad
Pagkat ako’y nahuhumaling sa tinig mong malambing
na ‘di lang ako ang nahuhulog, kundi pati mga bituin.
Kaya kapag humikbi na ang mahabaging langit
at tumulo ang luha ng tuwa sa tumanang nananabik
Muling magsisibulan ang mga bulaklak ng pag-asa
na siyang iaalay ko sa munti nating altar at dambana.
Public Domain Image Flores De Mayo Ilocos
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022