Kahon Kahon
I.
Kahon-kahong pasalubong
Ang dumating kanina lang;
Laman nito ay pantalon
Mga damit at laruan.
Kahon-kahon ding de-lata
Mga kendi, tsokolate
May kalakip din na pera
Para kina kuya’t ate.
Kahon-kahong mga sabon
Kolorete at pabango
‘Di mabilang sa maghapon
O kahit pa isang linggo.
Kahon-kahon nang dumating
Ang imported na ligaya
Ang naiwang liligpitin:
Kahon-kahon ding basura.
II.
Kahon-kahong mga karton
Ang masinop na pinulot
Ng mag-anak na palaboy
Sa basurang mala-bundok.
Kahon-kahon ang laruan
Nina totoy at ni nene
Kahon-kahon ding kalakal
Na kapalit ay salapi.
Kahon-kahong tagni-tagni
Ang tirahan sa may silong
Ng matayog na gusali
Sa labas ng subdivision.
Kahon-kahong mga kalat
Ang naiwang pasalubong
Ng pamilyang nakatanggap
Sa pamilyang nagugutom.
Public Domain Image Cardboard Box Sealed
- Ang K’wento ni T’nalie - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022