Sa Tuwing Sasakmalin Ng Dilim Ang Bukirin
At sumasalakay sila sa karimlan ng gabi.
Pusikit pang nababalot ng dilim ang bukirin
Tuwing sila’y dumarating, walang abiso o pasabi.
Tila mga anay silang humahanay sa bawat baging,
Tangkay, dahon at bunga – matiyagang naghuhukay,
Naghuhukay nang naghuhukay sa pakay na kunin.
Kapag pumupulandit naman ang ilaw sa kalayuan
Sila ay magsisidapaan na para bang mga ahas;
Gagapang sa sukal upang hindi sila matanaw
Ng sinumang sa gabi ay nagmamatyag.
Ayaw na ayaw nilang may sinumang makasisilip
Ng kanilang tunay na anyo. Baka nga malantad
Sa buong lupain ang hitsura nilang marungis.
Kaya sila ay nananalangin kahit nagkakasala
Na huwag sanang madapuan ng mabangis na titig.
At kapag tapos na, ititindig nilang parang bandila
Ang mga tangkay na kinunan ng bungang-lupang pinuti;
Gagawin nila ito upang ang mga bakas ay ‘di mahalata.
At sumasalakay sila sa karimlan ng gabi
Habang himbing na himbing ang may-ari ng bukiring
Pinagnanakawan na ay hindi pa masabi.
Public Domain Image Thief Night
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022